Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Puksain. Salmo ni Asaf. Isang Awit.
75 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, O Diyos;
kami ay nagpapasalamat, malapit ang iyong pangalan.
Ang mga kagila-gilalas mong gawa ay sinasaysay ng mamamayan.
2 At sa aking piniling takdang panahon,
may katarungan akong hahatol.
3 Kapag ang lupa ay nayayanig at ang lahat ng mga naninirahan dito,
ako ang nagpapatatag sa mga haligi nito. (Selah)
4 Aking sinabi sa hambog, “Huwag kang magyabang,”
at sa masama, “Huwag mong itaas ang iyong sungay;
5 huwag mong itaas ang iyong sungay nang mataas,
huwag kang magsalita nang may matigas na ulo.”
6 Sapagkat hindi mula sa silangan, o mula sa kanluran,
ni mula man sa ilang ang pagkataas;
7 kundi ang Diyos ang hukom,
ang isa'y ibinababa at ang iba'y itinataas naman.
8 Sapagkat sa kamay ng Panginoon ay may isang kopa,
may alak na bumubula, hinalong totoo;
at kanyang ibubuhos ang laman nito,
tunay na ang masasama sa lupa
ay ibubuhos at iinumin ang latak nito.
9 Ngunit ako'y magpapahayag magpakailanman,
ako'y aawit ng mga papuri sa Diyos ni Jacob.
10 Lahat ng mga sungay ng masama ay aking puputulin,
ngunit ang mga sungay ng matuwid ay itataas.
Ang Panahon ng Katapusan
12 “Sa(A) panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang pinuno na tagapag-ingat ng iyong bayan. At magkakaroon ng panahon ng kaguluhan na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon. Ngunit sa panahong iyon ay maliligtas ang iyong bayan, bawat isa na ang pangalan ay matatagpuang nakasulat sa aklat.
2 Marami(B) sa mga natutulog sa alabok ng lupa ay magigising, ang iba'y tungo sa buhay na walang hanggan, at ang iba'y tungo sa kahihiyan at sa walang hanggang paghamak.
3 Ang mga pantas ay magniningning na tulad ng kaningningan ng langit; at ang mga nagpabalik ng marami sa katuwiran ay parang mga bituin magpakailanpaman.
4 Ngunit(C) ikaw, O Daniel, ilihim mo ang mga salita, at tatakan mo ang aklat hanggang sa panahon ng wakas. Marami ang tatakbo ng paroo't parito, at ang kaalaman ay lalago.”
5 At akong si Daniel ay tumingin, at narito, dalawang iba pa ang lumitaw, ang isa'y sa pampang na ito ng ilog, at ang isa'y sa kabilang pampang ng ilog.
6 Sinabi ko sa lalaking nakasuot ng telang lino na nasa ibabaw ng tubig ng ilog, “Hanggang kailan ang wakas ng mga kababalaghang ito?”
7 Ang(D) lalaking nakasuot ng telang lino na nasa ibabaw ng tubig ng ilog ay nagtaas ng kanyang kanan at kaliwang kamay sa langit. Narinig ko siyang sumumpa sa pamamagitan niya na nabubuhay magpakailanman na iyon ay isang panahon, mga panahon, at kalahati ng isang panahon. At kapag ang pagwasak sa kapangyarihan ng banal na sambayanan ay magwakas na, ang lahat ng ito ay matatapos.
8 Narinig ko, ngunit hindi ko naunawaan. Kaya't sinabi ko, “O panginoon ko, ano ang magiging wakas ng mga bagay na ito?”
9 Sinabi niya, “Humayo ka sa iyong lakad, Daniel; sapagkat ang mga salita ay mananatiling lihim at natatakan hanggang sa panahon ng wakas.
10 Marami(E) ang dadalisayin, lilinisin, at papuputiin, ngunit ang masasama ay magpapatuloy sa paggawa ng kasamaan. Walang sinuman sa masasama ang makakaunawa; ngunit ang mga pantas ay makakaunawa.
11 Mula(F) sa panahon na ang patuloy na handog na sinusunog ay alisin, at maitayo ang kasuklamsuklam ng pagkawasak, ay isang libo't dalawandaan at siyamnapung araw.
12 Mapalad ang naghihintay, at makaabot sa isang libo at tatlong daan at tatlumpu't limang araw.
13 Ngunit humayo ka sa iyong lakad hanggang sa katapusan; at ikaw ay magpapahinga at tatayo para sa iyong gantimpala sa katapusan ng mga araw.”
Ang Lingkod na Hinirang
15 Nang malaman ito ni Jesus ay umalis siya roon. Sinundan siya ng marami at pinagaling niya silang lahat,
16 at ipinag-utos niya sa kanila, na siya'y huwag nilang ipamamalita.
17 Ito ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias, na sinasabi:
18 “Narito(A) ang lingkod ko na aking hinirang,
ang minamahal ko na kinalulugdan ng aking kaluluwa.
Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu,
at ipahahayag niya ang katarungan sa mga Hentil.
19 Hindi siya makikipagtalo, o sisigaw,
o maririnig ng sinuman ang kanyang tinig sa mga lansangan.
20 Hindi niya babaliin ang tambong nasugatan,
o papatayin ang nagbabagang mitsa,
hanggang ang katarungan ay dalhin niya sa tagumpay;
21 at aasa ang mga Hentil sa kanyang pangalan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001