Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Babae at ang Dragon
12 Pagkatapos nito, isang kagila-gilalas na bagay ang nagpakita sa langit. Nakita ko ang isang babaeng nadaramitan ng araw at nakatuntong sa buwan. May korona siya sa ulo na may 12 bituin. 2 Manganganak na siya, kaya dumadaing siya dahil sa matinding sakit.
3 May isa pang kagila-gilalas na bagay akong nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay na may korona sa bawat ulo. 4 Tinangay ng buntot niya ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at itinapon sa lupa. Tumayo ang dragon sa harap ng babaeng manganganak na upang lamunin ang sanggol sa oras na isilang ito. 5 At nanganak nga ang babae ng isang sanggol na lalaki na siyang maghahari[a] sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal. Hindi nakain ng dragon ang sanggol dahil inagaw agad ang sanggol at dinala sa Dios doon sa kanyang trono. 6 Ang babae naman ay tumakas sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Dios para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng 1,260 araw.
7 Pagkatapos nito, nagkaroon ng digmaan sa langit. Si Micael at ang mga kasama niyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon. At lumaban din ang dragon at ang kanyang mga anghel. 8 Ngunit natalo ang dragon at ang kanyang mga anghel, at pinalayas sila mula sa langit. 9 Kaya itinaboy ang malaking dragon – ang ahas noong unang panahon na tinatawag na diyablo o Satanas na nanlilinlang sa mga tao sa buong mundo. Itinapon siya sa lupa kasama ang kanyang mga anghel.
10 Pagkatapos, narinig ko ang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Dios sa mga tao. Ipinapakita na niya ang kanyang kapangyarihan bilang hari at ang awtoridad ni Cristo na kanyang pinili. Sapagkat pinalayas na mula sa langit ang umaakusa sa ating mga kapatid sa harap ng Dios araw at gabi. 11 Ngunit natalo na siya ng ating mga kapatid sa pamamagitan ng dugo ng Tupa at ng katotohanang ipinangangaral nila. Hindi sila takot na ialay ang kanilang buhay alang-alang sa kanilang pananampalataya. 12 Kaya magalak kayo, kayong nakatira sa kalangitan. Pero nakakaawa kayong mga nakatira sa lupa at dagat dahil itinapon na riyan sa inyo si Satanas. Galit na galit siya dahil alam niyang kakaunti na lang ang natitirang panahon para sa kanya.”
13 Nang makita ng dragon na itinapon na siya sa lupa, tinugis niya ang babaeng nanganak ng sanggol na lalaki. 14 Ngunit binigyan ang babae ng dalawang pakpak na tulad sa malaking agila upang makalipad sa isang lugar sa ilang na inihanda para sa kanya. Doon siya aalagaan sa loob ng tatloʼt kalahating taon, malayo at ligtas sa dragon. 15 Dahil dito, nagbuga ang dragon ng maraming tubig, parang baha, upang tangayin ang babae. 16 Pero tinulungan ng lupa ang babae. Bumitak ito nang malalaki at hinigop ang tubig na galing sa bibig ng dragon. 17 Lalo pang nagalit ang dragon kaya nilusob niya ang iba pang mga anak ng babae. Itoʼy walang iba kundi ang mga taong sumusunod sa mga utos ng Dios at sa mga katotohanang itinuro ni Jesus. 18 At tumayo ang dragon sa tabi ng dagat.
Ang Dalawang Halimaw
13 Pagkatapos, may nakita akong halimaw na umaahon sa dagat. Pito ang ulo nito at sampu ang sungay. Bawat sungay nito ay may korona, at sa bawat ulo naman ay may nakasulat na pangalang lumalapastangan sa Dios.[b] 2 Ang halimaw ay parang leopardo, at may mga paang katulad ng sa oso. Ang bibig niya ay parang bibig ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang kapangyarihan at trono upang maging malawak ang kapangyarihan nito. 3 Nakita kong isa sa mga ulo ng halimaw ay parang pinatay, ngunit gumaling na ang matinding sugat nito. Kaya humanga sa halimaw ang mga tao sa buong mundo at naging tagasunod sila nito. 4 Sinamba nila ang dragon dahil siya ang nagbigay ng kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw, at sinabi, “Wala nang makakatulad sa halimaw! Walang makakalaban sa kanya!”
5 Hinayaan ng Dios na magsalita ang halimaw ng kalapastanganan laban sa kanya at maghari sa loob ng 42 buwan. 6 Nagsalita siya ng kalapastanganan laban sa Dios, laban sa pangalan ng Dios, sa kanyang tahanan, at sa lahat ng nakatira sa langit. 7 Hinayaan din ang halimaw na makipaglaban at talunin ang mga pinabanal[c] ng Dios. At binigyan din siya ng kapangyarihang maghari sa lahat ng tao sa mundo, anumang angkan, lahi, wika at bansa. 8 Sasambahin siya ng lahat ng tao sa mundo na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Bago pa man likhain ang mundo, ang mga pangalan nila ay hindi na nakasulat sa aklat na ito na hawak ng Tupang pinatay.
9 Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang mga bagay na ito. 10 Ang sinumang itinakdang dakpin ay dadakpin. At ang sinumang itinakdang mamatay sa espada ay mamamatay sa espada. Kaya ang mga pinabanal ng Dios ay kailangang maging matiisin at matatag sa kanilang pananampalataya.
11 Pagkatapos, nakita ko ang isa pang halimaw na lumalabas mula sa lupa. Ito ay may dalawang sungay na katulad ng sa tupa, ngunit parang dragon kung magsalita. 12 Naglingkod siya sa unang halimaw at ginamit niya ang lahat ng kapangyarihan nito. Pinilit niya ang lahat ng tao sa mundo na sumamba sa unang halimaw na may malubhang sugat na gumaling. 13 Gumawa ng kagila-gilalas na mga himala ang pangalawang halimaw tulad ng pagpapaulan ng apoy mula sa langit. Ginawa niya ito upang ipakita sa mga tao ang kanyang kapangyarihan. 14 At dahil sa mga himalang ito na ipinagawa sa kanya ng unang halimaw, nalinlang niya ang mga tao. Inutusan niya ang mga tao na gumawa ng imahen ng unang halimaw na malubhang nasugatan ng espada ngunit nabuhay pa. 15 Hinayaan ng Dios ang pangalawang halimaw na magbigay ng buhay sa imahen ng unang halimaw. Kaya nakapagsalita ang imahen at nakapag-utos na patayin ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya. 16 Pinilit ng pangalawang halimaw ang lahat ng tao – dakila o hindi, mayaman o mahirap, alipin o malaya – na magpatatak sa kanang kamay o sa noo. 17 At ang sinumang ayaw magpatatak ng pangalan o numero ng unang halimaw ay hindi maaaring bumili o magbenta.
18 Kailangan dito ang talino upang maunawaan ang kahulugan ng numero ng unang halimaw, dahil simbolo ito ng pangalan ng tao. At ang numero ay 666.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®