Revised Common Lectionary (Complementary)
10 Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
11 Babanggitin nilang tunay na dakila ang iyong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.
12 Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
13 Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan,
hindi magbabago.
Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.
15 Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan,
siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
16 Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang;
anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
17 Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa.
18 Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao,
sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
Hinulaan ni Eliseo ang Tagumpay Laban sa Moab
4 Maraming tupa si Haring Mesa ng Moab at taun-taon ay nagbubuwis siya sa Israel ng sandaang libong kordero at balahibo ng sandaang libong tupa. 5 Ngunit nang mamatay si Ahab, naghimagsik siya laban sa Israel. 6 Kaya, mula sa Samaria'y tinipon ni Haring Joram[a] ang lahat ng mga kawal ng Israel. 7 Nagpadala siya ng sugo kay Haring Jehoshafat ng Juda at ipinasabing naghimagsik laban sa kanya ang hari ng Moab. Ipinatanong niya kung tutulungan siya sa pakikipagdigma laban dito. Ganito naman ang sagot ni Jehoshafat: “Tutulungan kita sampu ng aking mga tauhan at kabayo. 8 Saan kami dadaan sa aming paglusob?” tanong pa niya.
“Sa ilang ng Edom,” sagot ni Joram.[b]
9 Kaya, nagsama-sama ang sandatahang-lakas ng mga hari ng Israel, Juda at Edom. Makaraan ang pitong araw nilang paglalakad, naubusan sila ng tubig. Wala nang mainom ang mga kawal at ang mga hayop. 10 Dahil dito, sinabi ng hari ng Israel, “Tayong tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita.”
11 Itinanong ni Jehoshafat, “Wala ba ritong propeta para makasangguni tayo kay Yahweh?” Sumagot ang isa sa mga opisyal ng hari ng Israel, “Narito po si Eliseo, ang anak ni Safat at dating lingkod ni Elias.”
12 Sinabi ni Jehoshafat, “Siya ay tunay na propeta ni Yahweh.” At ang tatlong hari ay pumunta kay Eliseo.
13 Tinanong ni Eliseo ang hari ng Israel, “Bakit sa akin kayo lumalapit at hindi sa mga propetang nilapitan ng inyong ama't ina?”
“Sapagkat kaming tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita,” sagot ng hari.
14 Sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat, na siyang aking pinaglilingkuran.[c] Kung hindi lang dahil kay Haring Jehoshafat ng Juda, ni hindi kita papansinin. 15 Dalhan ninyo ako ng isang manunugtog.” Ganoon nga ang ginawa nila. Nang tumutugtog na ito, si Eliseo'y nilukuban ng kapangyarihan ni Yahweh. 16 At sinabi niya, “Sinasabi ni Yahweh na pababahain niya ang tuyong batis na ito. 17 Hindi uulan ngunit mapupuno ng tubig ang batis na ito para may mainom kayo at ang inyong mga hayop. 18 Hindi lamang iyan ang gagawin niya sa inyo. Ibibigay niya sa inyong mga kamay ang mga Moabita. 19 Kaya't masasakop ninyo ang kanilang magagandang lunsod na napapaligiran ng mga pader. Ibubuwal ninyo ang kanilang mga punongkahoy, sasarhan ang mga batis at tatambakan ng bato ang kanilang mga bukirin.”
20 Kinaumagahan, sa oras ng paghahandog, nakita nilang umaagos ang tubig mula sa Edom at naging masagana sa tubig ang lupaing iyon.
12 Kaya(A) nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis. 13 Magpasensiya(B) kayo sa isa't isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon.[a] 14 At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi. 16 Ang(C) salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos. 17 At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
by