Old/New Testament
Si Timoteo Kasama nina Pablo at Silas
16 Nakarating si Pablo sa Derbe at sa Listra. Naroon ang isang alagad na ang pangalan ay Timoteo. Siya'y anak ng isang babaing Judio na mananampalataya at Griyego naman ang kanyang ama. 2 Maganda ang patotoo tungkol sa kanya ng mga kapatid sa Listra at Iconio. 3 Nais ni Pablo na isama si Timoteo, kaya't tinuli niya ito alang-alang sa mga Judiong nasa lugar na iyon, sapagkat alam ng lahat na Griyego ang kanyang ama. 4 Sa kanilang paglalakbay sa mga lungsod, ipinababatid nila ang mga katuruang napagpasyahan ng mga apostol at ng matatandang tagapamahala sa Jerusalem. 5 Kaya't lumakas ang mga iglesya sa pananampalataya at nadagdagan ang kanilang bilang araw-araw.
Ang Pangitain ni Pablo sa Troas
6 Naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia, sapagkat pinagbawalan sila ng Banal na Espiritu na ipangaral ang salita sa lalawigan ng Asia. 7 Pagdating nila sa hangganan ng Misia, tinangka nilang makapasok sa Bitinia ngunit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. 8 Kaya't paglampas nila sa Misia ay nagtungo sila sa Troas. 9 Kinagabihan ay nagkaroon ng pangitain si Pablo: may isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at nakikiusap sa kanya, “Pumunta ka rito sa Macedonia at tulungan mo kami.” 10 Pagkakita niya sa pangitain, gumayak kami agad papunta sa Macedonia, sapagkat natitiyak naming kami'y tinawag ng Diyos upang ipangaral sa kanila ang Magandang Balita.
Ang Pagsampalataya ni Lydia
11 Mula sa Troas, tumuloy kami sa Samotracia, at kinabukasan naman ay sa Neapolis. 12 Mula roon ay nagtungo kami sa Filipos, na sakop ng Roma at pangunahing lungsod sa nasasakupan ng Macedonia. Nanatili kami sa lungsod na ito ng ilang araw. 13 Nang araw ng Sabbath ay pumunta kami sa labas ng lungsod sa may tabi ng ilog na sa palagay namin ay may dakong panalanginan. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagtitipon doon. 14 Isa sa mga nakinig sa amin ang isang babaing ang pangalan ay Lydia, isang sumasamba sa Diyos. Siya ay mula sa lungsod ng Tiatira at mangangalakal ng mga telang kulay-ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso upang makinig nang mabuti sa mga sinasabi ni Pablo. 15 Nang siya'y mabautismuhan na, kasama ang kanyang sambahayan, ay nakiusap siya sa amin, “Kung itinuturing ninyong ako'y tapat na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa aking tahanan.” At kami'y napilit niya.
Sina Pablo at Silas sa Bilangguan ng Filipos
16 Minsang papunta kami sa dakong dalanginan, sinalubong kami ng isang batang babaing alipin na may espiritu ng panghuhula. Malaki ang pakinabang ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Sinusundan-sundan niya kami nina Pablo, habang sumisigaw ng ganito, “Ang mga taong ito'y mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinapahayag nila sa inyo ang daan ng kaligtasan.” 18 Ginawa niya ito sa loob ng maraming araw. Ngunit nang mainis na si Pablo ay lumingon siya at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa kanya.” At lumabas ang espiritu nang oras ding iyon. 19 Ngunit nang makita ng kanyang mga amo na wala na ang kanilang pinagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas, at kinaladkad sa pamilihan upang iharap sa mga pinuno. 20 Pinaratangan sila ng ganito sa harap ng mga hukom, “Ang mga taong ito ay mga Judio, at ginugulo nila ang ating lungsod. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang bilang mga Romano'y hindi natin nararapat gawin at tanggapin.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.