Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 85:8-13

Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
    sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
    kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
    sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
    ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
    mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
    ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
    kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.

Amos 3:1-12

Pakinggan ninyo, mga taga-Israel, itong sinabi ni Yahweh laban sa inyo na inilabas niya mula sa Egipto:

“Sa lahat ng bansa sa ibabaw ng lupa,
    kayo lamang ang aking itinangi at inalagaan.
Kaya't kayo'y aking paparusahan
    dahil sa inyong mga kasalanan.”

Ang Gawain ng Propeta

Maaari bang magsama sa paglalakbay
    ang dalawang taong hindi nagkakasundo?
Umuungal ba ang leon sa kagubatan
    kung wala siyang mabibiktima?
Umaatungal ba ang batang leon sa loob ng yungib,
    kung wala siyang nahuling anuman?
Mabibitag ba ang isang ibon
    kung hindi pinainan?
Iigkas ba ang bitag
    kung ito'y walang huli?
Kapag ang mga trumpeta'y humudyat sa lunsod,
    hindi ba't manginginig sa takot ang mga tao?
Kapag may sakunang dumating sa lunsod,
    hindi ba si Yahweh ang may gawa niyon?
Tunay na ang Panginoong Yahweh ay di kumikilos,
    kung hindi pa ipinababatid sa mga lingkod niyang propeta.
Kapag umungal ang leon,
    sino ang hindi matatakot?
Kapag nagsalita ang Panginoong Yahweh,
    sinong hindi magpapahayag?

Ang Hatol sa Samaria

Ipahayag mo sa mga nakatira sa mga tanggulan ng Asdod,
    at sa mga tanggulan ng Egipto,
“Magtipon kayo sa mga bundok ng Samaria,
    tingnan ninyo ang malaking kaguluhan doon,
    maging ang nagaganap na pang-aapi sa lunsod.”
10 “Hindi na nila alam ang paggawa ng mabuti,” sabi ni Yahweh.
    “Ang mga bahay nila'y punung-puno ng mga bagay na kinamkam sa pamamagitan ng karahasan at pagpatay.
11 Kaya't lulusubin sila ng isang kaaway,
    wawasakin ang kanilang mga tanggulan,
    hahalughugin ang kanilang mga tahanan.”

12 Sabi pa ni Yahweh, “Kung paanong walang maililigtas ang isang pastol sa tupang sinila ng isang leon, liban sa dalawang paa't isang tainga. Iilan din ang ililigtas ng Diyos sa mga Israelitang nakatira ngayon sa Samaria at nakahiga sa magagarang higaan.

Colosas 4:2-18

Mga Tagubilin

Maging matiyaga kayo sa pananalangin, laging handa at nagpapasalamat sa Diyos. Idalangin ninyo sa Diyos na bigyan kami ng pagkakataon na maipangaral ang kanyang salita at maipahayag ang hiwaga ni Cristo, ang sanhi ng pagkabilanggo ko ngayon. Ipanalangin din ninyong maipahayag ko ito nang buong linaw, gaya ng nararapat.

Maging(A) matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon. Sikapin(B) ninyong laging maging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang inyong pananalita sa kanila, at matuto kayong sumagot nang tama sa lahat ng tao.

Pangwakas na Pagbati

Si(C)(D) Tiquico ang magbabalita sa inyo tungkol sa kalagayan ko rito. Siya ay minamahal naming kapatid, tapat na lingkod at kamanggagawa sa Panginoon. Pinapunta ko siya riyan para malaman ninyo ang aming kalagayan, nang sa gayon ay lumakas ang inyong loob. Kasama(E) niya ang tapat at minamahal nating kapatid na si Onesimo, na kasamahan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo ng lahat ng nangyari dito.

10 Kinukumusta(F) kayo ni Aristarco, na bilanggo ring kasama ko, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe. Tungkol naman kay Marcos, mayroon nang bilin sa inyo na malugod ninyo siyang tanggapin pagdating niya riyan. 11 Kinukumusta rin kayo ni Jesus na kilala rin sa pangalang Justo. Silang tatlo lamang ang mga mananampalatayang Judio na kasama ko rito sa pangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos, at sila'y malaking tulong sa akin.

12 Kinukumusta(G) rin kayo ng kasamahan ninyong si Epafras, na lingkod ni Cristo Jesus. Lagi niyang idinadalangin nang buong taimtim na kayo'y maging matatag, ganap, at lubos na panatag sa kalooban ng Diyos. 13 Saksi ako sa pagsisikap niya para sa inyo at sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14 Nangungumusta(H) rin sa inyo si Demas at ang minamahal nating manggagamot na si Lucas.

15 Ikumusta ninyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, gayundin kay Nimfa at sa iglesyang nagtitipon sa kanyang bahay. 16 Pagkabasa ninyo ng sulat na ito, ipabasa rin ninyo ito sa iglesya sa Laodicea. Basahin din ninyo ang sulat kong manggagaling doon. 17 At(I) pakisabi ninyo kay Arquipo na tapusin ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.

18 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito. Huwag ninyong kalimutan na ako'y nakabilanggo.

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.