Old/New Testament
Hindi Ganap na Itinakwil ng Diyos ang Israel
11 Kaya ito (A) ang sinasabi ko: Itinakwil na ba ng Diyos ang kanyang bayan? Huwag nawang mangyari! Ako mismo ay Israelita, mula sa lahi ni Abraham, mula sa lipi ni Benjamin. 2 Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na kanyang kinilala noong una pa man. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng Kasulatan tungkol kay Elias, kung paano siyang dumaing sa Diyos laban sa Israel? 3 “Panginoon,”(B) sabi niya, “pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga dambana. Ako na lang ang natitira, at sinisikap nila akong patayin!” 4 Ngunit ano (C) ang sagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako para sa akin ng pitong libong lalaking hindi yumuyukod kay Baal.” 5 Kaya hanggang sa kasalukuyan ay may nalalabi pa ring mga hinirang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. 6 At kung ang paghirang ay sa pamamagitan ng biyaya, ito'y hindi batay sa mga gawa, sapagkat kung gayon, hindi magiging biyaya ang biyaya. 7 Ano ngayon? Hindi nakamtan ng Israel ang pinagsikapan nitong makuha. Ito'y nakamtan ng mga hinirang, subalit ang iba nama'y nagmatigas. 8 Gaya (D) ng nasusulat,
“Binigyan sila ng Diyos ng manhid na diwa,
ng mga matang hindi makakita,
at ng mga taingang hindi makarinig
hanggang sa araw na ito.”
9 Sinabi (E) naman ni David,
“Ang hapag nawa nila'y maging bitag at patibong,
isang katitisuran, at ganti sa kanila;
10 lumabo nawa ang kanilang mga paningin, upang hindi sila makakita,
at sa hirap ay makuba sila habang panahon.”
Ang Kaligtasan ng mga Hentil
11 Kaya't sinasabi ko: natisod ba sila upang tuluyang mabuwal? Huwag nawang mangyari! Sa halip, dahil sa pagsuway nila ay dumating ang kaligtasan sa mga Hentil, upang ibunsod sa selos ang Israel. 12 Ngayon, kung ang pagsuway nila ay nagdulot ng kayamanan para sa sanlibutan, at ang pagkalugi nila ay naging kayamanan para sa mga Hentil, gaano pa kaya ang idudulot ng kanilang lubos na pagbabalik-loob?
13 Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako nga ang apostol para sa mga Hentil, ikinararangal ko ang aking ministeryo 14 sa pag-asang maibunsod ko sa selos ang aking mga kalahi at sa gayon ay mailigtas ko ang ilan sa kanila. 15 Sapagkat kung ang kanilang pagkatakwil ay naging daan ng pagbabalik-loob ng sanlibutan, hindi ba't ang kanilang pagtanggap ay maitutulad sa muling pagkabuhay mula sa kamatayan? 16 Kung ang masa ng tinapay na inialay bilang unang bunga ay banal, banal din ang buong masa na pinagkunan niyon. Kung banal ang ugat, gayundin ang mga sanga. 17 Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sangang ligaw ay idinugtong sa puno upang makabahagi sa katas na nagmumula sa ugat ng punong ito, 18 huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat, kundi ang ugat ang bumubuhay sa iyo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.