Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:81-88

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

(Kap)

81 Kaluluwa ko'y naghihintay ng iyong pagliligtas;
    lubos akong nagtiwala sa bigay mong pangungusap.
82 Dahilan sa paghihintay lumamlam na yaring tingin,
    ito ngayon ang tanong ko: “Kailan mo aaliwin?”
83 Katulad ko'y nangulubot na sisidlang yaring katad,
    gayon pa man, di ko pa rin nilimot ang iyong batas.
84 Gaano bang katagal pa, ang lingkod mo maghihintay,
    sa parusang igagawad sa nang-usig kong kaaway?
85 Mga taong mayayabang, mga taong masuwayin,
    nag-umang ng mga bitag upang ako ay hulihin.
86 Inuusig nila ako, kahit mali ang paratang,
    sa batas mo'y may tiwala, kaya ako ay tulungan!
87 Halos sila'y magtagumpay na kitlin ang aking buhay,
    ngunit ang iyong mga utos ay hindi ko nalimutan.
88 Dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako ay lingapin,
    at ang iyong mga utos ay masikap kong susundin.

Jeremias 16:1-13

Ang mga Utos ni Yahweh kay Jeremias

16 Muling nagsalita sa akin si Yahweh at ang sabi, “Huwag kang mag-aasawa o kaya'y magkakaanak sa lupaing ito. Sasabihin ko sa iyo ang mangyayari sa mga anak na isisilang dito, gayundin sa kanilang mga magulang: Mamamatay sila dahil sa nakamamatay na karamdaman, at walang tatangis o maglilibing sa kanila. Ang kanilang mga bangkay ay parang basurang matatambak sa lupa. Sila'y mapapatay sa digmaan o mamamatay sa matinding gutom, at kakainin ng mga buwitre at mababangis na hayop ang kanilang mga bangkay.

“Huwag kang papasok sa alinmang bahay na may patay. Huwag mo ring ipagdadalamhati ang pagkamatay ninuman. Sapagkat inalis ko na sa aking bayan ang kapayapaan; hindi na ako magpapakita sa kanila ng pag-ibig at kahabagan. Mayaman at dukha'y mamamatay sa lupaing ito; hindi sila ililibing o iiyakan man. Walang taong susugat sa sarili o mag-aahit ng ulo bilang tanda ng pagdadalamhati. Wala nang sasalo sa naulila upang aliwin ito. Wala nang makikiramay sa namatayan, kahit pa ama o ina ang namatay.

“Huwag kang papasok sa bahay na nagdaraos ng isang malaking pista. Huwag ka ring sasalo sa kanilang kainan at inuman. Ako(A) si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel. Pakinggan mo ang aking sasabihin: Sasalantain ko ang lugar na ito. Hindi na maririnig pa ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikakasal. Ang kaganapan ng mga bagay na ito'y masasaksihan ng mga narito.

10 “At kapag sinabi mo sa kanila ang lahat ng ito, itatanong nila sa iyo kung bakit ko sila pinaparusahan nang gayon. Itatanong nila kung anong kasalanan ang nagawa nila laban sa akin na kanilang Diyos. 11 Sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang inyong mga ninuno ay tumalikod sa akin; sumamba at naglingkod sila sa mga diyus-diyosan. Itinakwil nila ako at hindi sinunod ang aking mga utos. 12 Ngunit higit na masama ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga ninuno. Kayong lahat ay matitigas ang ulo, masasama, at hindi sumusunod sa akin. 13 Dahil dito, ipapatapon ko kayo sa isang bayang hindi ninyo alam maging ng inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang diyos araw at gabi, at hindi ko kayo kahahabagan.’”

Santiago 5:7-12

Pagtitiyaga at Pananalangin

Kaya nga, mga kapatid, magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang ani ng kanyang bukirin, at inaabangan ang pagdating ng tag-ulan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.

Mga kapatid, huwag kayong magreklamo sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. 10 Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. 11 Sinasabi(A) nating pinagpala ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon.

12 Ngunit(B) higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit, o ang lupa, o ang ano pa man.” Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.