Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Juan 20-21

Muling Nabuhay si Jesus(A)

20 Kinaumagahan ng Linggo, habang madilim pa, pumunta si Maria na taga-Magdala sa libingan. Nakita niyang naalis na ang batong nakatakip sa pintuan nito. Kaya tumakbo siya at pumunta kay Simon Pedro at sa tagasunod na mahal ni Jesus. Pagdating niya sa kinaroroonan nila, sinabi niya sa kanila, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala.” Kaya tumakbo si Pedro papunta sa libingan kasama ang nasabing tagasunod. Pareho silang tumakbo, pero mas mabilis ang isa kaysa kay Pedro, kaya nauna itong nakarating sa libingan. Yumuko siya at sumilip sa loob ng libingan. Nakita niya ang mga telang linen na ipinambalot kay Jesus, pero hindi siya pumasok. Kasunod naman niyang dumating si Simon Pedro, at pumasok siya sa loob ng libingan. Nakita niya ang mga telang linen, maging ang ipinambalot sa ulo ni Jesus. Nakatiklop ito sa mismong lugar nito, at nakahiwalay sa ibang pang mga tela. 8-9 Pumasok na rin ang tagasunod na naunang nakarating, at nakita rin niya ang mga ito. Kahit na hindi pa nila nauunawaan ang tungkol sa sinasabi ng Kasulatan na si Jesus ay muling mabubuhay, naniwala siya na muling nabuhay si Jesus. 10 Pagkatapos nito, umuwi ang dalawang tagasunod.

Nagpakita si Jesus kay Maria na Taga-Magdala(B)

11 Naiwan si Maria sa labas ng libingan na umiiyak. Habang umiiyak, sumilip siya sa loob ng libingan 12 at nakita niya ang dalawang anghel na nakaputi. Nakaupo sila sa pinaglagyan ng bangkay ni Jesus, isa sa may ulunan at isa sa may paanan. 13 Tinanong nila si Maria, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot siya, “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya dinala.” 14 Pagkasabi nitoʼy lumingon siya at nakita si Jesus na nakatayo, pero hindi niya nakilala na si Jesus iyon. 15 Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ba ang hinahanap mo?” Sa pag-aakalang siya ang hardinero roon, sumagot si Maria, “Kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro nʼyo sa akin kung saan nʼyo siya dinala, at kukunin ko siya.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Maria!” Humarap si Maria kay Jesus at sinabi sa wikang Hebreo, “Rabboni!” (Ang ibig sabihin ay “Guro”.) 17 Sinabi ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, dahil hindi pa ako nakakabalik sa aking Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko at sabihing babalik na ako sa aking Ama na inyong Ama, at sa aking Dios na inyong Dios.” 18 Kaya pinuntahan ni Maria na taga-Magdala ang mga tagasunod ni Jesus at ibinalita sa kanila na nakita niya ang Panginoon. At sinabi niya sa kanila ang mga ipinapasabi ni Jesus.

Nagpakita si Jesus sa mga Tagasunod Niya(C)

19 Nang takip-silim na ng araw na iyon, nagsama-sama ang mga tagasunod ni Jesus. Ikinandado nila ang mga pinto dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 20 Pagkasabi niya nito, ipinakita niya ang sugat sa mga kamay at tagiliran niya. Labis na natuwa ang mga tagasunod nang makita ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan. Kung paanong sinugo ako ng Ama, kayo ay isinusugo ko rin.” 22 Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi, “Tanggapin nʼyo ang Banal na Espiritu. 23 Kung patatawarin nʼyo ang kasalanan ng isang tao, pinatawad na siya ng Dios. At kung hindi nʼyo patatawarin ang kanyang kasalanan, hindi rin siya pinatawad ng Dios.”

Ang Pagdududa ni Tomas

24 Si Tomas na tinatawag na Kambal,[a] na isa rin sa 12 apostol ay hindi nila kasama noong nagpakita si Jesus. 25 Kaya ibinalita nila sa kanya na nakita nila ang Panginoon. Pero sinabi niya sa kanila, “Hindi ako maniniwala hanggaʼt hindi ko nakikita ang mga sugat ng pagkakapako sa mga kamay niya at mahipo ang mga ito, pati na ang sugat sa kanyang tagiliran.”

26 Makalipas ang walong araw, nagtipon ulit ang mga tagasunod ni Jesus sa loob ng bahay. Kasama na nila si Tomas. Kahit nakakandado ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 27 Sinabi ni Jesus kay Tomas, “Tingnan mo ang mga kamay ko. Hipuin mo, pati na rin ang aking tagiliran. Huwag ka nang magduda; maniwala ka na.” 28 Sinabi ni Tomas sa kanya, “Panginoon ko at Dios ko!” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”

Ang Layunin ng Aklat na Ito

30 Marami pang himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga tagasunod niya ang hindi naisulat sa aklat na ito. 31 Pero ang nasa aklat na itoʼy isinulat upang sumampalataya kayo na si Jesus nga ang Cristo, ang Anak ng Dios. At kung sasampalataya kayo sa kanya, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan.

Nagpakita si Jesus sa Kanyang Pitong Tagasunod

21 Pagkalipas ng ilang araw, muling nagpakita si Jesus sa mga tagasunod niya sa may lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: Magkakasama noon sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Natanael na taga-Cana na bayan sa Galilea, mga anak ni Zebedee, at dalawa pang mga tagasunod. Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Mangingisda ako.” Sumagot sila, “Sasama kami.” Kaya sumakay sila sa bangka at pumalaot. Pero wala silang nahuli nang gabing iyon. Nang madaling-araw na, may nakita silang nakatayo sa dalampasigan. Pero hindi nila nakilala na si Jesus iyon. Tinawag sila ni Jesus, “Mga kaibigan,[b] may huli ba kayo?” Sumagot sila, “Wala po.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ihulog nʼyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo.” Iyon nga ang ginawa nila. Halos hindi na nila mahila ang lambat sa dami ng nahuli nilang isda. Sinabi kay Pedro ng tagasunod na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Pedro, isinuot niya ang damit na hinubad niya, tumalon sa tubig, at lumangoy papunta sa dalampasigan. Ang ibang mga tagasunod na nasa bangka ay bumalik din sa dalampasigan na hila-hila ang lambat na puno ng isda, dahil mga 90 metro lang ang layo nila sa pampang. Pagdating nila sa dalampasigan, nakita nila roon ang nagbabagang uling na may nakasalang na isda, at ilang tinapay. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdala kayo rito ng ilang isda na nahuli ninyo.” 11 Kaya sumampa sa bangka si Pedro at hinila papunta sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda na 153 lahat-lahat. Pero kahit ganoon karami ang isda, hindi nasira ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-almusal na kayo.” Wala ni isa sa mga tagasunod ni Jesus ang nangahas magtanong kung sino siya dahil alam nila na siya ang Panginoon. 13 Kumuha si Jesus ng tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14 Ito na ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga tagasunod niya pagkatapos niyang mabuhay muli.

Si Jesus at si Pedro

15 Pagkatapos nilang mag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako ng higit sa pagmamahal nila?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo po na mahal ko kayo.” Sinabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 16 Muling sinabi ni Jesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo po na mahal ko kayo.” Sinabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 17 Sa ikatlong ulit ay sinabi ni Jesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba talaga ako?” Nasaktan si Pedro dahil tatlong beses na siyang tinanong kung mahal niya si Jesus. Kaya sumagot siya, “Panginoon, alam nʼyo po ang lahat ng bagay. Alam nʼyo rin po na mahal ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa. 18 Sinasabi ko sa iyo ang totoo, noong bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibihis sa sarili mo, at pumupunta ka kung saan mo gusto. Pero pagtanda mo, iuunat mo ang mga kamay mo at iba na ang magbibihis sa iyo, at dadalhin ka sa lugar na hindi mo gusto.” 19 (Sinabi ito ni Jesus para ipahiwatig kung anong klaseng kamatayan ang daranasin ni Pedro upang maparangalan ang Panginoon.) Pagkatapos, sinabi ni Jesus kay Pedro, “Sumunod ka sa akin.”

Ang Tagasunod na Minamahal ni Jesus

20 Nang lumingon si Pedro, nakita niyang sumusunod sa kanila ang tagasunod na minamahal ni Jesus. (Siya ang tagasunod na nakasandal kay Jesus nang naghahapunan sila, at siya ang nagtanong kay Jesus kung sino ang magtatraydor sa kanya.) 21 Nang makita siya ni Pedro, nagtanong siya, “Panginoon, paano naman po siya?” 22 Sumagot si Jesus, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman sa iyo? Sumunod ka lang sa akin.” 23 Dahil dito, kumalat ang balita na ang tagasunod na ito ay hindi mamamatay. Pero hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay. Ang sinabi lang niya, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman sa iyo?” 24 Ako ang tagasunod na nagpapatotoo sa mga bagay na ito, at siya ring sumulat nito. Alam ng iba na totoo ang sinasabi ko. 25 Marami pang mga bagay ang ginawa ni Jesus. Kung isusulat ang lahat ng ito, palagay koʼy hindi magkakasya sa buong mundo ang lahat ng aklat na maisusulat.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®