Read the New Testament in 24 Weeks
19 Pagkatapos, nakarinig ako ng parang napakaraming tao sa langit na nagsisigawan, “Purihin ang Panginoon! Purihin ang Dios nating makapangyarihan, dahil siya ang nagligtas sa atin! 2 Matuwid at tama ang kanyang paghatol. Hinatulan niya ang sikat na babaeng bayaran na nagpasama sa mga tao sa mundo dahil sa kanyang imoralidad. Pinarusahan siya ng Dios dahil pinatay niya ang mga lingkod ng Dios.” 3 Sinabi nilang muli, “Purihin ang Panginoon! Ang usok ng nasusunog na lungsod ay papailanlang magpakailanman!” 4 Lumuhod ang 24 na namumuno at ang apat na buhay na nilalang at sumamba sa Dios na nakaupo sa kanyang trono. Sinabi nila, “Amen! Purihin ang Panginoon!”
Handaan sa Kasal ng Tupa
5 Pagkatapos, may narinig akong nagsalita mula sa trono, “Purihin ninyo ang ating Dios, kayong lahat na naglilingkod sa kanya nang may takot, dakila man o hindi.” 6 Pagkatapos, muling may narinig ako, parang ingay ng napakaraming tao na parang lagaslas ng talon o dagundong ng malakas na kulog. Ito ang sinasabi, “Purihin ang Panginoon! Sapagkat naghahari na ang Panginoon na ating Dios na makapangyarihan sa lahat! 7 Magalak tayo at magsaya, at purihin natin siya. Sapagkat dumating na ang oras ng kasal ng Tupa, at nakahanda na ang kanyang nobya. 8 Pinagsuot siya ng damit na malinis, makinang, at puting-puti.” Ang ibig sabihin ng puting damit ay ang mabubuting gawa ng mga pinabanal[a] ng Dios.
9 At sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Mapalad ang mga inimbitahan sa handaan sa kasal ng Tupa.” At sinabi pa niya, “Totoo ang mga sinasabing ito ng Dios.” 10 Lumuhod ako sa paanan niya upang sumamba sa kanya. Pero sinabi niya sa akin, “Huwag! Huwag mo akong sambahin. Sapagkat alipin din ako ng Dios, tulad mo at ng mga kapatid mong nagpapahayag ng katotohanang itinuro ni Jesus.[b] Ang Dios ang sambahin mo!” (Sapagkat ang mga katotohanang itinuro ni Jesus ay siyang buod ng mga sinabi at isinulat ng mga propeta.)
Ang Nakasakay sa Puting Kabayo
11 Pagkatapos, nakita kong nabuksan ang langit, at may puting kabayo na nakatayo roon. Ang nakasakay ay tinatawag na Tapat at Totoo. Sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma. 12 Parang nagniningas na apoy ang mga mata niya at marami ang mga korona niya sa ulo. May nakasulat na pangalan sa kanya, na siya lang ang nakakaalam kung ano ang kahulugan. 13 Ang suot niyang damit ay inilubog sa dugo. At ang tawag sa kanya ay “Salita ng Dios.” 14 Sinusundan siya ng mga sundalo mula sa langit. Nakasakay din sila sa mga puting kabayo, at ang mga damit nila ay malinis at puting-puti. 15 Mula sa bibig niya ay lumalabas ang matalas na espada na gagamitin niyang panlupig sa mga bansa. At pamamahalaan niya sila sa pamamagitan ng kamay na bakal. Ipapakita niya sa kanila ang matinding galit ng Dios na makapangyarihan sa lahat. 16 Sa damit at sa hita niya ay may nakasulat: “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
17 Pagkatapos, nakita ko ang isang anghel na nakatayo sa araw. Sumigaw siya sa mga ibong lumilipad sa himpapawid, “Halikayo! Magtipon kayo para sa malaking handaan ng Dios! 18 Halikayo! Kainin ninyo ang laman ng mga hari, mga heneral, mga kawal, mga nakasakay sa kabayo, pati na ang laman ng kanilang mga kabayo. Kainin ninyo ang laman ng lahat ng tao, alipin man o hindi, hamak man o dakila.”
19 Pagkatapos, nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa mundo kasama ang kanilang mga kawal. Nagtipon sila upang labanan ang nakasakay sa puting kabayo at ang kanyang mga sundalo mula sa langit. 20 Ngunit dinakip ang halimaw. Dinakip din ang huwad at sinungaling na propeta na gumagawa ng mga himala para sa halimaw. Ang mga himalang ito ang ginamit niya upang dayain ang mga taong may tatak ng halimaw at sumasamba sa imahen nito. Silang dalawa ay itinapon nang buhay sa lawang apoy na may nagliliyab na asupre. 21 Pinatay ang mga sundalo nila sa pamamagitan ng espadang lumabas sa bibig ng nakasakay sa puting kabayo. At ang mga ibon ay nagsawa sa kakakain ng kanilang bangkay.
Ang 1,000 Taon
20 Pagkatapos nito, may nakita akong anghel na bumababa mula sa langit. May hawak siyang susi ng kailaliman, at may malaki siyang kadena. 2 Dinakip niya ang dragon – ang ahas noong unang panahon na tinatawag na diyablo o Satanas – at saka iginapos ng kadena sa loob ng 1,000 taon. 3 Inihulog siya ng anghel sa kailaliman, saka isinara at sinusian, at tinatakan pa ang pintuan nito upang walang mangahas na magbukas. Ikinulong siya upang hindi makapandaya ng mga tao sa ibaʼt ibang bansa sa loob ng 1,000 taon. Pero pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan siya sa loob ng maikling panahon.
4 Pagkatapos, may nakita akong mga trono, at ang mga nakaupo roon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang kaluluwa ng mga taong pinugutan ng ulo dahil sa pangangaral nila tungkol kay Jesus at dahil sa pagpapahayag nila ng salita ng Dios. Ang mga ito ay hindi sumamba sa halimaw o sa imahen nito, at hindi tumanggap ng tatak nito sa noo o kanang kamay nila. Binuhay sila at binigyan ng karapatang maghari na kasama ni Cristo sa loob ng 1,000 taon. 5 Ito ang unang pagkabuhay ng mga patay. (Ang ibang mga patay ay saka lang bubuhayin pagkatapos ng 1,000 taon.) 6 Mapalad at banal ang mga kabilang sa unang pagkabuhay ng mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan. Magiging mga pari sila ng Dios at ni Cristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng 1,000 taon.
Ang Pagkatalo ni Satanas
7 Pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan. 8 Lalabas siya at dadayain ang mga bansa sa buong mundo, na tatawaging Gog at Magog. Titipunin sila ni Satanas at isasama sa pakikipagdigma sa mga mananampalataya. At ang matitipon niyang mga sundalo ay kasindami ng buhangin sa tabing-dagat na hindi kayang bilangin. 9 Kakalat sila sa buong mundo, at paliligiran nila ang kampo ng mga banal at ang pinakamamahal na lungsod. Pero pauulanan sila ng Dios ng apoy mula sa langit at mamamatay silang lahat. 10 At si Satanas na dumaya sa kanila ay itatapon sa lawang apoy at asupre, na siya ring pinagtapunan ng halimaw at ng huwad at sinungaling na propeta. Magkakasama silang parurusahan at pahihirapan araw-gabi, magpakailanman.
Ang Huling Paghatol
11 Pagkatapos, nakita ko ang malaki at puting trono at ang nakaupo roon. Ang langit at ang lupa ay biglang naglaho at hindi na nakita. 12 At nakita ko ang mga namatay, tanyag at hindi, na nakatayo sa harap ng trono. Binuksan ang mga aklat, pati na ang aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. At ang bawat isa sa kanila ay hinatulan ayon sa ginawa nila na nakasulat sa mga aklat na iyon. 13 Kahit sa dagat sila namatay o sa lupa, naglabasan sila mula sa lugar ng mga patay. At hinatulan ang lahat ayon sa mga ginawa nila. 14-15 At ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan ay itinapon sa lawang apoy. Pagkatapos, itinapon din doon ang kamatayan at ang Hades.[c] Ang parusang ito sa lawang apoy ay ang ikalawang kamatayan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®