Revised Common Lectionary (Complementary)
5 Nagsalita naman si Propeta Jeremias kay Propeta Hananias sa harap ng mga pari at sa lahat ng mga taong naroon sa patyo ng Templo, 6 “Amen! Ganyan nga sana ang gawin ni Yahweh! Magkatotoo nawa ang ipinahayag mo at maibalik nga sana rito ang lahat ng kagamitan ng Templo mula sa Babilonia at lahat ng mga dinalang-bihag! 7 Ngunit pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyong lahat. 8 Ang mga propetang nauna sa atin ay nagpahayag na magkakaroon ng digmaan, taggutom at salot sa maraming bansa at sa mga kilalang kaharian. 9 Kung magkatotoo ang pahayag ng isang propeta na magkakaroon ng kapayapaan, saka lamang natin malalamang si Yahweh nga ang nagsugo sa kanya.”
15 Mapalad ang taong sa iyo'y sumasamba, sa pagsamba nila'y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.
16 Sa buong maghapon, ika'y pinupuri,
ang katarungan mo'y siyang sinasabi.
17 Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
dahilan sa iyong kagandahang-loob.
18 Sapagkat si Yahweh ang aming sanggalang,
ang aming hari ay siya ang humirang, Banal ng Israel, siya'y aming sandigan.
12 Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong mga katawang may kamatayan upang hindi na ninyo sundin ang masasamang hilig nito. 13 Huwag na ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay na at muling binuhay, at ihandog ninyo sa kanya ang inyong katawan bilang kasangkapan sa kabutihan. 14 Sapagkat hindi na dapat maghari sa inyo ang kasalanan, dahil kayo'y wala na sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.
Mga Alipin ng Katuwiran
15 Ngayon, malaya na ba tayong magkasala dahil wala na tayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos?
Hinding-hindi! 16 Hindi ba ninyo alam na kapag nagpasakop kayo sa sinumang inyong sinusunod, kayo'y nagiging alipin nito, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o ang pagsunod sa Diyos na hahantong sa pagiging matuwid? 17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating mga alipin ng kasalanan ay taos pusong sumunod sa katotohanan na nasa aral na ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at kayo ngayon ay mga alipin na ng katuwiran. 19 Gumagamit ako ng karaniwang pangungusap dahil sa inyong likas na kahinaan. Kung paanong ipinailalim ninyo noong una ang inyong sarili sa karumihan at sa kasamaang palala nang palala, isuko ninyo ngayon ang inyong sarili bilang alipin ng katuwiran para sa mga banal na layunin.
20 Noong alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo saklaw ng katuwiran. 21 Ano ang napala ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang ibinubunga ng mga iyon. 22 Ngunit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang natamo ninyo'y isang buhay na banal at ang ibinubunga nito'y buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Mga Gantimpala(A)
40 “Ang(B) tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa ito'y propeta ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa ito'y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. 42 Tandaan ninyo: sinumang magbigay ng kahit isang basong malamig na tubig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya'y alagad ko, siya'y tiyak na tatanggap ng gantimpala.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.