Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Tesalonica 4-5

Ang Buhay na Kaaya-aya sa Dios

Mga kapatid, natutunan nʼyo sa amin kung paano mamuhay nang kalugod-lugod sa Dios, at ito nga ang ginagawa ninyo. Hinihiling namin ngayon sa pangalan ng Panginoong Jesus na lalo nʼyo pa sana itong pag-ibayuhin. Sapagkat alam naman ninyo ang mga utos ng Panginoong Jesus na ibinigay namin sa inyo: Nais ng Dios na maging banal kayo, kaya lumayo kayo sa sekswal na imoralidad. Dapat ay matutong makitungo ang bawat isa sa asawa niya[a] sa banal at marangal na pamamaraan, at hindi sa makamundong pagnanasa katulad ng ginagawa ng mga hindi kumikilala sa Dios, upang sa ganoon, hindi kayo makagagawa ng masama o mananamantala ng kapwa, dahil parurusahan ng Dios ang sinumang gumagawa ng mga ito, tulad ng sinabi at pinaalala namin sa inyo noon pa. Tinawag tayo ng Dios para mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan. Ang sinumang hindi sumusunod sa mga utos na ito ay hindi sa tao sumusuway kundi sa Dios na nagbibigay sa inyo ng kanyang Banal na Espiritu.

Ngayon, tungkol sa pagmamahalan bilang magkakapatid sa Panginoon, hindi na kayo kailangang paalalahanan pa tungkol dito, dahil ang Dios na mismo ang nagturo sa inyo na magmahalan. 10 At ito nga ang ginagawa nʼyo sa lahat ng kapatid sa Macedonia. Ganoon pa man, hinihiling namin na lalo pa ninyong pag-ibayuhin ang pag-ibig ninyo. 11 Sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, at huwag kayong makikialam sa buhay ng iba. Magtrabaho ang bawat isa para sa ikabubuhay niya, tulad ng ibinilin namin sa inyo. 12 Nang sa ganoon, hindi nʼyo na kailangang umasa sa iba, at igagalang kayo ng mga hindi mananampalataya.

Ang Pagbabalik ng Panginoon

13 Mga kapatid, gusto naming malaman nʼyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na, para hindi kayo magdalamhati gaya ng iba na walang pag-asa. 14 Naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Dios ang mga sumasampalataya kay Jesus, at isasama niya kay Jesus.

15 Sinasabi namin sa inyo ang mismong turo ng Panginoon: Tayong mga buhay pa pagbalik ng Panginoon ay hindi mauuna sa mga namatay na. 16 Sa araw na iyon, ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit kasabay ng malakas na utos. Maririnig ang pagtawag ng punong anghel at ang pagtunog ng trumpeta ng Dios. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ang unang bubuhayin; 17 pagkatapos, ang mga buhay pa sa atin sa araw na iyon ay kasama nilang dadalhin sa mga ulap para salubungin ang Panginoon sa himpapawid. At makakasama na natin ang Panginoon magpakailanman. 18 Kaya nga, mga kapatid, pasiglahin ninyo ang isaʼt isa sa pamamagitan ng mga aral na ito.

Maging Handa sa Pagbalik ng Panginoon

Mga kapatid, hindi ko na kailangang isulat pa sa inyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na ito, dahil alam na ninyo na ang pagbabalik ng Panginoon ay katulad ng pagdating ng isang magnanakaw sa gabi. Mangyayari ito habang inaakala ng mga tao na mapayapa at ligtas ang kalagayan nila. Biglang darating ang kapahamakan nila katulad ng pagsumpong ng sakit na nararamdaman ng babaeng manganganak na. At hindi sila makakaligtas. Ngunit kayo, mga kapatid ay hindi namumuhay sa kadiliman. Kaya hindi kayo mabibigla sa araw ng pagbabalik ng Panginoon katulad ng pagkabigla ng isang tao sa pagdating ng magnanakaw. Dahil namumuhay na kayong lahat sa liwanag at hindi sa kadiliman. Kaya nga, huwag tayong maging pabaya katulad ng iba na natutulog, kundi maging handa at mapagpigil sa sarili. Sapagkat ang taong namumuhay sa kadiliman ay katulad ng taong pabaya na natutulog o katulad ng lasing na walang pagpipigil sa sarili.[b] Pero dahil namumuhay na tayo sa liwanag, dapat ay may pagpipigil tayo sa sarili. Gawin natin bilang panangga sa dibdib ang pananampalataya at pag-ibig, at bilang helmet naman ang pag-asa natin sa pagliligtas sa atin ng Dios. Sapagkat hindi tayo itinalaga ng Dios para sa kaparusahan, kundi para sa pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin, para kahit buhay pa tayo o patay na sa pagbalik niya ay mabuhay tayo sa piling niya. 11 Dahil dito, patuloy ninyong pasiglahin at patatagin ang isaʼt isa, katulad nga ng ginagawa ninyo.

Mga Pangwakas na Bilin at Pagbati

12 Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na pahalagahan ninyo ang mga naglilingkod sa inyo na pinili ng Panginoon para mamuno at mangaral sa inyo. 13 Ibigay nʼyo sa kanila ang lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa gawain nila. Mamuhay kayo nang may mabuting pakikitungo sa isaʼt isa.

14 Nakikiusap kami sa inyo, mga kapatid, na pagsabihan nʼyo ang mga tamad. Palakasin ang mga mahihina sa pananampalataya nila. Maging mapagpasensya kayo sa lahat. 15 Huwag na huwag ninyong gagantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, sa halip, sikapin ninyong makagawa ng mabuti sa isaʼt isa at sa lahat. 16 Lagi kayong magalak, 17 laging manalangin, 18 at magpasalamat kayo kahit ano ang mangyari, dahil ito ang kalooban ng Dios para sa inyo na mga nakay Cristo Jesus.

19 Huwag ninyong hadlangan ang ginagawa ng Banal na Espiritu, 20 at huwag ninyong hamakin ang mga pahayag ng Dios. 21 Sa halip, suriin ninyong mabuti ang lahat para malaman kung galing ito sa Dios o hindi. Panghawakan nʼyo ang mabuti, 22 at iwasan ang lahat ng uri ng kasamaan.

23 Pakabanalin nawa kayong lubos ng Dios na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawaʼy panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong pagkatao – ang espiritu, kaluluwa at katawan – hanggang sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang Dios na tumawag sa inyo, at gagawin niya itong mga sinasabi namin.

25 Ipanalangin nʼyo rin kami, mga kapatid.

26 Magiliw ninyong batiin ang lahat ng mga kapatid diyan.[c]

27 Iniuutos ko sa inyo, sa pangalan ng Panginoon, na basahin ninyo ang liham na ito sa lahat ng mga kapatid.

28 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®