Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 40:1-8

Awit ng Pagpupuri

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

40 Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay,
    ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
sa balong malalim na lubhang maputik,
    iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
    at naging panatag, taglay na buhay ko.
Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
    papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
    at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
    at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
    hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
Yahweh, aking Diyos, wala kang katulad
    sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
    nangangamba akong may makalimutan.

Ang(A) mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
    hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
    hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
    Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
    nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
    aking itatago sa puso ang aral.”

Levitico 15:25-31

25 “Kung ang sinumang babae ay dinudugo nang wala sa panahon, o lumampas kaya sa takdang panahon ng kanyang pagreregla, ituturing siyang marumi habang siya'y dinudugo, tulad nang siya'y nireregla. 26 Ang anumang mahigaan o maupuan niya sa loob ng panahong iyon ay ituturing na marumi, tulad din ng siya'y nireregla. 27 Ang sinumang makahipo sa mga bagay na ito ay dapat maligo; lalabhan niya ang kanyang kasuotan at ituturing siyang marumi hanggang gabi. 28 Kung huminto na ang kanyang pagdurugo, siya'y bibilang ng pitong araw mula noon at magiging malinis na siya. 29 Sa ikawalong araw, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati at dadalhin niya sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 30 Ihahandog ang isa nito para sa kasalanan, at ang isa nama'y handog na susunugin. Sa ganitong paraan lilinisin siya ng pari sa harapan ni Yahweh.

31 “Ganito ninyo ilalayo sa karumihan ang mga taga-Israel sapagkat kung hindi ninyo ito gagawin, mamamatay sila sa paglapastangan sa tabernakulo na nasa gitna nila.”

Levitico 22:1-9

Paggalang sa mga Bagay na Inihandog

22 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na dapat nilang igalang ang mga bagay na inilaan sa akin ng mga Israelita upang hindi malapastangan ang aking pangalan. Ako si Yahweh. Sabihin mong hindi na makakapaglingkod pang muli sa aking harapan ang sinuman sa kanyang lahi na lalapit doon nang marumi ayon sa tuntunin. May bisa ang tuntuning ito sa buong panahon ng inyong lahi. Ako si Yahweh.

“Ang sinuman sa angkan ni Aaron na may sakit sa balat na parang ketong o kaya'y may tulo ay hindi dapat kumain ng anumang bagay na banal hanggang hindi siya gumagaling. Sinumang makahawak ng bagay na naging marumi dahil sa bangkay, o dahil sa lalaking nilabasan ng sariling binhi, sa mga hayop o taong itinuturing na marumi, ay ituturing na marumi hanggang kinagabihan. Hindi siya makakakain ng pagkaing banal hanggang hindi siya nakakapaligo. Paglubog ng araw, ituturing na siyang malinis, at makakakain na ng pagkaing banal na inilaan sa kanya. Ang mga pari ay hindi rin maaaring kumain ng karne ng hayop na namatay o pinatay ng kapwa hayop sapagkat iyon ang makapagpaparumi sa kanila. Ako si Yahweh.

“Dapat sundin ng mga pari ang mga tuntuning ito; kung hindi, magkakasala sila at mamamatay. Ako si Yahweh; inilaan ko sila para sa akin.

2 Corinto 6:14-7:2

Ang Pakikisama sa mga Di-sumasampalataya

14 Huwag kayong makisama sa mga di-sumasampalataya na para bang kapareho ninyo sila. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya'y ang liwanag at ang kadiliman? 15 Maaari bang magkasundo si Cristo at ang Diyablo[a]? Ano ang kaugnayan ng sumasampalataya sa di- sumasampalataya? 16 O(A) di kaya'y ng templo ng Diyos sa diyus-diyosan? Hindi ba't tayo ang templo[b] ng Diyos na buháy? Siya na rin ang maysabi,

“Mananahan ako
    at mamumuhay sa piling nila.
Ako ang magiging Diyos nila,
    at sila'y magiging bayan ko.
17 Kaya't(B) lumayo kayo sa kanila,
    humiwalay kayo sa kanila,” sabi ng Panginoon.
“Iwasan ninyo ang anumang marumi,
    at tatanggapin ko kayo.
18 Ako(C) ang magiging ama ninyo,
    at kayo'y magiging mga anak ko,”
    sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.

Mga minamahal, yamang ipinangako sa atin ang mga bagay na ito, alisin natin sa ating sarili ang lahat ng nakapagpaparumi sa ating katawan at sa ating espiritu. Sikapin nating mamuhay nang may ganap na kabanalan at paggalang sa Diyos.

Ang Kagalakan ni Pablo

Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong puso. Kailanma'y hindi namin kayo ginawan ng masama, itinulak na gumawa ng masama, o nilamangan ang sinuman sa inyo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.