Revised Common Lectionary (Complementary)
7 “Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
8 Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
9 bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.
12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
kayo'y aking ililigtas,
ako'y inyong pupurihin.”
7 Ngayong ang mga taga-Jerusalem ay nasa panahon ng pagdadalamhati at paggala, nagugunita nila ang maliligayang araw na nagdaan.
Nang mahulog sila sa kamay ng kaaway ay walang sinumang sa kanila'y umalalay;
nang sila'y bumagsak, sila'y kinutya ng mga sumakop sa kanila.
8 Mabigat ang nagawang kasalanan ng Jerusalem, kaya't siya'y naging katatawanan; itinatakwil na siya ng mga pumupuri noon sa kanya.
Sa matinding kahihiyan mukha'y tinakpan,
sa isang sulok nanaghoy na lamang.
9 Ang kanyang karumhan ay di maikakaila,
malagim ang kanyang pagbagsak at wala man lamang umaliw sa kanya.
Nagtagumpay ang kanyang mga kaaway at siya'y dumulog kay Yahweh.
10 Sinamsam ng mga kaaway ang lahat niyang kayamanan;
ang mga di-dapat pumasok na mga taga-ibang bayan,
ang banal na Templo'y kanilang nilapastangan.
11 Dumaraing ang lahat ng kanyang mamamayan sa paghahanap ng pagkain;
ipinagpapalit nila ng pagkain ang kanilang mga kayamanan para lamang mabuhay.
“Yahweh, masdan po ninyo kami. Mahabag ka sa aming kalagayan!”
17 Ang katulad ng mga huwad na gurong ito ay mga batis na walang tubig, at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Inilaan na ng Diyos para sa kanila ang napakalalim at napakadilim na lugar. 18 Sa pamamagitan ng mayayabang na pananalita na panay kahangalan lamang, ginagamit nila ang pagnanasa ng laman upang maakit sa kahalayan ang mga nagsisimula pa lamang lumayo sa mga taong namumuhay nang may kalikuan. 19 Ipinapangako nila ang kalayaan, subalit sila mismo ay alipin ng kasamaan, sapagkat ang tao ay alipin ng anumang dumadaig sa kanya. 20 Sapagkat kung nakatakas na sa kasamaan ng sanlibutan ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas, ngunit muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang mahulog dito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati. 21 Mabuti pang hindi na nila nalaman ang daang matuwid, kaysa pagkatapos malaman ang banal na utos na itinuro sa kanila ay talikuran nila ito. 22 Ang(A) nangyari sa kanila ay nagpapatunay na totoo ang mga kasabihang:
“Ang aso pagkatapos sumuka
ay muling kinakain ang nailuwa na,”
at,
“Ang baboy na pinaliguan
ay bumabalik sa putikan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.