Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Pagsusugo kay Ezekiel
2 Sinabi sa akin ng tinig, “Ezekiel, anak ng tao, tumayo ka at may sasabihin ako sa iyo.” 2 Kasabay noon, nilukuban ako ng kanyang Espiritu at itinayo ako upang pakinggan ang kanyang sasabihin. 3 Ang sabi niya, “Ezekiel, anak ng tao, susuguin kita sa Israel, sa bansang suwail. Pagkat mula sa kanilang ninuno, naghihimagsik na sila sa akin hanggang ngayon. 4 Matigas ang kanilang ulo at walang pitagan. Kaya puntahan mo sila at sabihin mong ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh. 5 Makinig man sila o hindi, malalaman nilang may isang propeta sa kanilang kalagitnaan.
Panalangin Upang Kahabagan
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
123 Ang aking pangmasid doon nakatuon,
sa luklukang trono mo, O Panginoon.
2 Tulad ko'y aliping ang inaasahan
ay ang amo niya para sa patnubay,
kaya tuluy-tuloy ang aming tiwala,
hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa.
3 Mahabag ka, Yahweh, kami'y kaawaan,
labis na paghamak aming naranasan.
4 Kami'y hinahamak ng mga mayaman,
laging kinukutya kahit noon pa man ng mapang-aliping taong mayayabang.
2 May kilala akong isang Cristiano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakakalipas. Hindi ko lang matiyak kung iyo'y isang pangitain lamang, o tunay na pangyayari; ang Diyos lamang ang nakakaalam. 3 Alam kong ang taong iyon ay dinala sa Paraiso. Hindi ko lang alam kung iyon ay isang pangitain o tunay na pangyayari. Tanging Diyos ang nakakaalam. 4 Nakarinig siya ng mga bagay na hindi kayang ilarawan ng salita at hindi maaaring sabihin ninuman. 5 Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan. 6 At kung ako'y magmalaki man, hindi ako lalabas na hangal, sapagkat totoo ang sasabihin ko. Ngunit hindi ko ito gagawin, sapagkat ayaw kong mag-isip ang sinuman nang higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin. 7 Ngunit upang hindi ako magyabang sa dami ng kamangha-manghang mga bagay na nasaksihan ko, ako'y binigyan ng pahirap sa aking katawan na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako, at nang sa gayo'y hindi ako maging palalo. 8 Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit 9 ganito ang kanyang sagot, “Ang kagandahang-loob ko ay sapat na para sa iyo, sapagkat lubusang nahahayag ang aking kapangyarihan kapag ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga pagkutya, mga kahirapan, pag-uusig at kagipitan. Sapagkat kapag ako ay mahina, doon ako nagiging malakas.
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)
6 Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. 2 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtanungan sila, “Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 3 Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria,[a] at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kaya hindi sila naniwala sa kanya.
4 Dahil(B) dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at ng kanyang pamilya.” 5 Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. 6 Namangha siya dahil ayaw nilang maniwala sa kanya.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(C)
Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon. 7 Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, 8 at(D) pinagbilinang, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag kayong magdala ng pagkain, ng balutan o ng pera. 9 Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdala ng bihisan.”
10 Sinabi rin niya sa kanila, “Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. 11 Kung(E) ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.”
12 Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas(F) nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.