Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 19:7-14

Ang Batas ni Yahweh

Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
    ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
    nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
    ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
    nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
    magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
    patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
    mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
    may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.

12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
    iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
    huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
    at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.

14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
    kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.

Deuteronomio 1:1-18

Sinariwa ni Moises ang Pangako ni Yahweh

Ito ang tagubilin ni Moises sa buong Israel nang sila'y nasa ilang sa ibayo ng Jordan, sa Araba. Ito ay nasa tapat ng Suf, sa pagitan ng bayan ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Di-zahab. (Labing-isang araw ang paglalakbay mula sa Sinai[a] hanggang sa Kades-barnea kung sa kaburulan ng Seir dadaan.) Nang unang araw ng ikalabing-isang buwan ng ikaapatnapung taon mula nang sila'y umalis sa Egipto, sinabi ni Moises sa mga Israelita ang mga utos na ibinigay sa kanya ni Yahweh. Nalupig(A) na niya noon ang mga haring Amoreo na sina Sihon ng Hesbon, at Og ng Bashan na nakatira sa Astarot at Edrei. Ipinaliwanag ni Moises ang kautusang ito nang sila'y nasa lupain ng Moab sa silangan ng Jordan.

Ang sabi niya, “Nang tayo'y nasa Sinai,[b] ganito ang sinabi sa atin ni Yahweh na ating Diyos, ‘Matagal-tagal na rin kayong nakatigil sa bundok na ito. Magpatuloy na kayo ng paglalakbay papunta sa kaburulang tinitirhan ng mga Amoreo at sa mga karatig na lugar sa Araba, sa kaburulan, kapatagan, sa katimugang disyerto at sa baybay-dagat, samakatuwid ang buong lupain ng Canaan at Lebanon hanggang sa Ilog Eufrates. Sakupin ninyo ang lupaing ito na inihanda ko para sa inyo. Iyan ang lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.’”

Ang Pagpili sa mga Hukom(B)

Patuloy pa ni Moises, “Sinabi ko sa inyo noon na hindi ko na kayo kayang pamahalaang mag-isa. 10 Pinarami kayo ni Yahweh na ating Diyos, at ngayon ay sindami na tayo ng bituin sa langit. 11 Nawa'y pagpalain niya kayo, at tulad ng kanyang pangako, paramihin nawa niya kayo ng sanlibo pang ulit. 12 Ngunit paano ko pa magagampanan ang aking tungkulin sa inyo at maigagawad ang angkop na hatol para sa inyong mga usapin? 13 Kaya, pinapili ko kayo ng mga taong matalino, maunawain at may sapat na karanasan upang italaga kong tagapamahala ninyo, 14 at sumang-ayon naman kayo sa akin. 15 Kaya't pumili kayo noon ng mga lalaking kilala sa inyong mga lipi, mga lalaking may talino at sapat na karanasan. Sila'y inilagay kong tagapamahala ng bawat angkan. Ang ilan sa kanila ay naging tagapamahala sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu, at sa sampu-sampu.

16 “Ipinagbilin ko sa kanila noon na pag-aralang mabuti ang usaping idudulog sa kanila, at igawad ang kaukulang hatol nang walang kinikilingan, maging sa katutubong Israelita o sa dayuhan man. 17 Dapat maging pantay-pantay ang kanilang paghatol sa mga tao; ibibigay nila ang katarungan sa bawat tao, maging sinuman siya. Huwag silang matatakot kaninuman sapagkat ang ihahatol nila ay mula sa Diyos. Kung inaakala nilang mabigat ang usapin, dalhin nila ito sa akin at ako ang hahatol. 18 Sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin.

Mga Gawa 12:20-25

Ang Pagkamatay ni Herodes

20 Matagal(A) nang galit si Herodes sa mga taga-Tiro at mga taga-Sidon. Kaya't sama-samang lumapit sa kanya ang mga taga-Tiro at taga-Sidon upang makipagkasundo, sapagkat sa lupain ng hari nanggagaling ang ikinabubuhay ng kanilang bayan. Nakiusap sila kay Blasto, ang tagapamahala sa palasyo, upang sila'y samahan. 21 Pagsapit ng takdang araw, si Herodes ay nagsuot ng damit-hari, umupo sa trono, at nagtalumpati. 22 Sumigaw ang mga taong-bayan, “Isang diyos ang nagsasalita, hindi tao!” 23 At noon din ay hinampas ng isang anghel ng Panginoon si Herodes, sapagkat inangkin niya ang karangalang nauukol sa Diyos; at siya'y kinain ng mga uod hanggang sa mamatay.

24 Samantala, patuloy na lumago at lumaganap ang salita ng Diyos.

25 Nang matapos nina Bernabe at Saulo ang kanilang tungkulin, bumalik sila sa Jerusalem[a] kasama si Juan na tinatawag ding Marcos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.