Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 19:1-2

Mga Batas tungkol sa Kabanalan at Katarungan

19 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Magsalita(A) ka sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Kayo'y magpakabanal, sapagkat akong Panginoon ninyong Diyos ay banal.

Levitico 19:15-18

15 “Huwag(A) kayong gagawa ng kalikuan sa paghatol; huwag kang magtatangi sa pagkatao ng dukha ni itatangi ang pagkatao ng makapangyarihan, kundi hahatulan mo ang iyong kapwa ayon sa katarungan.

16 Huwag kang magpaparoo't-parito sa iyong bayan bilang tagapagdala ng tsismis, ni huwag kang titindig laban sa dugo ng iyong kapwa: Ako ang Panginoon.

17 “Huwag(B) mong kapopootan ang iyong kapatid sa iyong puso; tunay na sasawayin mo ang iyong kapwa, upang hindi ka magpasan ng kasalanan dahil sa kanya.

18 Huwag(C) kang maghihiganti o magtatanim ng galit laban sa mga anak ng iyong bayan; kundi iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng sa iyong sarili: Ako ang Panginoon.

Mga Awit 1

UNANG AKLAT

Dalawang Uri ng Pamumuhay

Mapalad ang taong
    hindi lumalakad sa payo ng masama,
ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan,
    ni umuupo man sa upuan ng mga manunuya;
kundi nasa kautusan ng Panginoon ang kanyang kagalakan,
    at nagbubulay-bulay araw at gabi sa kanyang kautusan.
Siya ay(A) gaya ng isang punungkahoy
    na itinanim sa tabi ng agos ng tubig,
na nagbubunga sa kanyang kapanahunan,
    ang kanyang dahon nama'y hindi nalalanta,
sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya.

Ang masama ay hindi gayon;
    kundi parang ipang itinataboy ng hangin.
Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa hukuman,
    ni sa kapulungan ng matuwid ang makasalanan;
sapagkat ang lakad ng matuwid ang Panginoon ang nakakaalam,
    ngunit mapapahamak ang lakad ng makasalanan.

1 Tesalonica 2:1-8

Ang Pangangaral ni Pablo sa Tesalonica

Kayo mismo ang nakakaalam, mga kapatid, na ang aming pagdating sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan.

Bagaman(A) nagdusa na kami at inalipusta sa Filipos, tulad ng inyong nalalaman, ay naglakas loob kami sa ating Diyos upang ipahayag sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos sa gitna ng napakalaking pagsalungat.

Sapagkat ang aming pangaral ay hindi mula sa pandaraya, ni sa karumihan, ni sa panlilinlang,

kundi kung paanong kami'y minarapat ng Diyos na pagkatiwalaan ng ebanghelyo ay gayon kami nagsasalita, hindi upang bigyang-lugod ang mga tao, kundi ang Diyos na sumusuri sa aming mga puso.

Sapagkat hindi kami natagpuang gumamit kailanman ng mga salitang paimbabaw, gaya ng nalalaman ninyo, ni ng balabal ng kasakiman, saksi namin ang Diyos;

ni nagsihanap man sa mga tao ng kapurihan, ni sa inyo o sa iba man, bagaman may karapatan kaming humingi bilang mga apostol ni Cristo.

Kundi kami ay naging malumanay sa gitna ninyo, gaya ng isang ina na nag-aaruga sa kanyang mga anak.

Palibhasa'y nagmamalasakit kami sa inyo, ipinasiya naming kayo'y bahaginan, hindi lamang ng ebanghelyo ng Diyos, kundi pati ng aming mga sariling kaluluwa, sapagkat kayo'y napamahal na sa amin.

Mateo 22:34-46

Ang Dakilang Utos(A)

34 Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus[a] ang mga Saduceo, ay nagtipon sila.

35 At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay nagtanong sa kanya upang siya'y subukin.

36 “Guro, alin ba ang dakilang utos sa kautusan?”

37 At(B) sinabi sa kanya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.’

38 Ito ang dakila at unang utos.’

39 At(C) ang pangalawa ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.’

40 Sa(D) dalawang utos na ito nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta.”

Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(E)

41 Habang nagkakatipon ang mga Fariseo ay tinanong sila ni Jesus,

42 na sinasabi, “Ano ang palagay ninyo tungkol sa Cristo? Kaninong anak siya?” Sinabi nila sa kanya, “Kay David.”

43 Sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y bakit si David nang nasa Espiritu ay tumatawag sa kanya ng Panginoon, na nagsasabi,

44 ‘Sinabi(F) ng Panginoon sa aking Panginoon,

“Maupo ka sa aking kanan,
    hanggang sa mailagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa”’?

45 Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya'y naging kanyang anak?”

46 Walang nakasagot sa kanya kahit isang salita, at wala na ring sinumang nangahas pang magtanong sa kanya ng anuman buhat sa araw na iyon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001