Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Timoteo 1-2

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios. Sinugo ako ng Dios para ipahayag ang tungkol sa buhay na ipinangako niyang makakamtan nating mga nakay Cristo Jesus.

Timoteo, minamahal kong anak:

Sumaiyo nawa ang biyaya, awa at kapayapaang galing sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Pasasalamat sa Dios at Paalala kay Timoteo

Nagpapasalamat ako sa Dios na pinaglilingkuran ko nang may malinis na konsensya, tulad ng ginawa ng mga ninuno ko. Nagpapasalamat ako sa kanya sa tuwing inaalala kita sa panalangin araw at gabi. Kapag naaalala ko ang pag-iyak mo noong umalis ako, kaya nasasabik akong makita ka para maging lubos ang kagalakan ko. Hindi ko makakalimutan ang tapat mong pananampalataya tulad ng nasa iyong Lola Luisa at ng iyong inang si Eunice, at natitiyak kong nasa iyo rin ngayon. Dahil dito, pinaaalalahanan kita na lalo ka pang maging masigasig sa paggamit ng kakayahang ipinagkaloob sa iyo ng Dios, na tinanggap mo nang patungan kita ng kamay. Sapagkat hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng kaduwagan, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.

Kaya huwag kang mahihiyang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon o tungkol sa akin na bilanggo dahil sa kanya. Sa halip, sa tulong ng Dios, makibahagi ka sa mga paghihirap dahil sa Magandang Balita. Iniligtas at tinawag tayo ng Dios para maging kanya, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa layunin at biyaya na ibinigay sa atin ni Cristo Jesus bago pa nagsimula ang mundo. 10 Ngunit nahayag lang ito nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Tinanggalan niya ng kapangyarihan ang kamatayan at ipinahayag sa atin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.

11 Pinili ako ng Dios na maging apostol at guro para ipahayag ang Magandang Balitang ito. 12 Ito ang dahilan kaya ako dumaranas ng mga paghihirap. Ngunit hindi ko ito ikinakahiya, dahil kilala ko kung sino ang sinasampalatayanan ko at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.[a] 13 Ituro mo ang tamang aral na natutunan mo sa akin, nang may pananampalataya at pag-ibig dahil ito ang karapat-dapat gawin ng mga nakay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Banal na Espiritu na nasa atin, ingatan mo ang tamang aral na ipinagkatiwala ko sa iyo.

15 Alam mong tinalikuran ako ng halos lahat ng mga kapatid sa probinsya ng Asia, pati na sina Figelus at Hermogenes. 16 Kaawaan sana ng Dios si Onesiforus at ang pamilya niya, dahil lagi niya akong tinutulungan,[b] at hindi niya ako ikinahiya kahit na akoʼy isang bilanggo. 17 Sa katunayan, nang dumating siya sa Roma, sinikap niya akong hanapin hanggang sa matagpuan niya ako. 18 At alam na alam mo kung paano niya ako tinulungan noong nasa Efeso ako. Kaawaan sana siya ng Panginoon sa Araw ng Paghuhukom.

Ang Mabuting Sundalo ni Cristo Jesus

Kaya ikaw Timoteo, bilang anak ko sa pananampalataya, magpakatatag ka sa tulong ni Cristo Jesus. Ituro mo rin sa mga mapagkakatiwalaang tao, na makakapagturo rin sa iba, ang mga aral na narinig mo sa akin sa harapan ng maraming saksi.

Makibahagi ka sa mga paghihirap bilang isang mabuting sundalo ni Cristo Jesus. Dapat katulad ka ng isang sundalong nasa serbisyo; hindi siya nakikisangkot sa iba pang gawain para mabigyan niya ng kasiyahan ang kanyang opisyal. Ganoon din naman, dapat katulad ka ng manlalaro; hindi siya makakakuha ng premyo kung hindi siya sumusunod sa tuntunin ng laro. At dapat katulad ka rin ng masipag na magsasaka; hindi baʼt siya ang unang karapat-dapat na tumanggap ng bahagi sa ani? Pag-isipan mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo, at ipapaunawa sa iyo ng Dios ang lahat ng ito.

Alalahanin mo ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, na nabuhay mula sa mga patay at nagmula sa angkan ni David. Ito ang ipinapangaral ko na siyang dahilan ng paghihirap ko hanggang sa ikadena ako na parang isang kriminal. Pero hindi nakakadenahan ang salita ng Dios. 10 Dahil dito, tinitiis ko ang lahat ng paghihirap alang-alang sa mga pinili ng Dios, para makamtan din nila ang kaligtasang nakay Cristo Jesus at ang buhay na walang hanggan. 11 Totoo ang kasabihang,

    “Kung namatay tayong kasama niya,
    mabubuhay din tayong kasama niya.
12 Kung magtitiis tayo,
    maghahari rin tayong kasama niya.
    Kung itatakwil natin siya,
    itatakwil din niya tayo.
13 Kung hindi man tayo tapat,
    mananatili siyang tapat,
    dahil hindi niya maikakaila ang kanyang sarili.”

Ang Karapat-dapat na Alagad ng Dios

14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito, at pagbilinan mo sila sa presensya ng Dios na iwasan ang walang kwentang pagtatalo. Wala itong mabuting naidudulot kundi kapahamakan sa mga nakikinig. 15 Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Dios, bilang isang manggagawa na walang dapat ikahiya, at tapat na nagtuturo ng katotohanan. 16 Iwasan mo ang makamundo at walang kwentang usap-usapan, dahil lalo lang napapalayo sa Dios ang mga gumagawa nito. 17 Ang mga aral nilaʼy parang kanser na kumakalat sa katawan. Kabilang na sina Hymeneus at Filetus sa mga taong ito. 18 Lumihis sila sa katotohanan dahil itinuturo nilang naganap na ang muling pagkabuhay ng mga patay, at ginugulo tuloy nila ang pananampalataya ng iba. 19 Ganoon pa man, nananatiling matibay ang saligang itinatag ng Dios, at may nakasulat na “Alam ng Panginoon kung sino ang sa kanya,”[c] at “Dapat lumayo sa kasamaan ang bawat taong nagsasabi na siyaʼy sa Panginoon.”

20 Sa isang malaking bahay, may mga kasangkapang yari sa ginto at pilak, at mayroon ding yari sa kahoy at putik.[d] Ginagamit sa mahahalagang okasyon ang mga kasangkapang yari sa ginto at pilak, at ang mga kasangkapang yari naman sa kahoy at putik ay sa pang-araw-araw na gamit. 21 Ang mga taong lumalayo sa kasamaan ay nabibilang sa mga kasangkapang ginagamit sa mahahalagang okasyon. Nakatalaga sila sa Panginoon, kapaki-pakinabang sa kanya, at laging handa sa lahat ng mabubuting gawain. 22 Kaya iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan. Pagsikapan mong mamuhay nang matuwid, tapat, mapagmahal at may mabuting pakikitungo sa kapwa, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon nang may malinis na puso. 23 Iwasan mo ang mga walang kwentang pakikipagtalo at kalokohan lamang, dahil alam mong hahantong lang ito sa alitan. 24 Ang lingkod ng Dios ay hindi dapat nakikipag-away, kundi mabait sa lahat, marunong magturo at mapagtimpi. 25 Kailangang mahinahon siya sa pagtutuwid sa mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling sa ganitong paraan ay bigyan sila ng Dios ng pagkakataong magsisi at malaman ang katotohanan. 26 Sa ganoon, maliliwanagan ang isip nila at makakawala sila sa bitag ng diablo na bumihag sa kanila para gawin ang nais nito.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®