Old/New Testament
20 Ang bawat isa ay hayaang manatili sa kalagayan nang siya ay tawagin. 21 Isa ka bang alipin nang ikaw ay tawagin? Wala kang dapat alalahanin. Subalit kung magagawa mong maging malaya ay gamitin mo ang pagkakataon. 22 Sapagkat ang tinawag na maging kaisa ng Panginoon nang siya'y alipin ay malaya sa Panginoon, at ang tinawag naman nang siya'y malaya ay alipin ni Cristo. 23 Mahal ang pagkabili sa inyo, kaya huwag kayong maging mga alipin ng mga tao. 24 Mga kapatid, hayaang manatili ang bawat isa sa kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos.
Sa mga Walang Asawa at mga Balo
25 At tungkol naman sa mga walang asawa[a] ay wala akong utos mula sa Panginoon, ngunit nagbibigay ako ng kuru-kuro bilang isang taong mapagkakatiwalaan dahil sa habag ng Panginoon. 26 Sa palagay ko, dahil sa kagipitang kinakaharap ngayon, makabubuti sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. 27 Nakatali ka ba sa asawang-babae? Huwag mong sikaping makalaya. Nakalaya ka ba mula sa asawa? Huwag kang nang humanap ng asawa. 28 Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga ay mag-asawa, hindi siya nagkakasala. Subalit ang mga may asawa ay daranas ng kahirapan sa buhay[b] at iniiwas ko lamang kayo sa mga iyon. 29 Ang ibig kong sabihin, mga kapatid, ay maikli na ang panahon. Mula ngayon, ang mga may asawa ay mamuhay tulad sa walang asawa; 30 at ang mga umiiyak ay maging katulad ng mga hindi umiiyak, at ang mga natutuwa ay maging katulad ng mga hindi natutuwa; at ang mga bumibili ay maging katulad ng mga walang pag-aari, 31 at ang mga gumagamit ng mga bagay ng sanlibutan ay maging katulad ng mga hindi lubos na gumagamit nito. Sapagkat lumilipas ang anyo ng sanlibutang ito. 32 At nais kong mawalan kayo ng mga alalahanin. Ang lalaking walang asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang Panginoon. 33 Ngunit ang lalaking may asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa, 34 at nahahati ang kanyang pag-iisip. Ang babaing walang asawa at ang birhen ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng Panginoon, kung paano magiging banal sa katawan at sa espiritu, ngunit ang babaing may asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya bibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa. 35 Sinasabi ko ito para sa inyong kapakanan, hindi upang paghigpitan kayo, kundi upang magkaroon kayo ng kaayusan at makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal.
36 Ngunit kung iniisip ng sinuman na hindi tama ang kanyang inaasal sa kanyang dalaga[c] na nasa hustong gulang na, hayaang mangyari ang gusto niya, hayaan silang magpakasal—walang masama rito. 37 Subalit sinumang may matibay na paninindigan sa kanyang puso, at hindi nakakaramdam ng pangangailangan kundi napipigil niya ang kanyang sariling kagustuhan at nagpasya sa kanyang puso na panatilihin siya bilang kanyang dalaga, mabuti ang kanyang ginagawa. 38 Kaya't ang nagpapakasal sa kanyang kasintahan ay gumagawa ng mabuti at ang hindi naman nagpapakasal ay gumagawa ng mas mabuti.
39 Ang asawang babae ay nakatali habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung namayapa na ang kanyang asawa, malaya na siyang mag-asawa sa kanino mang nais niya, basta sa kapwa nasa Panginoon. 40 Ngunit sa aking palagay, mas maligaya siya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan. Iniisip ko rin naman na taglay ko ang Espiritu ng Diyos.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.