Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 82

Pinagsabihan ng Dios ang mga Namumuno

82 Pinamumunuan ng Dios ang pagtitipon ng kanyang mga mamamayan.
    Sa gitna ng mga hukom[a] siya ang humahatol sa kanila.
Sinabi niya sa kanila, “Hanggang kailan kayo hahatol ng hindi tama?
    Hanggang kailan ninyo papaboran ang masasama?
Bigyan ninyo ng katarungan ang mga dukha at ulila.
    Ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga nangangailangan at inaapi.
Iligtas ninyo ang mahihina at mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao!
Wala silang nalalaman! Hindi sila nakakaintindi!
    Wala silang pag-asa, namumuhay sila sa kadiliman at niyayanig nila ang pundasyon ng mundo.
Sinabi ko na sa inyo na kayo ay mga dios, mga anak ng Kataas-taasang Dios.
Ngunit gaya ng ibang mga namumuno ay babagsak kayo, at gaya ng ibang tao ay mamamatay din kayo.”
Sige na, O Dios, hatulan nʼyo na ang lahat ng bansa sa mundo, sapagkat sila namaʼy sa inyo.

1 Samuel 5

Ang Kahon ng Kasunduan sa Ashdod at Ekron

Nang maagaw ng mga Filisteo ang Kahon ng Dios, dinala nila ito mula sa Ebenezer papunta sa Ashdod. Pagkatapos, dinala nila ito sa templo ng kanilang dios-diosan na si Dagon at itinabi rito. Kinaumagahan, nakita ng mga taga-Ashdod ang rebulto ni Dagon na nakasubsob na sa harap ng Kahon ng Panginoon. Itinayo nila ito at ibinalik sa dating posisyon. Pero kinaumagahan, nakita ulit nila na nakasubsob ang rebulto sa harap ng Kahon ng Panginoon. Ang ulo at ang dalawang kamay nito ay putol na, at nakakalat sa bandang pintuan; katawan lang nito ang natirang buo. Kaya hanggang ngayon, ang mga pari ni Dagon at ang mga pumapasok sa templo niya roon sa Ashdod ay hindi na tumatapak sa bandang pintuan.

Pinarusahan nang matindi ng Panginoon ang mga taga-Ashdod at mga karatig lugar nito. Binigyan sila ng Panginoon ng mga tumor bilang parusa sa kanila. Nang makita ng mga taga-Ashdod ang nangyari, sinabi nila, “Hindi dapat manatili sa atin ang Kahon ng Dios ng Israel dahil pinarurusahan niya tayo at si Dagon na ating dios.” Kaya ipinatawag nila ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo at nagtanong, “Ano ang gagawin natin sa Kahon ng Dios ng Israel?” Sumagot sila, “Dalhin ito sa Gat.” Kaya dinala nila ang Kahon ng Dios ng Israel sa Gat.

Pero nang dumating ito roon, pinarusahan din ng Panginoon ang mga tao sa lungsod na iyon. Labis na nagkagulo ang buong bayan dahil binigyan din sila ng Panginoon ng mga tumor, bata man o matanda. 10 Dahil doon, ipinadala nila ang Kahon ng Dios sa Ekron. Habang padating pa lang sila roon, nagrereklamo na ang mga mamamayan ng Ekron. Sinabi nila, “Dinala nila rito ang Kahon ng Dios ng Israel para patayin din tayong lahat.” 11 Kaya ipinatawag nila ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo at sinabi, “Ilayo ninyo rito ang Kahon ng Dios ng Israel at ibalik ito sa kanyang lugar dahil kung hindi, mamamatay kaming lahat.” Ito ang sinabi nila dahil nagsimula na ang matinding parusa ng Dios sa kanilang lungsod. Nagkagulo ang lahat sa takot dahil marami na ang namatay. 12 Nagkaroon din ng tumor ang mga natitirang buhay. Abot hanggang langit ang pag-iyak nila dahil sa nangyari.

Hebreo 10:32-39

32 Alalahanin nʼyo ang nakaraang panahon, noong una kayong naliwanagan. Dumaan kayo sa matinding hirap, pero tiniis nʼyo ito at hindi kayo nadaig. 33 Kung minsan, inaalipusta kayo at pinag-uusig sa harapan ng mga tao. At kung minsan namaʼy dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na dumaranas ng ganitong pagsubok. 34 Dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na nakabilanggo. At kahit inagawan kayo ng mga ari-arian, tiniis nʼyo ito nang may kagalakan dahil alam ninyong mayroon kayong mas mabuting kayamanan na hindi mawawala kailanman. 35 Kaya huwag kayong mawawalan ng pananalig sa Dios, dahil may malaking gantimpalang nakalaan para sa inyo. 36 Kailangan ninyong magtiis para masunod nʼyo ang kalooban ng Dios, at matanggap nʼyo ang ipinangako niya. 37 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,

    “Sandaling panahon na lang at darating na siya. Hindi na siya magtatagal.
38 At mabubuhay ang taong itinuring kong matuwid dahil sa pananampalataya niya. Ngunit kung tumalikod siya sa akin, hindi ko na siya kalulugdan.”[a]

39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod sa Dios at napapahamak, kundi kabilang tayo sa mga sumasampalataya at naliligtas.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®