Old/New Testament
Ang Sulat sa mga Mananampalatayang Hentil
22 Nang magkagayo'y minabuti ng mga apostol at ng matatandang tagapamahala, at ng buong iglesya, na pumili ng mga lalaki mula sa kanilang hanay at isugo sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe. Isinugo nila si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas, mga lalaking iginagalang ng mga kapatid. 23 Sa pamamagitan nila'y ipinadala ang liham na ganito ang nilalaman:
“Kaming mga apostol, mga matatanda, at mga kapatid ay bumabati sa mga kapatid na Hentil na nasa Antioquia, Syria at Cilicia. 24 Yamang nabalitaan namin na ginugulo kayo ng ilang tao na galing dito, kahit hindi namin sila inutusan, 25 napagkasunduan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating mga minamahal na sina Bernabe at Pablo, 26 mga taong nagsuong sa panganib ng kanilang buhay alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Isinugo namin sina Judas at Silas upang ipaliwanag sa inyo ang nilalaman ng liham na ito. 28 Minabuti ng Banal na Espiritu at minabuti rin naming huwag na kayong bigyan ng mabigat na pasanin maliban sa mga ito na talagang kailangan: 29 Huwag kayong kakain ng anumang ihinandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo, at ng mga binigting hayop. Huwag kayong makikiapid. Iwasan ninyo ang mga bagay na ito at mapapabuti kayo. Paalam.”
30 Pinaalis ang mga sugo at pumunta ang mga ito sa Antioquia. Nang matipon na nila ang kapulungan ay kanilang ibinigay ang sulat. 31 Pagkabasa nila nito, sila ay nagalak sa kanilang narinig. 32 Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay marami pang sinabi na nagpalakas ng loob at nagpatatag sa mga kapatid. 33 Pagkatapos na manatili roon ng ilang panahon, sila'y payapang pinabalik ng mga kapatid sa mga nagsugo sa kanila. 34 [Ngunit minabuti ni Silas ang manatili roon.][a] 35 Nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, at kasama ng marami pang iba, ay nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon.
Ang Paghihiwalay nina Pablo at Bernabe
36 Makaraan ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa bawat lungsod na pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.” 37 Nais ni Bernabe na kanilang isama si Juan, na tinatawag ding Marcos. 38 Ngunit (A) iginiit ni Pablo na huwag itong isama, sapagkat humiwalay ito noon at mula sa Pamfilia ay hindi na sumama sa kanilang gawain. 39 Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo na humantong sa kanilang paghihiwalay. Isinama ni Bernabe si Marcos, at naglayag patungong Cyprus. 40 Pinili naman ni Pablo si Silas, at sila'y umalis matapos ipagtagubilin ng mga kapatid sa pag-iingat ng Panginoon. 41 Naglakbay siya sa Syria at Cilicia at pinatatag ang mga iglesya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.