Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Kasulatan at ang Tupa
5 Pagkatapos nito, nakita ko ang nakarolyong kasulatan na hawak-hawak ng nakaupo sa trono sa kanang kamay niya. May nakasulat sa magkabilang panig nito, at may pitong selyo[a] para hindi mabuksan. 2 At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na sumisigaw, “Sino ang karapat-dapat na magtanggal ng mga selyo at nang mabuksan ang kasulatang ito?” 3 Pero walang isa man sa langit, sa lupa o sa ilalim ng lupa na makapagbukas ng kasulatan upang mabasa ang nakasulat doon. 4 Umiyak ako nang labis dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at bumasa ng kasulatang iyon. 5 Sinabi sa akin ng isa sa mga namumuno, “Huwag kang umiyak dahil si Jesus na tinaguriang Leon mula sa lahi ni Juda, ang anak ni David ay nagtagumpay at karapat-dapat siyang magtanggal ng pitong selyo upang mabuksan ang kasulatan.”
6 Pagkatapos, nakita ko ang isang Tupa[b] na mukhang pinatay, pero nakatayo na sa pagitan ng mga namumuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buhay na nilalang. Mayroon itong pitong sungay at pitong mata, na siyang pitong Espiritu ng Dios[c] na isinugo sa lahat ng lugar sa mundo. 7 Lumapit ang Tupa sa trono at kinuha niya ang kasulatan sa kanang kamay ng nakaupo roon. 8 Nang kunin niya iyon, lumuhod sa harap ng Tupa ang apat na buhay na nilalang at ang 24 na namumuno at sumamba sa kanya. Ang bawat isa sa kanila ay may hawak na gintong sisidlan na puno ng insenso, na siyang panalangin ng mga pinabanal.[d] May alpa[e] rin silang tinutugtog, 9 at umaawit sila ng bagong awit na ito:
“Kayo po ang karapat-dapat na kumuha ng kasulatan at magtanggal ng mga selyo nito,
dahil kayo ay pinatay, at sa pamamagitan ng inyong dugo ay tinubos nʼyo ang mga tao para sa Dios.
Ang mga taong ito ay mula sa bawat angkan, wika, lahi, at bansa.
10 Ginawa nʼyo silang mga hari at mga pari upang maglingkod sa ating Dios.
At maghahari sila sa mundo.”
11 Nakita ko at narinig ang tinig ng libu-libo at milyon-milyong mga anghel na nakapaligid sa trono, sa apat na buhay na nilalang at sa 24 na namumuno. 12 Umaawit sila nang malakas:
“Ang Tupang pinatay ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian at kapurihan!”
13 At narinig ko ang lahat ng nilalang sa langit, sa lupa, sa ilalim ng lupa, at sa dagat na umaawit:
“Ibigay sa nakaupo sa trono at sa Tupa ang kapurihan, kaluwalhatian, karangalan at kapangyarihan magpakailanman!”
14 Sumagot ang apat na buhay na nilalang, “Amen!” At lumuhod ang mga namumuno at sumamba.
Ang mga Selyo
6 Nakita kong tinanggal ng Tupa ang una sa pitong selyo ng nakarolyong kasulatan. At narinig kong nagsalita sa tinig na parang kulog ang isa sa apat na buhay na nilalang: “Halika!” ang sabi niya. 2 Nang tumingin ako, nakita ko ang isang puting kabayo. Ang nakasakay sa kabayo ay may hawak na pana. Binigyan siya ng korona. At umalis siya upang lumusob at magtagumpay sa pakikipagdigma.
3 Nang tanggalin ng Tupa ang ikalawang selyo, narinig kong sinabi ng ikalawang buhay na nilalang, “Halika!” 4 At lumitaw ang isang pulang kabayo. Ang nakasakay ay binigyan ng malaking espada at kapangyarihan upang magpasimula ng digmaan sa mundo at magpatayan ang mga tao.
5 Nang tanggalin ng Tupa ang ikatlong selyo, narinig kong sinabi ng ikatlong buhay na nilalang, “Halika!” At nakita ko ang isang itim na kabayo. Ang nakasakay ay may hawak na timbangan. 6 May narinig akong parang tinig mula sa apat na buhay na nilalang. At sinabi sa nakasakay sa kabayo, “Itaas mo ang presyo ng pagkain. Ang presyo ng isang kilo ng harinang trigo ay dapat isang araw na sahod, at ganoon din ang presyo ng tatlong kilo ng harinang sebada. Pero huwag itaas ang presyo ng langis at alak!”
7 Nang tanggalin ng Tupa ang ikaapat na selyo, narinig kong sinabi ng ikaapat na buhay na nilalang, “Halika!” 8 At nakita ko ang isang maputlang kabayo. Ang pangalan ng nakasakay ay Kamatayan, at kasunod nito ang Hades.[f] Binigyan sila ng kapangyarihang patayin ang ikaapat na bahagi ng populasyon ng mundo sa pamamagitan ng digmaan, gutom, sakit at mababangis na hayop.
9 Nang tanggalin ng Tupa ang ikalimang selyo, nakita ko sa ilalim ng altar ang kaluluwa ng mga taong pinatay dahil sa tapat na pangangaral nila ng salita ng Dios. 10 Sumisigaw sila nang malakas, “Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat, gaano pa po kami katagal na maghihintay bago ninyo hatulan at parusahan ang mga taong pumatay sa amin?” 11 Bawat isa sa kanilaʼy binigyan ng puting damit at sinabihang maghintay nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kapwa naglilingkod sa Dios, na papatayin ding tulad nila.
12 Nang tanggalin ng Tupa ang ikaanim na selyo, lumindol nang malakas. Nagdilim ang araw na kasing-itim ng damit-panluksa, at pumula ang buwan na kasimpula ng dugo. 13 Nahulog sa lupa ang mga bituin, na parang mga hilaw na bunga ng igos na hinahampas ng malakas na hangin. 14 Naalis ang langit na parang binilot na papel, at naalis din ang mga bundok at isla sa kinalalagyan nila. 15 Nagtago sa mga kweba at sa malalaking bato sa kabundukan ang mga hari, mga namumuno, mga opisyal ng mga kawal, mga mayayaman, mga makapangyarihan, at ang lahat ng klase ng tao, alipin man o hindi. 16 Sinabi nila sa mga bundok at mga bato, “Tabunan ninyo kami at itago upang hindi namin makita ang mukha ng nakaupo sa trono at upang makaligtas kami sa galit ng Tupa. 17 Sapagkat dumating na ang araw na parurusahan nila ang mga tao, at walang sinumang makakapigil sa kanila.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®