Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pagpupuri
Isang Awit ng Pasasalamat.
100 Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
2 Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!
3 O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
4 Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,
umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal;
purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!
5 Napakabuti(A) ni Yahweh,
pag-ibig niya'y walang hanggan,
pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!
14 Si Yahweh ay magpapakita sa kanyang bayan,
at ang palaso niya'y parang kidlat na sisibat;
trumpeta ng Panginoong Yahweh, kanyang hihipan
at sila'y parang ipu-ipong sasalakay sa katimugan.
15 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa kanila'y mag-iingat;
sa pagdumog sa kaaway sila'y di maaawat.
Dugo ng mga ito'y kanilang paaagusin,
gaya ng mga handog na sa altar inihain.
16 Sa araw na iyon, ililigtas sila ni Yahweh na kanilang Diyos
pagkat sila'y kanyang kawan, iniibig na lubos.
Sa buong lupain ay magniningning sila,
parang batong hiyas ng isang korona.
17 Mararanasan nila'y kagandaha't kasaganaan;
pagkain at alak, may taglay na kalakasan,
para sa kabinataan at mga kadalagahan.
Ang Pagliligtas ni Yahweh sa Kanyang Bayan
10 Humingi kayo ng ulan kay Yahweh, sa panahon ng tagsibol.
Sa kanya na lumilikha ng ulap at hamog na nagpapasariwa sa mga pananim.
2 Ang(A) mga diyus-diyosan ay wala ng kabuluhan;
ang pangitain ng mga manghuhula ay pawang kasinungalingan;
ang mga panaginip nila'y walang katotohanan;
ang kanilang sinasabi'y wala ring kabuluhan.
Kaya't mga tao'y parang tupang naliligaw,
pagkat walang pastol na sa kanila'y umaakay.
Ang Pamamaalam ni Pablo sa mga Pinuno ng Iglesya sa Efeso
17 Mula sa Mileto, ipinatawag ni Pablo ang mga matatandang pinuno ng iglesyang nasa Efeso. 18 Pagdating nila ay kanyang sinabi,
“Nalalaman ninyo kung paano ko ginugol ang buong panahong ipinamalagi ko sa inyong piling, mula noong unang araw na ako'y tumuntong sa Asia. 19 Buong kapakumbabaan at lumuluhang naglingkod ako sa Panginoon, at nagtiis ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. 20 Sa aking pagtuturo at pangangaral sa inyo, maging sa harapan ng madla o sa bahay-bahay man, hindi ako nangiming magsabi sa inyo ng anumang ikabubuti ninyo. 21 Maging Judio o Griego man ay pinangaralan kong tumalikod sa kasalanan, manumbalik sa Diyos at manalig sa ating Panginoong Jesus. 22 Ngayon, bilang pagsunod sa Espiritu Santo, ako'y pupunta sa Jerusalem at hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging nalalaman ko ay ito: binalaan ako ng Espiritu Santo na pagkabilanggo at kapighatian ang naghihintay sa akin sa bawat bayang dadaanan ko. 24 Subalit(A) walang halaga sa akin ang aking buhay magawâ ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus, ang pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos para sa tao.
25 “Nakisalamuha ako sa inyo habang nangangaral tungkol sa Kaharian. Ngayon, alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli. 26 Kaya't sa araw na ito'y sinasabi ko, wala akong pananagutan kung mapahamak ang sinuman sa inyo, 27 sapagkat hindi ako nag-atubiling ipahayag sa inyo ang buong layunin ng Diyos. 28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na inilagay ng Espiritu Santo sa inyong pangangasiwa. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[a] na kanyang tinubos sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak.[b] 29 Alam kong pagkaalis ko'y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad nilang lalapain ang kawan. 30 Mula na rin sa inyo'y may lilitaw na mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mahikayat na sumunod sa kanila ang mga alagad. 31 Kaya't mag-ingat kayo. Alalahanin ninyong tinuruan ko kayo araw at gabi sa loob ng tatlong taon, at maraming luha ang pinuhunan ko.
32 “At ngayo'y itinatagubilin ko kayo sa Diyos at sa kanyang salitang nagpapahayag ng kanyang kagandahang-loob. Ito ang makakapagpatibay sa inyo at makakapagbigay ng mga pagpapalang inilaan sa lahat ng kanyang ginawang banal. 33 Hindi ko hinangad ang ginto, pilak o pananamit ninuman. 34 Alam ninyong nagbanat ako ng buto upang kumita ng ikabubuhay naming magkakasama. 35 Sa lahat ng pagkakataon, ipinakita ko sa inyo na sa pamamagitan ng ganitong pagtatrabaho ay dapat ninyong tulungan ang mahihina. Alalahanin natin ang mga salita ng Panginoong Jesus, ‘Higit na pinagpala ang nagbibigay kaysa tumatanggap.’”
36 Pagkasabi nito, lumuhod si Pablo at nanalanging kasama nila. 37 Silang lahat ay umiiyak na yumakap at humalik kay Pablo. 38 Labis nilang ikinalungkot ang kanyang sinabing siya'y hindi na nila muling makikita. At siya'y inihatid nila sa barko.
by