Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Pagsasaya sa Langit
19 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malakas na tinig ng napakaraming tao sa langit, na nagsasabi,
“Aleluia!
Ang kaligtasan, at kaluwalhatian, at kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos.
2 Sapagkat(A) tunay at matuwid ang kanyang mga paghatol;
hinatulan niya ang tanyag na mahalay na babae[a]
na nagpasama sa daigdig sa pamamagitan ng kanyang pakikiapid,
at ipinaghiganti ng Diyos[b] ang dugo ng kanyang mga alipin[c] laban sa babae.”[d]
3 At(B) sa ikalawang pagkakataon ay kanilang sinabi,
“Aleluia!
At ang usok ng babae[e] ay pumailanglang magpakailanpaman.”
4 At nagpatirapa ang dalawampu't apat na matatanda at ang apat na nilalang na buháy, at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono, na nagsasabi,
“Amen. Aleluia!”
Ang Hapunan ng Kasalan ng Kordero
5 At(C) lumabas ang isang tinig sa trono, na nagsasabi,
“Purihin ninyo ang ating Diyos,
kayong lahat na mga alipin niya,
at kayong natatakot sa kanya,
mga hamak at dakila.”
6 Narinig(D) ko ang gaya ng isang tinig ng napakaraming tao, gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng dagundong ng malalakas na kulog na nagsasabi,
“Aleluia!
Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
7 Tayo'y magalak at tayo'y magpakasaya
at ibigay natin sa kanya ang kaluwalhatian,
sapagkat dumating na ang kasal ng Kordero,
at inihanda na ng kanyang magiging asawa ang kanyang sarili.
8 At sa kanya'y ipinagkaloob na magsuot
ng pinong lino, makintab at malinis;”
sapagkat ang pinong lino ay ang matutuwid na gawa ng mga banal.
9 At(E) sinabi ng anghel[f] sa akin, “Isulat mo: Mapapalad ang mga inanyayahan sa hapunan ng kasalan ng Kordero.” At sinabi niya sa akin, “Ito ang mga tunay na salita ng Diyos.”
10 At ako'y nagpatirapa sa kanyang paanan upang siya'y aking sambahin, ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo alipin na kasama mo at ng iyong mga kapatid na mayroong patotoo ni Jesus. Sa Diyos ka sumamba. Sapagkat ang patotoo ni Jesus ang espiritu ng propesiya.”
Ang Nakasakay sa Puting Kabayo
11 At(F) nakita kong nabuksan ang langit at naroon ang isang kabayong puti! At ang nakasakay doon ay tinatawag na Tapat at Totoo; at sa katuwiran siya'y humahatol at nakikipagdigma.
12 Ang(G) kanyang mga mata ay tulad ng ningas ng apoy, at sa kanyang ulo ay maraming diadema; at siya'y may isang pangalang nakasulat, na walang nakakaalam kundi ang kanyang sarili.
13 Siya'y nakasuot ng damit na inilubog sa[g] dugo at ang kanyang pangalan ay tinatawag na Ang Salita ng Diyos.
14 Ang mga hukbo ng langit ay sumusunod sa kanya na mga nakasakay sa mga kabayong puti, at sila'y may damit na pinong lino na maputi at dalisay.
15 Mula(H) sa kanyang bibig ay lumalabas ang isang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y tatagain niya ang mga bansa at sila'y kanyang paghaharian ng tungkod na bakal, at paaagusin niya mula sa pisaan ng ubas ang bagsik ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
16 At siya'y mayroong isang pangalang nakasulat sa kanyang damit at sa kanyang hita, “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
17 At(I) nakita kong nakatayo sa araw ang isang anghel, at siya'y sumigaw nang may malakas na tinig, na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa gitna ng himpapawid, “Halikayo at magkatipon sa dakilang hapunan ng Diyos,
18 upang kayo'y makakain ng laman ng mga hari, ng laman ng mga kapitan, ng laman ng mga taong makapangyarihan, ng laman ng mga kabayo at ng mga nakasakay dito, at ng laman ng lahat ng mga taong malaya at mga alipin man, mga hamak at dakila.”
19 At nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo, na nagkakatipon upang makipagdigma laban doon sa nakasakay sa kabayo, at laban sa kanyang hukbo.
20 At(J) hinuli ang halimaw at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa harapan nito, na siyang ipinandaya sa mga tumanggap ng tanda ng halimaw at sa mga sumamba sa larawan nito. Ang dalawang ito ay buháy na inihagis sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre.
21 At ang mga iba ay pinatay ng tabak na lumalabas sa bibig noong nakasakay sa kabayo; at ang lahat ng mga ibon ay nabusog sa mga laman nila.
Ang Sanlibong Taon
20 At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na hawak sa kanyang kamay ang susi ng di-matarok na kalaliman at ang isang malaking tanikala.
2 At(K) sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya ng isang libong taon,
3 at siya'y itinapon sa di-matarok na kalaliman at sinarhan at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang hindi na niya madaya ang mga bansa, hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos nito, kailangang siya'y pawalan sa maikling panahon.
4 Nakakita(L) ako ng mga trono, at ang mga nakaupo sa mga iyon ay pinagkalooban ng kapangyarihang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo kay Jesus, at dahil sa salita ng Diyos, at ang mga hindi sumamba sa halimaw, o sa kanyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay. Sila'y nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon.
5 Ang mga iba sa mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa natapos ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na muli.
6 Mapalad at banal ang may bahagi sa unang pagkabuhay na muli! Sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.
Ang Pagkagapi kay Satanas
7 At kung matapos na ang isang libong taon, si Satanas ay pakakawalan sa kanyang bilangguan,
8 at(M) lalabas upang dayain ang mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila para sa pakikipagdigma; ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.
9 Umakyat sila sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal, at ang lunsod na minamahal; ngunit bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y natupok.
10 At ang diyablo na dumaya sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng halimaw at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailanpaman.
Ang Paghuhukom
11 At(N) nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo roon; ang lupa at ang langit ay tumakas sa kanyang harapan at walang natagpuang lugar para sa kanila.
12 At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harapan ng trono, at binuksan ang mga aklat. Binuksan din ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa nakatala sa mga aklat.
13 At iniluwa ng dagat ang mga patay na nasa kanya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan ang bawat tao ayon sa kanilang mga gawa.
14 Ang kamatayan at ang Hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy;
15 at ang sinumang hindi natagpuang nakasulat sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001