Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 123

Panalangin Upang Kahabagan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

123 Ang aking pangmasid doon nakatuon,
    sa luklukang trono mo, O Panginoon.
Tulad ko'y aliping ang inaasahan
    ay ang amo niya para sa patnubay,
kaya tuluy-tuloy ang aming tiwala,
    hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa.

Mahabag ka, Yahweh, kami'y kaawaan,
    labis na paghamak aming naranasan.
Kami'y hinahamak ng mga mayaman,
    laging kinukutya kahit noon pa man ng mapang-aliping taong mayayabang.

Jeremias 7:16-26

Ang Pagsuway ng mga Tao

16 Sinabi ni Yahweh, “Huwag mong ipapanalangin ang mga taong ito, Jeremias. Huwag kang mananangis para sa kanila o magmamakaawa sapagkat hindi kita papakinggan. 17 Tingnan mo ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. 18 Nangunguha(A) ng panggatong ang kanilang mga anak, nagpaparikit ng apoy ang kalalakihan, at nagluluto ng tinapay ang kababaihan upang ihandog sa diyus-diyosang tinatawag nilang reyna ng kalangitan. Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang diyos, upang saktan ang aking kalooban. 19 Subalit ako bang talaga ang kanilang sinasaktan? Hindi, manapa'y ang kanilang sarili ang sinasaktan nila at inilalagay sa kahihiyan. 20 Kaya nga, ibubuhos ko sa lugar na ito ang aking galit at poot. Madadamay sa ipapataw kong parusa ang mga tao, mga hayop, at pati mga punongkahoy at mga halaman. Ang aking poot ay gaya ng apoy na walang sinumang makakapatay.

21 “Mabuti pa'y kainin na lamang ninyong lahat ang inyong mga handog na susunugin, kasama ng mga handog na pinagsasaluhan. Ako, si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito. 22 Nang ilabas ko sa Egipto ang inyong mga magulang, hindi ko iniutos sa kanila ang tungkol sa mga handog na susunugin o iba pang handog. 23 Subalit inutusan ko silang sumunod sa akin upang sila'y maging aking bayan at ako naman ang kanilang magiging Diyos. Sinabi kong mamuhay sila ayon sa ipinag-uutos ko, at magiging maayos ang kanilang buhay. 24 Ngunit hindi sila sumunod; ayaw nilang makinig sa akin. Sa halip, ginawa nila ang bawat maibigan at lalo pa silang nagpakasama, sa halip na magpakabuti. 25 Mula nang umalis sa Egipto ang inyong mga magulang hanggang sa araw na ito, patuloy akong nagpapadala ng aking mga lingkod, ang mga propeta. 26 Subalit hindi ninyo sila pinakinggan ni pinahalagahan. Nagmatigas kayo at masahol pa ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga magulang.

2 Corinto 10:7-11

Ang mga bagay na panlabas lamang ang tinitingnan ninyo. Kung naniniwala ang sinuman na siya'y nakipag-isa kay Cristo, isipin niyang kami man, tulad niya, ay nakipag-isa rin kay Cristo. Ipagmalaki ko man ang kapangyarihang ibinigay sa amin ng Diyos sa ikakatibay ninyo at hindi sa ikapapahamak, hindi ako mapapahiya. Huwag ninyong isiping tinatakot ko kayo sa mga sulat ko. 10 Sinasabi ng ilan na sa mga sulat ko lamang ako matapang, ngunit kapag kaharap nama'y mahina at ang mga salita'y walang kuwenta. 11 Dapat malaman ng mga taong nagsasabi ng ganyan na kung ano ang sinasabi namin sa sulat ngayong wala kami riyan, ay siya rin naming gagawin kapag kaharap na ninyo kami.