Old/New Testament
Mga Maling Gawain sa Banal na Hapunan
17 Sa mga sumusunod na tagubilin naman ay hindi ko kayo mapupuri, sapagkat kapag kayo'y nagkakatipon, ito ay hindi para sa ikabubuti, kundi sa ikasasama pa. 18 Sapagkat una sa lahat, sa pagpupulong ninyo sa iglesya, ay nababalitaan ko na may mga pagkakampi-kampi sa inyo, at parang pinaniniwalaan ko na ito. 19 Sa isang dako, kailangang magkaroon sa inyo ng mga pagbubukud-bukod upang lubusang makilala kung sino sa inyo ang tunay. 20 Sa pagkakatipon ninyo ay hindi ang hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. 21 Sapagkat sa inyong pagkain, mayroon sa inyong nauunang kumain ng sarili niyang hapunan, kaya may nagugutom, at ang iba nama'y lasing. 22 Ano? Wala ba kayong mga bahay na makakainan at maiinuman? O hinahamak ba ninyo ang iglesya ng Diyos, at hinihiya ang mga walang kahit ano? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Pupurihin ko ba kayo? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo mapupuri.
Pagganap ng Hapunan ng Panginoon(A)
23 Sapagkat ang tinanggap ko mula sa Panginoon ang siyang itinatagubilin ko sa inyo: na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay kumuha ng tinapay; 24 at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 25 Sa (B) gayunding paraan ay kinuha niya ang kopa, pagkatapos maghapunan, at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo ito, tuwing kayo'y iinom nito, bilang pag-alaala sa akin.” 26 Sapagkat sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopa, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagdating.
Ang Di-Nararapat na Pagganap ng Banal na Hapunan
27 Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat ay mananagot sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Suriin nga ng bawat tao ang kanyang sarili, bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili kung hindi niya kinikilala ang katawan.[a] 30 Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at maysakit, at ang ilan ay yumao na.[b] 31 Ngunit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan. 32 At kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, dinidisiplina niya tayo upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan. 33 Kaya nga, mga kapatid, kapag kayo'y nagtitipon upang kumain, maghintayan kayo. 34 Kung nagugutom ang sinuman, kumain siya sa bahay, upang hindi kayo mahatulan kapag kayo ay nagtitipon. Tungkol sa iba pang mga bagay ay magbibigay ako ng tagubilin pagdating ko.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.