Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Lucas 8:26-56

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Sinaniban ng Demonyo(A)

26 Si Jesus at ang mga alagad ay naglayag patungo sa bayan ng mga Geraseno,[a] na nasa tapat ng Galilea. 27 Pagdating niya sa lupaing iyon, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasaniban ng mga demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit at hindi tumitira sa bahay kundi sa mga libingan. 28 Nagsisigaw ito nang makita si Jesus, at nagpatirapa sa harap niya at sinabi nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa akin Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nakikiusap ako na huwag mo akong pahirapan.” 29 Sinabi ito sapagkat ipinag-utos ni Jesus sa maruming espiritu na lumabas sa lalaki. Madalas na itong sumasanib sa kanya. Iginapos na rin siya ng kadena nang may bantay at tinalian ng bakal sa paa ngunit napapatid pa rin niya ang mga ito at itinataboy siya ng demonyo sa ilang. 30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” “Lehiyon,” ang sagot niya, sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kanya. 31 Nakiusap ang mga ito na huwag silang utusang bumalik sa walang hanggang kalaliman. 32 Noon ay may kawan ng baboy na nanginginain sa burol. Nakiusap ang mga demonyo kay Jesus na hayaan silang makapasok sa mga iyon at sila nama'y hinayaan niya. 33 Pagkalabas ng mga demonyo sa lalaki ay pumasok ang mga ito sa mga baboy. Sumibad pababa sa bangin ang kawan patungong lawa at nalunod. 34 Pagkakita ng mga tagapag-alaga sa nangyari ay tumakas sila at ipinamalita iyon sa bayan at sa kabukiran. 35 Naglabasan sila upang makita ang nangyari. At lumapit sila kay Jesus at nakita nila ang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu na nakaupo sa paanan ni Jesus, nakadamit, at nasa matino nang pag-iisip; at sila'y natakot. 36 Ibinalita sa kanila ng mga nakakita kung paano pinagaling ang sinaniban ng demonyo. 37 Nagmakaawa kay Jesus ang lahat ng tao sa paligid ng bayan ng mga Geraseno[b] na sila ay iwan niya sapagkat matinding takot ang bumalot sa kanila. Kaya sumakay siya sa bangka upang umuwi. 38 Subalit nakiusap ang lalaking iniwan ng mga demonyo na siya ay makasama ngunit hindi ito pinaunlakan ni Jesus at sa halip ay sinabi, 39 “Umuwi ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang mga ginawa ng Diyos sa iyo.” At siya ay humayo at ipinahayag sa buong lungsod ang mga ginawa sa kanya ni Jesus.

Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Humipo sa Damit ni Jesus(B)

40 Pagbalik ni Jesus, tinanggap siya ng mga tao sapagkat lahat sila ay naghihintay sa kanya. 41 Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo. Siya ay pinuno ng sinagoga. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nakiusap sa kanyang pumunta sa kanyang bahay 42 sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babaing labindalawang taong gulang ay naghihingalo.

Habang paalis na si Jesus, nagigitgit siya ng mga tao. 43 Isang babae roon ang labindalawang taon nang dinudugo. Nagugol na niya ang lahat ng kanyang kabuhayan sa manggagamot.[c] Hindi na siya kayang pagalingin ninuman. 44 Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng damit nito. Agad tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Sinabi ni Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umaamin ay sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinisiksik ka ng mga tao at napapalibutan.” 46 Ngunit sinabi pa rin ni Jesus, “May humipo sa akin sapagkat alam kong may lumabas na kapangyarihan sa akin.” 47 Nang makita ng babae na hindi lingid ang kanyang ginawa, nanginginig itong lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Sinabi niya sa harap ng mga taong naroroon kung bakit niya hinawakan si Jesus at kung paanong gumaling siya agad. 48 Kaya sinabi ni Jesus sa babae, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Humayo kang panatag ang kalooban.” 49 Nagsasalita pa siya nang dumating ang isang mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga at nagsabing, “Patay na ang iyong anak! Huwag mo nang gambalain ang Guro.” 50 Ngunit pagkarinig dito ni Jesus ay sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang mangamba! Sumampalataya ka lang at siya ay gagaling.” 51 Pagkarating niya sa bahay ay hindi niya pinayagan ang sinumang makapasok na kasama niya maliban kina Pedro, Juan at Santiago at ang ama at ina ng bata. 52 Nag-iiyakan ang lahat at nananaghoy. Ngunit sinabi niya, “Huwag kayong umiyak sapagkat hindi siya patay kundi natutulog lang.” 53 Siya'y kanilang pinagtawanan sapagkat alam nilang patay na ang bata. 54 Nang hawakan niya ang kamay nito ay tumawag at nagsabi, “Ineng, bumangon ka!” 55 At bumalik ang espiritu ng bata at bumangon ito agad. Kaya nag-utos si Jesus na pakainin ito. 56 Namangha ang kanyang mga magulang subalit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.