Revised Common Lectionary (Complementary)
23 Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,
at ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan.
24 Bunga(A) nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan,
ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay.
25 Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel,
hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
26 Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,
sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog.
27 Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating,
makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
28 Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,
sa palibot ng tolda ay doon nila kinakalap.
29 Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat,
binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad.
Ang mga Tuntunin tungkol sa Paskwa
43 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Ito ang mga tuntunin tungkol sa Paskwa: Bawal kumain nito ang mga dayuhan; 44 ngunit ang alilang binili ninyo ay maaaring pakainin nito kung siya ay tuli na. 45 Hindi rin maaaring kumain nito ang mga dayuhang nakikipanuluyan lamang sa inyo, o kaya'y ang mga upahang manggagawa. 46 Ang(A) korderong pampaskwa ay dapat kainin sa loob ng bahay na pinaglutuan nito. Huwag ilalabas kahit kapiraso nito at huwag ding babaliin kahit isang buto. 47 Ang Pista ng Paskwa ay ipagdiriwang ng buong Israel. 48 Lahat ng dayuhang nakikipamayan sa inyo na gustong makipagdiwang sa Paskwa ay kailangang tuliin muna pati ang kanyang mga anak na lalaki bago pasalihin sa pagdiriwang. Sa gayo'y ituturing silang katutubong Israelita. Huwag hahayaang kumain nito ang sinumang hindi tuli. 49 Lahat ay saklaw ng mga tuntuning ito, maging siya'y katutubong Israelita o dayuhan.” 50 Sinunod ng lahat ng mga Israelita ang iniutos ni Yahweh kina Moises at Aaron. 51 Nang araw na iyon, inilabas ni Yahweh sa Egipto ang mga Israelita na nakahanay ayon sa kani-kanilang lipi.
Ang Pagtatalaga sa Panganay
13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Ilaan(B) ninyo sa akin ang mga panganay sapagkat akin ang lahat ng panganay na lalaki sa Israel, maging tao o hayop.”
27 Kaya, ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa kopa ng Panginoon sa paraang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Kaya't dapat siyasatin ng tao ang kanyang sarili bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang kahalagahan ng katawan ng Panginoon ay kumakain at umiinom ng kahatulan laban sa kanyang sarili. 30 Iyan ang dahilan kung bakit mahihina at sakitin ang marami sa inyo, at may ilan ngang namatay na.[a] 31 Kung sisiyasatin natin ang ating sarili, hindi tayo hahatulan ng Panginoon. 32 Ngunit hinahatulan tayo ng Panginoon dahil itinutuwid niya tayo, upang hindi tayo maparusahang kasama ng sanlibutan.
33 Kaya nga, mga kapatid, kapag nagkakatipon kayo upang kumain, maghintayan kayo. 34 Kung may nagugutom, kumain na muna siya sa bahay upang hindi humantong sa hatol na kaparusahan ang inyong pagtitipon. Tungkol naman sa ibang mga bagay, saka ko na aayusin pagdating ko riyan.
by