Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Kahabagan
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
123 Ang aking pangmasid doon nakatuon,
sa luklukang trono mo, O Panginoon.
2 Tulad ko'y aliping ang inaasahan
ay ang amo niya para sa patnubay,
kaya tuluy-tuloy ang aming tiwala,
hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa.
3 Mahabag ka, Yahweh, kami'y kaawaan,
labis na paghamak aming naranasan.
4 Kami'y hinahamak ng mga mayaman,
laging kinukutya kahit noon pa man ng mapang-aliping taong mayayabang.
27 “Kaya, Jeremias, sasabihin mo ang lahat ng ito sa kanila subalit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila ngunit hindi ka nila papansinin. 28 Kaya ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Narito ang bansang ayaw makinig sa tinig ni Yahweh na kanilang Diyos, at ayaw ituwid ang kanilang mga landas. Naglaho na sa kanila ang katotohanan at hindi man lamang nababanggit.’”
Ang mga Kasamaang Ginagawa sa Libis ng Ben Hinom
29 “Manangis kayo, mga taga-Jerusalem.
Putulin ninyo ang inyong buhok, at itapon ito sa malayo.
Managhoy kayo sa ibabaw ng mga burol,
sapagkat itinakwil at pinabayaan ni Yahweh
ang mga taong kanyang kinapopootan.
30 “Napakasama ng ginawa ng mga taga-Juda. Ang mga diyus-diyosang kinasusuklaman ko'y inilagay nila sa aking Templo. Nilapastangan nila ang aking tahanan. Akong si Yahweh ang maysabi nito. 31 Sa(A) Libis ng Ben Hinom ay gumawa sila ng altar at tinawag nilang Tofet. Doon nila sinusunog ang kanilang mga anak bilang handog. Hindi ko iniutos sa kanilang gawin ito, at ni hindi man lamang ito sumagi sa aking isipan. 32 Dahil dito, darating ang panahon na hindi na iyon tatawaging Tofet o Libis ng Ben Hinom kundi Libis ng Kamatayan. Magiging isang libingan ang Tofet sapagkat wala nang lugar na mapaglilibingan. 33 Ang mga bangkay ay kakanin ng mga ibon at maiilap na hayop; walang sinumang makapagtataboy sa kanila. 34 At(B) sasalantain ko ang buong lupain hanggang ito'y maging isang disyerto. Hindi na maririnig sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na mapapakinggan ang masasayang tinig ng mga ikakasal.
Ang Paglilingkod kay Jesus(A)
18 Nang makita ni Jesus ang mga tao[a] sa kanyang paligid, iniutos niya sa mga alagad na maghandang tumawid sa kabilang ibayo. 19 Lumapit sa kanya ang isang tagapagturo ng Kautusan at sinabi, “Guro, sasama po ako sa inyo saanman kayo pupunta.” 20 Ngunit sumagot si Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon, ngunit wala man lamang matulugan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao.” 21 Isa(B) naman sa mga alagad[b] ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, maaari po bang umuwi muna ako upang ipalibing ko ang aking ama?” 22 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.