Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.
5 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
2 Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
3 Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.
4 Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
mga maling gawain, di mo pinapayagan.
5 Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
6 Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.
7 Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
luluhod ako tanda ng aking paggalang.
8 Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.
9 Ang(A) mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan;
saloobin nila'y pawang kabulukan;
parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan,
pananalita nila'y pawang panlilinlang.
10 O Diyos, sila sana'y iyong panagutin,
sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin;
sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil,
sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail.
11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan,
at lagi silang aawit nang may kagalakan.
Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal,
upang magpatuloy silang ika'y papurihan.
12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid,
at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.
Ang Kahulugan ng Pagpuputong kay Josue
9 Sinabi sa akin ni Yahweh, 10 “Puntahan mo sina Heldai, Tobias at Jedaias na kasama ng mga bihag na dinala sa Babilonia. Pagkatapos, tumuloy ka kay Josias na anak ni Sefanias. Kunin mo ang kanilang mga handog na pilak at ginto, 11 at gawin mong korona para sa pinakapunong paring si Josue na anak ni Jehozadak. 12 Sabihin(A) mo sa kanya, ‘Narito ang isang taong ang pangala'y Sanga. Tutubo siya mula sa kanyang kinalalagyan at ipatatayo niya ang templo ni Yahweh. 13 Siya nga ang magtatayo ng templo, uupo sa trono, at manunungkulan bilang hari. Tutulungan siya ng isang pari at maghahari sa kanila ang mabuting pag-uunawaan. 14 Ang korona ay mananatili sa templo bilang pag-alala kina Heldai,[a] Tobias, Jedaias at Josias.’”[b]
15 Magsisiparito ang mga taong taga-malayong lupain upang tumulong sa pagtatayo ng templo ni Yahweh. Sa gayon, mapapatunayan ninyong isinugo nga ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Mangyayari ang lahat ng ito kung tutuparin ninyo ang kanyang mga utos.
Isang Buháy na Pag-asa
3 Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa 4 na magmamana tayo ng kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. 5 Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakahandang ihayag sa katapusan ng panahon.
6 Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. 7 Ang ginto, bagama't nasisira, ay pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. 8 Hindi ninyo siya nakita ngunit siya'y inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, 9 sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong[a] pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong buhay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.