Read the New Testament in 24 Weeks
Ang 144,000—ang Bayang Israel
7 Pagkatapos(A) nito ay nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man, o sa anumang punungkahoy.
2 At nakita ko ang isa pang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Diyos na buháy at siya'y sumigaw nang may malakas na tinig sa apat na anghel na pinagkalooban ng kapangyarihang pinsalain ang lupa at ang dagat,
3 na(B) nagsasabi, “Huwag ninyong pinsalain ang lupa, o ang dagat, o ang mga punungkahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.”
4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, 144,000, tinatakan mula sa bawat lipi ng mga anak ni Israel:
5 Sa lipi ni Juda ay 12,000 ang tinatakan;
sa lipi ni Ruben ay 12,000;
sa lipi ni Gad ay 12,000;
6 sa lipi ni Aser ay 12,000;
sa lipi ni Neftali ay 12,000;
sa lipi ni Manases ay 12,000;
7 sa lipi ni Simeon ay 12,000;
sa lipi ni Levi ay 12,000;
sa lipi ni Isacar ay 12,000;
8 sa lipi ni Zebulon ay 12,000;
sa lipi ni Jose ay 12,000;
sa lipi ni Benjamin ay 12,000 ang tinatakan.
Ang Di-Mabilang na mga Tao
9 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang napakaraming tao na di-mabilang ng sinuman, mula sa bawat bansa, sa lahat ng mga lipi, mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng trono at sa harapan ng Kordero, na nakasuot ng mapuputing damit, at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay;
10 at nagsisigawan nang may malakas na tinig, na nagsasabi,
“Ang pagliligtas ay sa aming Diyos na nakaupo sa trono, at sa Kordero!”
11 At ang lahat ng mga anghel ay tumayo sa palibot ng trono, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buháy at sila'y nagpatirapa sa harapan ng trono at sumamba sa Diyos,
12 na nagsasabi,
“Amen! Ang pagpapala, kaluwalhatian, karunungan,
pagpapasalamat, karangalan,
kapangyarihan, at kalakasan,
ay sa aming Diyos magpakailanpaman. Amen.”
13 At sumagot ang isa sa matatanda na nagsasabi sa akin, “Ang mga ito na may suot ng mapuputing damit, sino ba sila at saan sila nanggaling?”
14 Sinabi(C) ko sa kanya, “Ginoo, ikaw ang nakakaalam.” At sinabi niya sa akin, “Ang mga ito ang nanggaling sa malaking kapighatian, at naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero.
15 Kaya't sila'y nasa harapan ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw at gabi sa kanyang templo; at siyang nakaupo sa trono ay kakanlungan sila.
16 Sila'y(D) hindi na magugutom pa, ni mauuhaw man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anumang nakakapasong init,
17 sapagkat(E) ang Kordero na nasa gitna ng trono ay siyang magiging pastol nila, at sila'y papatnubayan patungo sa mga bukal ng tubig ng buhay; at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”
Ang Ikapitong Tatak
8 Nang buksan ng Kordero ang ikapitong tatak ay nagkaroon ng katahimikan sa langit nang may kalahating oras.
2 At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos at sila'y binigyan ng pitong trumpeta.
3 Dumating(F) ang isa pang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na isang gintong lalagyan ng insenso; at binigyan siya ng maraming insenso, upang idagdag ito sa mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng trono.
4 At umakyat ang usok ng insenso, kalakip ng mga panalangin ng mga banal, mula sa kamay ng anghel patungo sa harapan ng Diyos.
5 At(G) kinuha ng anghel ang lalagyan ng insenso at pinuno niya ng apoy ng dambana, itinapon niya sa lupa at nagkaroon ng mga kulog, mga tunog, mga kidlat, at ng lindol.
Ang Pitong Trumpeta
6 At ang pitong anghel na may pitong trumpeta ay naghanda upang hipan ang mga trumpeta.
7 Hinipan(H) ng unang anghel ang kanyang trumpeta at umulan ng yelo at apoy na may halong dugo, at itinapon ang mga ito sa lupa. Ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punungkahoy ay nasunog, at ang lahat ng luntiang damo ay nasunog.
8 Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay itinapon sa dagat.
9 Ang ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo, namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na may buhay na nasa dagat at ang ikatlong bahagi ng mga barko ay nawasak.
10 Hinipan(I) ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo, at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig.
11 Ang(J) pangalan ng bituin ay Halamang Mapait at ang ikatlong bahagi ng tubig ay naging mapait at maraming tao ang namatay dahil sa tubig, sapagkat ito ay mapait.
12 Hinipan(K) ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta at tinamaan ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng bituin kaya't nagdilim ang ikatlong bahagi nila, at ang ikatlong bahagi ng maghapon ay hindi nagliwanag, at gayundin naman ang gabi.
13 At tumingin ako, at aking narinig ang isang agila, na lumilipad sa gitna ng himpapawid, na nagsasabi ng malakas na tinig, “Kahabag-habag, kahabag-habag, kahabag-habag ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga tunog ng mga trumpeta na malapit nang hipan ng tatlo pang anghel.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001