Read the New Testament in 24 Weeks
Ang Aklat at ang Kordero
5 At(A) nakita ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang aklat[a] na may sulat sa loob at sa likod, na tinatakan ng pitong tatak.
2 At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na nagpapahayag sa malakas na tinig, “Sino ang karapat-dapat magbukas ng aklat at magtanggal ng mga tatak nito?”
3 At walang sinuman sa langit, o sa ibabaw man ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ang makapagbukas ng aklat o makatingin man sa loob nito.
4 Ako'y labis na umiyak, sapagkat walang natagpuang sinuman na karapat-dapat magbukas ng aklat, o tumingin sa loob nito.
5 At(B) sinabi sa akin ng isa sa matatanda, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo, ang Leon sa lipi ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang mabuksan niya ang aklat at ang pitong tatak nito.”
6 Pagkatapos(C) ay nakita ko sa gitna ng trono at ng apat na nilalang na buháy at sa gitna ng matatanda ang isang Korderong nakatayo, na tulad sa isang pinaslang, na may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong Espiritu ng Diyos, na sinugo sa buong daigdig.
7 Siya'y lumapit, at kinuha ang aklat sa kanang kamay ng nakaluklok sa trono.
8 Pagkakuha(D) niya sa aklat, ang apat na nilalang na buháy at ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpatirapa sa harapan ng Kordero, na ang bawat isa'y may alpa, at mga mangkok na ginto na punô ng insenso, na siyang mga panalangin ng mga banal.
9 At(E) sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi,
“Ikaw ay karapat-dapat na kumuha sa aklat
at magbukas ng mga tatak nito,
sapagkat ikaw ay pinatay, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay binili mo para sa Diyos
ang mga tao mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa.
10 At(F) sila'y iyong ginawang isang kaharian at mga pari para sa aming Diyos;
at sila'y maghahari sa ibabaw ng lupa.”
11 Nakita(G) ko at narinig ang tinig ng maraming mga anghel sa palibot ng trono at ng mga nilalang na buháy at ng matatanda; at ang bilang nila ay milyun-milyon at libu-libo,
12 na nagsasabi ng may malakas na tinig,
“Ang Kordero na pinaslang ay karapat-dapat
tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian, at kapurihan.”
13 At ang bawat bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito ay narinig kong nagsasabi,
“Sa kanya na nakaupo sa trono at sa Kordero
ay ang kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan, magpakailanpaman.
14 At ang apat na nilalang na buháy ay nagsabi, “Amen!” At ang matatanda ay nagpatirapa at sumamba.
Ang Pitong Tatak
6 Pagkatapos ay nakita ko nang buksan ng Kordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko ang isa sa apat na nilalang na buháy, na nagsalitang gaya ng tunog ng kulog, “Halika!”
2 Tumingin(H) ako at nakita ko ang isang kabayong puti, at ang nakasakay doon ay may isang pana; binigyan siya ng isang korona at siya'y humayong lumulupig, at upang lumupig.
3 Nang buksan niya ang ikalawang tatak ay narinig ko ang ikalawang nilalang na buháy, na nagsasabi, “Halika!”
4 At(I) may lumabas na isa pang pulang kabayo at ang nakasakay doon ay pinagkaloobang alisin sa lupa ang kapayapaan upang magpatayan ang isa't isa; at binigyan siya ng isang malaking tabak.
5 Nang(J) buksan niya ang ikatlong tatak, narinig ko ang ikatlong nilalang na buháy, na nagsasabi, “Halika!” At nakita ko ang isang kabayong itim; at ang nakasakay rito ay may isang timbangan sa kanyang kamay.
6 At narinig ko ang gaya ng isang tinig sa gitna ng apat na nilalang na buháy na nagsasabi, “Isang takal na trigo para sa isang denario at sa isang denario ay tatlong takal na sebada; ngunit huwag mong pinsalain ang langis at ang alak!”
7 Nang buksan niya ang ikaapat na tatak ay narinig ko ang tinig ng ikaapat na nilalang na buháy na nagsasabi, “Halika!”
8 Tumingin(K) ako at naroon ang isang kabayong maputla, at ang nakasakay roon ay may pangalang Kamatayan at ang Hades ay sumusunod sa kanya. At sila'y pinagkalooban ng kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa na pumatay sa pamamagitan ng tabak, at ng taggutom, ng salot, at ng mababangis na hayop sa lupa.
9 Nang buksan niya ang ikalimang tatak ay nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinaslang dahil sa salita ng Diyos, at dahil sa patotoong taglay nila.
10 Sila'y sumigaw nang may malakas na tinig, “Kailan pa, O Makapangyarihang Panginoon, banal at totoo, bago mo hatulan at ipaghiganti ang aming dugo sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa?”
11 At binigyan ang bawat isa sa kanila ng isang puting balabal at sa kanila'y sinabi na magpahinga pa sila ng kaunting panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapwa alipin at ng kanilang mga kapatid, na mga papataying tulad nila.
12 Nang(L) buksan niya ang ikaanim na tatak, nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng damit-sako at ang bilog na buwan ay naging gaya ng dugo;
13 at(M) ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa, gaya ng puno ng igos na nalalaglag ang kanyang mga bungang bubot kapag inuuga ng malakas na hangin.
14 Ang(N) langit ay nahawi na gaya ng isang balumbong nilululon, at ang bawat bundok at pulo ay naalis sa kanilang kinalalagyan.
15 Ang(O) mga hari sa lupa, ang mga prinsipe, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang malalakas at ang bawat alipin at ang bawat malaya, ay nagtago sa mga yungib, sa mga bato at sa mga bundok;
16 at(P) sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, “Mahulog kayo sa amin at itago ninyo kami mula sa mukha ng nakaupo sa trono, at mula sa poot ng Kordero;
17 sapagkat(Q) dumating na ang dakilang araw ng kanilang pagkapoot, at sino ang makakatagal?”[b]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001