Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 5

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
    ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
    sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
    at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.

Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
    mga maling gawain, di mo pinapayagan.
Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
    mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
    galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.

Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
    makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
    luluhod ako tanda ng aking paggalang.
Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
    dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
    landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.

Ang(A) mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan;
    saloobin nila'y pawang kabulukan;
parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan,
    pananalita nila'y pawang panlilinlang.
10 O Diyos, sila sana'y iyong panagutin,
    sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin;
sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil,
    sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail.

11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan,
    at lagi silang aawit nang may kagalakan.
Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal,
    upang magpatuloy silang ika'y papurihan.
12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid,
    at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.

Zacarias 10

Ang Pagliligtas ni Yahweh sa Kanyang Bayan

10 Humingi kayo ng ulan kay Yahweh, sa panahon ng tagsibol.

Sa kanya na lumilikha ng ulap at hamog na nagpapasariwa sa mga pananim.
Ang(A) mga diyus-diyosan ay wala ng kabuluhan;
    ang pangitain ng mga manghuhula ay pawang kasinungalingan;
ang mga panaginip nila'y walang katotohanan;
    ang kanilang sinasabi'y wala ring kabuluhan.
Kaya't mga tao'y parang tupang naliligaw,
    pagkat walang pastol na sa kanila'y umaakay.

Ang mga pastol ay aking kinapopootan,
    at ang mga pinuno ay aking paparusahan.
Mahal ko ang Juda, kaya siya'y iingatan,
    palalakasin ko silang parang kabayo sa digmaan.
Sa kanila magmumula ang batong-panulukan;
    sa kanila manggagaling ang tulos ng tolda;
sa kanila magmumula ang panang panudla,
    mula rin sa kanila ang pinunong mamamahala.
Ang mga anak ng Juda ay mabubuo at sila'y magiging isang malakas na hukbo.
    Ang kaaway nila'y kanilang yuyurakan, kanilang tatapakan sa maputik na lansangan.
Sila ay lalaban sapagkat si Yahweh ang kanilang patnubay;
    ibabagsak nila ang mga kawal na kabayuhan.

“Ang sambahayan ni Juda'y bibigyan ko ng lakas;
    ang sambahayan ni Jose'y aking ililigtas.
Ibabalik ko sila sa dating tirahan;
    sapagkat sila ay aking kinahabagan, na para bang di ko sila pinabayaan.
Ako si Yahweh, ang kanilang Diyos,
    aking diringgin ang kanilang dalangin.
Ang mga taga-Efraim ay magdiriwang, katulad nila'y kawal na nagtagumpay.
    Aawit sila sa galak na parang nakainom ng alak.
Makikita ito ng mga anak nila at matutuwa,
    si Yahweh ay pupurihin sapagkat siya ang gumawa.

“Tatawagin ko sila at muling titipunin,
    sa mga kaaway sila'y aking tutubusin;
    at tulad noong una, sila'y pararamihin.
Bagaman(B) sila'y pinangalat ko sa iba't ibang mga bansa,
    hindi nila ako malilimutan doon,
    sila at ang mga anak nila'y maliligtas at makakabalik sa kanilang tahanan.
10 Sila'y aking ibabalik mula sa Egipto,
    at aking titipunin mula sa Asiria;
upang iuwi sa Gilead at Lebanon,
    hanggang ang lupain ay mapuno ng tao.
11 Tatawid sila sa dagat ng Egipto,
    at papayapain ko ang malalaking alon nito;
    aking tutuyuin ang Ilog Nilo.
Ibabagsak ko ang Asiria na palalo,
    maging setro ng Egipto'y tiyak na maglalaho.
12 Ang aking bayan ay aking palalakasin,
    susundin nila ako at sasambahin.”

Ako si Yahweh, ang nagsabi nito.

Mateo 18:6-9

Mga Sanhi ng Pagkakasala(A)

“Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin. Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito.

“Kung(B) ang iyong kamay o paa ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo iyon at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay o isang paa, kaysa kumpleto ang iyong dalawang kamay at dalawang paa na itatapon sa apoy na hindi namamatay. Kung(C) ang mata mo naman ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na bulag ang isang mata, kaysa may dalawang mata kang itapon sa apoy ng impiyerno.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.