Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pagpupuri
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
40 Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay,
ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
2 sa balong malalim na lubhang maputik,
iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
at naging panatag, taglay na buhay ko.
3 Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
4 Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
5 Yahweh, aking Diyos, wala kang katulad
sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
nangangamba akong may makalimutan.
6 Ang(A) mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
7 Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
8 Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
Ang Pakiusap ni Hosea sa Israel
14 Manumbalik ka Israel kay Yahweh na iyong Diyos.
Ang pagbagsak mo ay bunga ng iyong kasamaan.
2 Dalhin ninyo ang inyong kahilingan,
lumapit kayo kay Yahweh;
sabihin ninyo sa kanya,
“Patawarin po ninyo kami.
Kami'y iyong kahabagan, kami'y iyong tanggapin.
Maghahandog kami sa iyo ng pagpupuri.
3 Hindi kami kayang iligtas ng hukbo ng Asiria,
hindi kami sasakay sa mga kabayo nila.
Hindi na namin tatawaging diyos
ang mga ginawa ng aming kamay.
Sa iyo lamang nakakasumpong ng awa ang mga ulila.”
4 Sabi ni Yahweh,
“Pagagalingin ko na sila sa kanilang kataksilan,
mamahalin ko na sila nang walang katapusan,
sapagkat napawi na ang galit ko sa kanila.
5 Ako'y matutulad sa hamog na magpapasariwa sa Israel.
Mamumulaklak siyang gaya ng liryo,
at mag-uugat din siyang tulad ng sedar.
6 Kanyang mga sanga ay darami,
gaganda siyang tulad ng puno ng olibo,
at hahalimuyak gaya ng kagubatan ng Lebanon.
7 Magbabalik sila at maninirahan sa ilalim ng aking kanlungan.
Sila'y yayabong na gaya ng isang halamanan,
mamumulaklak na parang puno ng ubas,
at ang bango'y tulad ng alak mula sa Lebanon.
8 Efraim, lumayo ka na sa mga diyus-diyosan!
Ako lamang ang tumutugon at nagbabantay sa iyo.
Ako'y katulad ng sipres na laging luntian,
at mula sa akin ang iyong mga bunga.”
9 Unawain ng matalino ang mga bagay na ito,
at dapat mabatid ng mga marunong.
Matuwid ang mga kaparaanan ni Yahweh,
at ang mabubuti'y doon lumalakad,
ngunit nadarapa ang mga masuwayin.
Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)
12 Isang(B) Araw ng Pamamahinga, dumaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom ang kanyang mga alagad noon, kaya't sila'y kumuha ng mga butil ng trigo at kumain niyon. 2 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!” 3 Sumagot(C) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? 4 Pumasok(D) siya sa bahay ng Diyos, kumain ng tinapay na handog at pinakain din niya ang kanyang mga kasama. Labag sa Kautusan ang ginawa nila sapagkat ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon. 5 Hindi(E) ba ninyo nababasa sa Kautusan na tuwing Araw ng Pamamahinga, ang mga pari ay may ginagawa sa Templo na bawal gawin sa araw na iyon? Gayunma'y hindi sila nagkakasala! 6 Sinasabi ko sa inyo, may isang naririto na higit na dakila kaysa Templo. 7 Kung(F) nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, ‘Habag ang nais ko at hindi handog,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala. 8 Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.