Old/New Testament
23 Nakatitig si Pablo sa Sanhedrin habang sinasabi, “Mga kapatid, nabuhay ako nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos hanggang sa araw na ito.” 2 At ipinag-utos ng Kataas-taasang Paring si Ananias sa mga nakatayong malapit kay Pablo na siya'y hampasin sa bibig. 3 Nang (A) magkagayo'y sinabi sa kanya ni Pablo, “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader! Nakaupo ka ba riyan upang hatulan ako ayon sa Kautusan, ngunit labag naman sa Kautusan ang utos mo na hampasin ako?” 4 Sinabi ng mga malapit sa kanya, “Nilalait mo ba ang Kataas-taasang Pari ng Diyos?” 5 At (B) sinabi ni Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang Kataas-taasang Pari. Sapagkat nasusulat, ‘Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang isang pinuno ng iyong bayan.’ ”
6 Nang (C) mapansin ni Pablo na ang ilan ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, sinabi niya nang malakas sa Sanhedrin, “Mga kapatid, ako'y isang Fariseo, anak ng mga Fariseo. Nililitis ako ngayon dahil sa pag-asang bubuhaying muli ang mga patay.” 7 Nang sabihin niya ito, nagtalu-talo ang mga Fariseo at mga Saduceo. Nahati ang kapulungan, 8 sapagkat (D) hindi naniniwala ang mga Saduceo sa muling pagkabuhay, gayundin sa anghel o sa espiritu. Ngunit pinaniniwalaan naman ng mga Fariseo ang lahat ng ito. 9 Lumakas ang kanilang sigawan. Tumindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at mainit na tumutol, “Wala kaming makitang anumang kasalanan sa taong ito. Ano nga kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?” 10 Nang nagiging mainit na ang pagtatalo, natakot ang kapitan na baka magkaluray-luray si Pablo, kaya pinababa niya ang mga kawal, sapilitang ipinakuha si Pablo at ipinabalik sa himpilan. 11 Nang gabing iyon, tumayo ang Panginoon sa tabi ni Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paano kang nagpatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem ay kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”
Ang Tangka sa Buhay ni Pablo
12 Kinaumagahan, nagsabwatan ang mga Judio at nanumpang hindi sila kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. 13 Mahigit sa apatnapu ang sumama sa sabwatang ito. 14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno, at nagsabi, “Buong taimtim kaming nanumpa na hindi titikim ng anumang pagkain hanggang sa mapatay namin si Pablo. 15 Kaya't hilingin ninyo at ng Sanhedrin sa kapitan na muli niyang ibaba rito si Pablo. Magkunwari kayong nais ninyong siyasating mabuti ang paratang tungkol sa kanya. At bago pa siya makarating ay nakahanda na kaming patayin siya.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.