Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 145:8-14

Ang Panginoon ay mapagpala at punô ng awa,
    hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
Ang Panginoon ay mabuti sa lahat;
    at ang kanyang awa ay nasa lahat niyang ginawa.

10 Lahat mong mga gawa, O Panginoon, ay magpapasalamat sa iyo,
    at pupurihin ka ng lahat ng mga banal mo!
11 Sasabihin nila ang kaluwalhatian ng iyong kaharian,
    at ibabalita ang iyong kapangyarihan;
12 upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang iyong[a] mga gawang makapangyarihan,
    at ang maluwalhating kaningningan ng iyong kaharian.
13 Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian,
    at nananatili sa lahat ng mga salinlahi ang iyong kapangyarihan.
14 Inaalalayan ng Panginoon ang lahat ng nalulugmok,
    at itinatayo ang lahat ng nakayukod.

Zacarias 2:6-13

Ang mga Bihag ay Tinawagan upang Umuwi na

“Hoy! Hoy! Tumakas kayo mula sa lupain ng hilaga, sapagkat ikinalat ko kayo na gaya ng apat na hangin ng kalangitan,” sabi ng Panginoon.

Hoy! Tumakas ka na Zion, ikaw na naninirahang kasama ng anak na babae ng Babilonia.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, pagkatapos na suguin ako ng kanyang kaluwalhatian sa mga bansa na nanamsam sa inyo: Tunay na ang sumaling sa inyo ay sumasaling sa itim ng kanyang mata.

“Sapagkat narito, iwawagayway ko ang aking kamay sa kanila, at sila'y magiging samsam sa mga naglilingkod sa kanila. Inyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang nagsugo sa akin.

10 Umawit ka at magalak, O anak na babae ng Zion, sapagkat narito, ako'y dumarating at ako'y maninirahan sa gitna mo,” sabi ng Panginoon.

11 Maraming bansa ang sasama sa Panginoon sa araw na iyon, at magiging aking bayan; ako'y maninirahan sa gitna mo at iyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang siyang nagsugo sa akin sa iyo.

12 Mamanahin ng Panginoon ang Juda bilang bahagi niya sa banal na lupain at muling pipiliin ang Jerusalem.

13 Tumahimik kayong lahat ng tao sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y bumangon na mula sa kanyang banal na tahanan.

Roma 7:7-20

Ang Kautusan at ang Kasalanan

Ano(A) nga ang ating sasabihin? Ang kautusan ba'y kasalanan? Huwag nawang mangyari. Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kung hindi sa pamamagitan ng kautusan; sapagkat hindi ko sana nakilala ang pag-iimbot kung hindi sinasabi ng kautusan, “Huwag kang mag-iimbot.”

Ngunit ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay gumawa sa akin ng sari-saring pag-iimbot, sapagkat kung walang kautusan ang kasalanan ay patay.

Minsan ako'y nabubuhay na hiwalay sa kautusan; subalit nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan,

10 at ako'y namatay, at ang utos na tungo sa buhay ay natuklasan kong ito'y tungo sa kamatayan.

11 Sapagkat(B) ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay dinaya ako, at sa pamamagitan nito ay pinatay ako.

12 Kaya't ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.

13 Kung gayon, ang mabuti ba ang nagdala ng kamatayan sa akin? Hindi, kailanman! Kundi ang kasalanan na gumagawa ng kamatayan sa akin sa pamamagitan ng mabuti, upang ang kasalanan ay maihayag na kasalanan, at sa pamamagitan ng utos ay maging lubos na makasalanan.

Ang Pagnanais ng Mabuti

14 Sapagkat nalalaman natin na ang kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.

15 Sapagkat(C) ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman; sapagkat ang hindi ko nais ang ginagawa ko; subalit ang kinapopootan ko, iyon ang ginagawa ko.

16 Ngunit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, sumasang-ayon ako na mabuti ang kautusan.

17 Subalit ngayo'y hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

18 Sapagkat nalalaman ko na walang mabuti na nananatili sa akin, samakatuwid ay sa aking laman. Ang pagnanais ng mabuti ay nasa akin, subalit hindi ko iyon magawa.

19 Sapagkat ang mabuti na aking nais ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ay siya kong ginagawa.

20 Subalit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001