Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:161-168

SIN.

161 Inuusig ako ng mga pinuno nang walang dahilan,
    ngunit ang puso ko'y namamangha sa iyong mga salita.
162 Ako'y nagagalak sa iyong salita
    gaya ng isang nakatagpo ng malaking samsam.
163 Aking kinapopootan at kinasusuklaman ang kasinungalingan,
    ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
164 Pitong ulit sa isang araw ikaw ay pinupuri ko,
    sapagkat matuwid ang mga batas mo.
165 May dakilang kapayapaan ang mga umiibig sa iyong kautusan,
    walang anumang sa kanila ay makapagpapabuwal.
166 O Panginoon, sa iyong pagliligtas ay umaasa ako,
    at tinutupad ko ang mga utos mo.
167 Sinusunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo;
    lubos ko silang minamahal.
168 Aking tinutupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo;
    sapagkat lahat ng aking lakad ay nasa harapan mo.

Jeremias 18:1-11

Si Jeremias sa Bahay ng Magpapalayok

18 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,

“Tumindig ka, bumaba ka sa bahay ng magpapalayok, at doo'y iparirinig ko sa iyo ang aking mga salita.”

Kaya't bumaba ako sa bahay ng magpapalayok, at naroon siya na gumagawa sa kanyang gulong na panggawa.

At ang sisidlan na kanyang ginagawa mula sa luwad ay nasira sa kamay ng magpapalayok, at muli niya itong ginawa upang maging panibagong sisidlan, ayon sa ikinasiya na gawin ng magpapalayok.

Pagkatapos ay dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na sinasabi,

“O sambahayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang gaya ng ginawa ng magpapalayok na ito? sabi ng Panginoon. Gaya ng putik sa kamay ng magpapalayok, gayon kayo sa kamay ko, O sambahayan ng Israel.

Kung sa anumang sandali ay magsalita ako ng tungkol sa isang bansa o sa isang kaharian na ito'y aking bubunutin, ibabagsak at lilipulin,

at kung ang bansang iyon na aking pinagsalitaan ay humiwalay sa kanilang kasamaan ay magbabago ang isip ko tungkol sa kasamaan na binabalak kong gawin doon.

At kung sa anumang sandali ay magsalita ako tungkol sa isang bansa o kaharian, na ito'y aking itatayo at itatanim,

10 kung ito'y gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi nakikinig sa aking tinig, ay magbabago ang isip ko tungkol sa kabutihan na binabalak kong gawin doon.

11 Kaya't ngayon, sabihin mo sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ako'y bumubuo ng kasamaan laban sa inyo, at bumabalangkas ng balak laban sa inyo. Manumbalik ang bawat isa sa inyo mula sa kanyang masamang lakad, at baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa.’

Mateo 11:20-24

Babala sa mga Lunsod na Di-nagsisi(A)

20 Kaya't pinasimulan niyang sumbatan ang mga lunsod na ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga makapangyarihang gawa sapagkat hindi sila nagsisi.

21 “Kahabag-habag(B) ka, Corazin! Kahabag-habag ka, Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagsisi na may damit-sako at abo.

22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, higit pang mapagtitiisan sa araw ng paghuhukom ang Tiro at Sidon kaysa inyo.

23 At(C) ikaw, Capernaum, itataas ka ba hanggang sa langit? Ibababa ka hanggang sa Hades. Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa iyo, nanatili sana iyon hanggang sa araw na ito.

24 Ngunit(D) sinasabi ko sa inyo, higit pang mapapagtiisan sa araw ng paghuhukom ang lupain ng Sodoma kaysa inyo.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001