Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Batas ni Yahweh
7 Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
8 Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
9 Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.
12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.
14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.
Ang Altar sa Bundok ng Ebal
27 Ganito naman ang bilin ni Moises, kasama ang matatandang namumuno sa sambayanan: “Sundin ninyong lahat ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon. 2 Pagkatawid(A) ninyo sa ibayo ng Jordan at papasok na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, maglagay kayo ng malalaking bato, at inyong palitadahan sa ibabaw. 3 At isusulat ninyo roon ang lahat ng mga batas na ito pagdating ninyo sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, ang lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. 4 Ilagay ninyo iyon sa Bundok ng Ebal at palitadahan ninyo, tulad ng sinasabi ko ngayon. 5 Magtayo(B) kayo roon ng altar na bato para kay Yahweh na inyong Diyos. Mga batong hindi ginamitan ng paet ang inyong gamitin. 6 Mga batong hindi tinapyas ang gagamitin ninyo para sa altar at doon ninyo iaalay ang inyong mga handog na susunugin. 7 Dito rin ihahain ang handog na pangkapayapaan at sa harap nito kayo magsasalu-salo sa panahon ng inyong pasasalamat sa Diyos ninyong si Yahweh. 8 At sa ibabaw ng mga batong iyon, isusulat ninyo nang malinaw ang bawat salita ng kautusan ni Yahweh.”
9 Sinabi ni Moises at ng mga paring Levita, “Tumahimik kayo at makinig, bayang Israel. Mula ngayon, kayo na ang sambayanan ni Yahweh. 10 Kaya, sumunod kayo sa kanya at tuparin ang mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon.”
Asin at Ilaw(A)
13 “Kayo(B) ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?
14 “Kayo(C) ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago. 15 Walang(D) taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng banga. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. 16 Gayundin(E) naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”
Katuruan tungkol sa Kautusan
17 “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta.[a] Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin. 18 Tandaan(F) ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat. 19 Kaya't sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit. 20 Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.