Revised Common Lectionary (Complementary)
7 Panunumbalikin mo kami, O Diyos ng mga hukbo;
paliwanagin mo ang iyong mukha upang kami ay maligtas!
8 Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Ehipto;
iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo ito.
9 Inihanda mo ang lupa para doon,
ito'y nag-ugat nang malalim at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyon,
ang malalaking sedro at ang mga sanga nito,
11 ang kanyang mga sanga hanggang sa dagat ay umabot,
at ang kanyang mga supling hanggang sa Ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang mga pader niya,
anupa't lahat ng dumaraan ay pumipitas ng kanyang bunga?
13 Sinisira ito ng baboy-damo na mula sa kagubatan,
at nanginginain doon ang lahat ng gumagalaw sa parang.
14 Bumalik kang muli, O Diyos ng mga hukbo, isinasamo namin sa iyo.
Tumungo ka mula sa langit, at masdan mo;
pahalagahan mo ang puno ng ubas na ito,
15 ang punong itinanim ng kanang kamay mo,
at sa anak na iyong pinalaki para sa iyong sarili.
Mga Bunga ng Kataksilan ng Israel
14 “Ang Israel ba'y alipin? Siya ba'y aliping ipinanganak sa bahay?
Bakit nga siya'y naging hayop na nasila?
15 Ang mga batang leon ay nagsiungal laban sa kanya,
at sila'y malakas na nagsiungal.
Winasak nila ang kanyang lupain;
ang kanyang mga lunsod ay guho, walang naninirahan.
16 Bukod dito'y binasag[a] ng mga anak ng Memfis at ng Tafnes
ang bao ng iyong ulo.
17 Hindi ba ikaw na rin ang nagdala nito sa iyong sarili,
dahil sa iyong pagtalikod sa Panginoon mong Diyos,
nang kanyang patnubayan ka sa daan?
18 At ano ngayon ang napala mo sa pagpunta sa Ehipto,
upang uminom ng tubig ng Nilo?
O anong napala mo sa pagpunta sa Asiria,
upang uminom ng tubig ng Eufrates?
19 Parurusahan ka ng iyong sariling kasamaan,
at ang iyong pagtalikod ang sa iyo'y sasaway.
Alamin mo at iyong tingnan na masama at mapait
na iyong talikuran ang Panginoon mong Diyos,
at ang takot sa akin ay wala sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo.
Tumanggi ang Israel na Sambahin ang Diyos
20 “Sapagkat matagal nang panahong binasag ko ang iyong pamatok
at ang mga gapos mo'y nilagot;
ngunit iyong sinabi, ‘Hindi ako maglilingkod.’
Sapagkat sa bawat mataas na burol
at sa lilim ng bawat luntiang punungkahoy
ay yumuko kang tulad sa mahalay na babae.[b]
21 Gayunma'y itinanim kita na isang piling puno ng ubas,
na pawang dalisay na binhi.
Bakit nga naging bansot ka
at naging ligaw na ubas?
22 Kahit maligo ka ng lihiya,
at gumamit ng maraming sabon,
ang mantsa ng iyong pagkakasala ay nasa harapan ko pa rin, sabi ng Panginoong Diyos.
16 Kaya't(A) ang sinuman ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain at inumin, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o mga araw ng Sabbath,
17 na ang mga ito ay isang anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katawan ay kay Cristo.
18 Huwag ninyong hayaan na agawan kayo ng gantimpala sa pamamagitan ng kusang pagpapakababa at pagsamba sa mga anghel, na pinanghahawakan ang mga bagay na kanyang nakita, na nagyayabang nang walang dahilan sa pamamagitan ng kanyang makalamang pag-iisip,
19 at(B) hindi kumakapit sa Ulo, na sa kanya'y ang buong katawan, na tinutustusan at pinagsasanib sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid ay lumalago ng paglagong mula sa Diyos.
Babala Laban sa Maling Turo
20 Kung kayo'y namatay na kasama ni Cristo mula sa mga simulain ng sanlibutan, bakit kayo'y nabubuhay na parang nasa sanlibutan pa rin? Bakit kayo'y nagpapasakop sa mga alituntuning,
21 “Huwag humipo, huwag tumikim, huwag humawak”?
22 Ang lahat ng mga alituntuning ito ay masisira sa paggamit, palibhasa'y mga utos at mga aral lamang ng mga tao.
23 Ang mga bagay na ito'y mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang ayon sa sariling kagustuhan, sa pagpapakababa, at sa pagpapahirap sa katawan, ngunit wala silang kabuluhan laban sa kalayawan ng laman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001