Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Papuri sa Panginoon
25 O Panginoon, ikaw ay Diyos ko;
aking dadakilain ka, aking pupurihin ang pangalan mo;
sapagkat ikaw ay gumawa ng kagila-gilalas na bagay,
samakatuwid ay ang iyong binalak noong una, tapat at tiyak.
2 Sapagkat iyong ginawang isang bunton ang lunsod,
ang bayang matibay ay ginawang isang guho;
ang palasyo ng mga dayuhan ay di na bayan,
ito'y hindi na maitatayo kailanman.
3 Kaya't luluwalhatiin ka ng malalakas na mamamayan,
ang mga lunsod ng malulupit na mga bansa ay matatakot sa iyo.
4 Sapagkat ikaw sa mga dukha ay naging kanlungan,
isang kanlungan sa nangangailangan sa kanyang kahirapan,
silungan sa bagyo at lilim sa init,
sapagkat ang ihip ng mga malulupit ay parang bagyo laban sa pader,
5 gaya ng init sa tuyong dako.
Sinupil mo ang ingay ng mga dayuhan;
gaya ng init sa pamamagitan ng lilim ng alapaap,
ang awit ng mga malulupit ay napatahimik.
6 At sa bundok na ito ay gagawa ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat ng mga bayan ng isang kapistahan ng matatabang bagay, ng isang kapistahan ng mga nilumang alak, ng matatabang bagay na punô ng utak, ng mga lumang alak na totoong dinalisay.
7 At kanyang wawasakin sa bundok na ito ang takip na inilagay sa lahat ng mga bayan, at ang lambong na iniladlad sa lahat ng bansa.
8 Lulunukin(A) niya ang kamatayan magpakailanman at papahirin ng Panginoong Diyos ang mga luha sa lahat ng mga mukha. Ang paghamak sa kanyang bayan ay maaalis sa buong lupa, sapagkat ang Panginoon ang nagsalita.
9 At sasabihin sa araw na iyon, “Ito'y ating Diyos; hinintay natin siya at ililigtas niya tayo. Ito ang Panginoon; ating hinintay siya, tayo'y matuwa at magalak sa kanyang pagliligtas.”
Awit ni David.
23 Ang Panginoon ay aking pastol; hindi ako magkukulang;
2 pinahihiga(A) niya ako sa luntiang pastulan,
inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan.
3 Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa.
Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran
alang-alang sa kanyang pangalan.
4 Bagaman ako'y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan,
wala akong katatakutang kasamaan;
sapagkat ikaw ay kasama ko,
ang iyong pamalo at ang iyong tungkod,
inaaliw ako ng mga ito.
5 Ipinaghahanda mo ako ng hapag
sa harapan ng aking mga kaaway;
iyong binuhusan ng langis ang aking ulo,
umaapaw ang aking saro.
6 Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin
sa lahat ng mga araw ng aking buhay;
at ako'y maninirahan sa bahay ng Panginoon
magpakailanman.[a]
4 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking katuwaan at putong, magpakatibay kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.
Mga Pangaral
2 Nakikiusap ako kina Euodias at Sintique, na magkaisa sila ng pag-iisip sa Panginoon.
3 Oo, nakikiusap din naman ako sa iyo, tapat na katuwang sa pasanin na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagkat sila'y nagpagal na kasama ko sa ebanghelyo, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nasa aklat ng buhay.
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon; muli kong sasabihin, Magalak kayo.
5 Malaman nawa ng lahat ng mga tao ang inyong kahinahunan. Ang Panginoon ay malapit na.
6 Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos.
7 At ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip, ang mag-iingat ng inyong mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus.
8 Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na kapuri-puri, kung mayroong anumang kagalingan, at kung may anumang nararapat papurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.
9 Ang mga bagay na inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.
Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)
22 Si Jesus ay muling nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, na sinasabi,
2 “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari na nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki.
3 Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa handaan ng kasalan; ngunit ayaw nilang dumalo.
4 Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin, na sinasabi, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naihanda ko na ang aking handaan; pinatay na ang aking mga baka at matatabang hayop at handa na ang lahat. Halina kayo sa handaan ng kasalan.’
5 Ngunit hindi nila ito pinansin, at sila'y humayo, ang isa'y sa kanyang sariling bukid, ang isa'y sa kanyang pangangalakal.
6 Hinuli naman ng iba ang kanyang mga alipin at ginawan ng masama at pinagpapatay.
7 Kaya't nagalit ang hari. Sinugo niya ang kanyang mga hukbo, pinuksa ang mga mamamatay-taong iyon, at sinunog ang kanilang lunsod.
8 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Handa na ang kasalan, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan.
9 Kaya pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at anyayahan ninyo sa handaan ng kasalan ang sinumang makita ninyo.’
10 Lumabas ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at tinipon nila ang bawat matagpuan nila, masama man o mabuti; kaya't napuno ng mga panauhin ang kasalan.
11 “Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang tao na hindi nakadamit pangkasal.
12 Sinabi niya sa kanya, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakadamit pangkasal?’ Ngunit hindi siya nakapagsalita.
13 Kaya't(B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas. Doon ay ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.’
14 Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001