Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Lucas 18:24-43

24 Nang makita ni Jesus ang kanyang kalungkutan ay sinabi niya, “Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos. 25 Sapagkat mas madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng karayom kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.” 26 Kaya't sinabi ng mga nakarinig, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” 27 “Ang mga bagay na hindi kayang gawin ng tao ay kayang gawin ng Diyos,” tugon ni Jesus. 28 Sinabi ni Pedro, “Tingnan po ninyo. Iniwan po namin ang lahat at sumunod sa inyo.” 29 At sinabi niya sa kanila, “Tandaan ninyo ito: sinumang mag-iwan ng tahanan, o asawa, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak para sa kapakanan ng paghahari ng Diyos 30 ay tiyak na tatanggap ng patung-patong na kapalit sa panahong ito at ng buhay na walang hanggan sa panahong darating.”

Ikatlong Pagsasalita ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

31 Ibinukod niya ang labindalawa at sinabi niya sa mga ito, “Tingnan ninyo, papunta na tayo sa Jerusalem. Matutupad ang lahat ng naisulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao. 32 Sapagkat ibibigay siya sa mga Hentil at lilibakin, hahamakin, at duduraan. 33 Hahagupitin siya at papatayin, ngunit mabubuhay siyang muli sa ikatlong araw.” 34 Ngunit wala silang naunawaan sa mga ito. Ang kahulugan ng sinabing ito ay inilihim sa kanila kaya't hindi nila maunawaan ang kanyang mga sinabi.

Pinagaling ni Jesus ang Bulag na Pulubi(B)

35 Nang malapit na sila sa Jerico, isang lalaking bulag ang nakaupong namamalimos sa tabi ng daan. 36 Nang marinig niyang nagdaraan ang mga tao, tinanong niya kung ano ang nangyayari. 37 At sinabi nila sa kanya na dumaraan si Jesus na taga-Nazareth. 38 Kaya sumigaw siya, “Jesus! Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga nasa unahan at siya ay pinatahimik. Ngunit lalo pa siyang sumigaw, “Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” 40 Kaya't tumigil si Jesus at nag-utos na ilapit ang lalaki sa kanya. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, 41 “Ano ang nais mong gawin ko?” Sumagot ang lalaki, “Panginoon, gusto ko po sanang muling makakita.” 42 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Makakakita kang muli. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” 43 At agad siyang nakakitang muli at sumunod kay Jesus na nagpupuri sa Diyos. Nang makita ito ng lahat ng mga tao, sila ay nagpuri sa Diyos.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.