Revised Common Lectionary (Complementary)
Mapalad ang Taong may Takot sa Panginoon
112 Purihin ang Panginoon!
Mapalad ang taong may takot sa Panginoon at malugod na sumusunod sa kanyang mga utos.
2 Ang mga anak niya ay magiging matagumpay,
dahil ang angkan ng mga namumuhay nang matuwid ay pagpapalain.
3 Yayaman ang kanyang sambahayan,
at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
4 Kahit sa kadiliman, taglay pa rin ang liwanag ng taong namumuhay nang matuwid,
at puno ng kabutihan, kahabagan at katuwiran.
5 Pagpapalain ang taong mapagbigay at nagpapahiram,
at hindi nandaraya sa kanyang hanapbuhay.
6 Tiyak na magiging matatag ang kanyang kalagayan
at hindi siya makakalimutan magpakailanman.
7 Hindi siya matatakot sa masamang balita,
dahil matatag siya at buong pusong nagtitiwala sa Panginoon.
8 Hindi siya matatakot o maguguluhan,
dahil alam niyang sa bandang huliʼy makikita niyang matatalo ang kanyang mga kalaban.
9 Nagbibigay siya sa mga dukha,
at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
Ang kanyang kakayahan ay lalo pang dadagdagan ng Dios upang siyaʼy maparangalan.
10 Makikita ito ng mga taong masama at magngangalit ang kanilang mga ngipin sa galit, at parang matutunaw sila dahil sa kahihiyan.
Hindi magtatagumpay ang naisin ng taong masama.
6 Ang sinasabi ng taong hangal ang pinagsisimulan ng alitan at magdadala sa kanya sa kaguluhan.
7 Ang salita ng hangal ang maglalagay sa kanya sa panganib at kapahamakan.
8 Ang tsismis ay gaya ng pagkaing masarap nguyain at lunukin.
9 Ang taong tamad ay kasingsama ng taong mapanira.
10 Ang Panginoon ay katulad ng toreng matibay, kanlungan ng mga matuwid sa oras ng panganib.
11 Ang akala ng taong mayaman ay maipagtatanggol siya ng kanyang kayamanan gaya ng mga pader na nakapalibot sa buong bayan.
12 Ang pagmamataas ng tao ang magpapahamak sa kanya, ngunit ang pagpapakumbaba ang magpaparangal sa kanya.
Gamitin Ninyo ang Kaloob na Ibinigay ng Dios
7 Malapit na ang katapusan ng mundo. Kaya pigilan ninyo ang sarili nʼyo para hindi kayo makagawa ng masama at nang walang maging hadlang sa mga panalangin ninyo. 8 Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat. Sapagkat kung mahal mo ang kapwa mo, mapapatawad mo siya kahit gaano pa karami ang nagawa niyang kasalanan. 9 Tanggapin ninyo sa inyong tahanan ang isaʼt isa nang maluwag sa puso. 10 Binigyan ng Dios ang bawat isa sa atin ng kaloob. Gamitin natin ito para sa ikabubuti ng lahat bilang mabubuting katiwala ng ibaʼt ibang kaloob ng Dios. 11 Ang binigyan ng kaloob sa pangangaral ay dapat mangaral ng salita ng Dios. At ang binigyan ng kaloob para maglingkod ay dapat maglingkod ayon sa kakayahang ibinigay sa kanya ng Dios, upang mapapurihan ang Dios sa lahat ng ginagawa natin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Makapangyarihan siya at karapat-dapat purihin magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®