Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the New Testament in 24 Weeks

A reading plan that walks through the entire New Testament in 24 weeks of daily readings.
Duration: 168 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Filipos 1-2

Pagbati mula kay Pablo

Mula kay Pablo, kasama si Timoteo na kapwa ko lingkod[a] ni Jesu-Cristo.

Mahal kong mga banal[b] na nakay Cristo Jesus diyan sa Filipos, kasama ng mga namumuno sa inyo at ng mga tumutulong sa kanila:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos

Tuwing naaalala ko kayo, nagpapasalamat ako sa Dios, at palagi akong masaya sa tuwing nananalangin ako para sa inyong lahat; dahil mula pa nang sumampalataya kayo hanggang ngayon ay katulong ko na kayo sa pagpapalaganap ng Magandang Balita. Natitiyak kong ipagpapatuloy ng Dios ang mabuting gawain na sinimulan niya sa inyo hanggang sa araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus. Dapat lang na ganito ang maramdaman ko dahil mahal ko kayo. Naging kabahagi kayo sa gawaing ibinigay ng Dios sa akin, kahit na nakabilanggo ako ngayong nagtatanggol at nagpapatunay sa Magandang Balita. Alam ng Dios na sabik na sabik na akong makita kayo dahil mahal ko kayo tulad ng pagmamahal ni Cristo Jesus sa inyo.

Ipinapanalangin ko na lalo pang lumago ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa nang may karunungan at pang-unawa, 10 para mapili nʼyo ang pinakamabuti sa lahat ng bagay at madatnan kayong malinis at walang kapintasan sa araw ng pagbabalik ni Cristo. 11 Mapuspos nawa kayo ng mga katangiang ipinagkaloob ni Jesu-Cristo sa inyo para maparangalan at mapapurihan ang Dios.

Ang Kagalakan ni Pablo na Naipapangaral si Cristo

12 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. 13 Sapagkat alam na ng lahat ng guwardya sa palasyo at ng iba pang naririto na nabilanggo ako dahil sa pagsunod ko kay Cristo. 14 Dahil din sa pagkakabilanggo ko, lalo pang tumibay ang pananampalataya ng karamihan sa ating mga kapatid sa Panginoon at lalo rin silang tumapang sa pagpapahayag ng Magandang Balita. 15 Totoong may ilan diyan na nangangaral lang tungkol kay Cristo dahil naiinggit sila sa akin at gusto nilang ipakita na mas magaling sila kaysa sa akin. Ngunit may ilan din namang tapat ang hangarin sa pangangaral. 16 Nangangaral sila dahil sa pagmamahal, at alam nilang dinala ako rito ng Dios para ipagtanggol ang Magandang Balita. 17 Ang mga taong naiinggit ay hindi tapat sa pangangaral nila tungkol kay Cristo. Ginagawa nila ito dahil sa pansariling hangarin. Inaakala nilang lalo pang madadagdagan ang mga paghihirap ko sa bilangguan dahil sa ginagawa nila. 18 Pero walang anuman ang lahat ng iyon sa akin. Nagagalak pa nga ako sa mga pangyayari dahil kahit papaano, naipapangaral si Cristo, tama man o mali ang hangarin nila. At patuloy akong magagalak, 19 dahil alam ko na sa pamamagitan ng mga panalangin nʼyo at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo ay makakalaya ako. 20 Malaki ang hangarin at pag-asa ko na hindi ako mapapahiya, kundi tulad ng dati, magkakaroon ako ng lakas ng loob para sa pamamagitan ng buhay o kamatayan ko ay maparangalan si Cristo. 21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ko ay para kay Cristo. At kung mamatay man ako, kapakinabangan ito sa akin dahil makakapiling ko na siya. 22 Kung patuloy naman akong mabubuhay, makakagawa pa ako ng mabubuting bagay. Kaya hindi ko alam ngayon kung alin ang pipiliin ko. 23 Nahahati ang isip ko sa dalawa: Ang mabuhay o ang mamatay. Gusto ko na sanang pumanaw para makapiling na si Cristo, dahil ito ang mas mabuti. 24 Pero kailangan kong patuloy na mabuhay para sa kapakanan ninyo. 25 Dahil dito, natitiyak kong mabubuhay pa ako at makakasama nʼyo para matulungan kayong lumago at maging maligaya sa pananampalataya. 26 At kapag nakabalik na ako sa inyo, lalo pa kayong magkakaroon ng dahilan para purihin si Cristo.

27 Mamuhay kayo nang ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Nang sa ganoon, makadalaw man ako sa inyo o hindi, mababalitaan kong nagkakaisa kayo at sama-samang naninindigan para sa pananampalatayang ayon sa Magandang Balita. 28 Huwag kayong matakot sa mga kumakalaban sa inyo. Dahil kung hindi kayo natatakot, magiging palatandaan ito sa kanila na mapapahamak sila at ililigtas naman kayo ng Dios. 29 Sapagkat hindi lang ang pribilehiyong sumampalataya kay Cristo ang ibinigay sa inyo, kundi ang maghirap din para sa kanya. 30 Ngayon, dinaranas nʼyo na ang paghihirap na nakita ninyong dinanas ko noong una, at nababalitaan ninyong dinaranas ko pa rin hanggang ngayon.

Ang Pagpapakumbaba ni Cristo

Hindi baʼt masigla kayo dahil nakay Cristo kayo? Hindi baʼt masaya kayo dahil alam ninyong mahal niya kayo? Hindi baʼt may mabuti kayong pagsasamahan dahil sa Banal na Espiritu? At hindi baʼt may malasakit at pang-unawa kayo sa isaʼt isa? Kung ganoon, nakikiusap ako na lubusin na ninyo ang kagalakan ko: Magkasundo kayoʼt magmahalan, at magkaisa sa isip at layunin. Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa makasariling hangarin o sa paghahangad na maitaas ang sarili. Sa halip, magpakumbaba kayo sa isaʼt isa at ituring na mas mabuti ang iba kaysa sa inyo. Huwag lang ang sarili ninyong kapakanan ang isipin nʼyo kundi ang kapakanan din ng iba. Dapat maging katulad ng kay Cristo Jesus ang pananaw nʼyo:

Kahit na nasa kanya ang katangian ng Dios, hindi niya itinuring ang pagiging kapantay ng Dios bilang isang bagay na dapat panghawakan.
Sa halip, ibinaba niya nang lubusan ang sarili niya sa pamamagitan ng pag-aanyong alipin.
Naging tao siyang tulad natin.     At sa pagiging tao niya, nagpakumbaba siya at naging masunurin sa Dios hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan sa krus.
Kaya naman itinaas siyang lubos ng Dios at binigyan ng titulong higit sa lahat ng titulo,
10 upang ang lahat ng nasa langit at lupa, at nasa ilalim ng lupa ay luluhod sa pagsamba sa kanya.
11 At kikilalanin ng lahat na si Jesu-Cristo ang Panginoon, sa ikapupuri ng Dios Ama.

Magsilbi Kayong Ilaw na Nagliliwanag

12 Mga minamahal, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod noong magkakasama pa tayo, lalo sana kayong maging masunurin kahit ngayong malayo na ako sa inyo. Sikapin ninyong ipamuhay[c] ang kaligtasang tinanggap nʼyo, at gawin nʼyo ito nang may takot at paggalang sa Dios. 13 Sapagkat ang Dios ang siyang nagbibigay sa inyo ng pagnanais at kakayahang masunod nʼyo ang kalooban niya.

14 Gawin nʼyo ang lahat nang walang reklamo o pagtatalo, 15 para maging malinis kayo at walang kapintasang mga anak ng Dios sa gitna ng mga mapanlinlang at masasamang tao sa panahong ito. Kailangang magsilbi kayong ilaw na nagliliwanag sa kanila 16 habang pinaninindigan nʼyo[d] ang salita na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. At kung gagawin nʼyo ito, may maipagmamalaki ako sa pagbabalik ni Cristo, dahil alam kong hindi nasayang ang pagsisikap ko sa inyo. 17 Ang paglilingkod ninyo na bunga ng inyong pananampalataya ay tulad sa isang handog. At kung kinakailangang ibuhos ko ang aking dugo[e] sa handog na ito, maligaya pa rin ako at makikigalak sa inyo. 18 At dapat maligaya rin kayo at makigalak sa akin.

Si Timoteo at si Epafroditus

19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapapunta ko riyan si Timoteo sa lalong madaling panahon, para masiyahan naman ako kapag naibalita niya ang tungkol sa inyo. 20 Siya lang ang kilala ko na katulad kong nagmamalasakit sa inyo nang totoo. 21 Ang ibaʼy walang ibang iniisip kundi ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Cristo. 22 Ngunit alam nʼyo kung paano pinatunayan ni Timoteo ang kanyang sarili. Para ko siyang tunay na anak sa pagtulong niya sa akin sa pangangaral ng Magandang Balita. 23 Binabalak kong papuntahin siya sa inyo kapag nalaman ko na ang magiging hatol sa akin dito. 24 At umaasa ako sa Panginoon na ako mismo ay makakapunta sa inyo sa lalong madaling panahon.

25 Sa ngayon, naisip kong kailangan nang pabalikin ang kapatid nating si Epafroditus na pinapunta nʼyo rito para tulungan ako. Tulad ko rin siyang manggagawa at tagapagtanggol ng Magandang Balita. 26 Pababalikin ko na siya sa inyo dahil sabik na sabik na siyang makita kayo, at hindi siya mapalagay dahil nabalitaan ninyong nagkasakit siya. 27 Totoo ngang nagkasakit siya, at muntik nang mamatay. Ngunit naawa ang Dios sa kanya at maging sa akin, dahil pinagaling siya at naligtas naman ako sa matinding kalungkutan. 28 Kaya gusto ko na siyang pabalikin para matuwa kayo kapag nakita nʼyo na siya ulit, at hindi na rin ako mag-aalala para sa inyo. 29 Kaya tanggapin nʼyo siya nang buong galak bilang kapatid sa Panginoon. Igalang nʼyo ang mga taong tulad niya, 30 dahil nalagay sa panganib ang buhay niya para sa gawain ni Cristo. Itinaya niya ang buhay niya para matulungan ako bilang kinatawan ninyo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®