New Testament in a Year
32 Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipamigay sa mga dukha. Igawa ninyo ang inyong sarili ng mga sisidlang hindi naluluma, isang di-maubos na kayamanan sa langit, doo'y hindi makalalapit ang magnanakaw at makapaninira ang mga bukbok. 34 Sapagkat kung saan nakalagak ang inyong kayamanan, doon din naman malalagak ang inyong puso.”
Mga Lingkod na Handa(A)
35 “Humanda kayo sa paglilingkod[a] at paliwanagin ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pagbabalik ng kanilang panginoon mula sa kasalan upang sa pagbabalik nito at pagkatok ay agad nila siyang mapagbuksan. 37 Pinagpala ang mga lingkod na madaratnang nagbabantay hanggang sa pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya upang maglingkod, sila ay pauupuin niya sa hapag-kainan at sila'y kanyang paglilingkuran. 38 Pinagpala ang mga lingkod na matagpuan ng panginoon na handa sa kanyang pagdating, hatinggabi man o madaling-araw. 39 Unawain ninyo ito: kung alam ng panginoon ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin ang kanyang bahay. 40 Kaya dapat din kayong maging handa! Sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
41 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinasabi ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?” 42 At sinabi ng Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang pamamahalain ng panginoon sa mga lingkod upang bigyan sila ng pagkain sa takdang panahon? 43 Pinagpala ang lingkod na sa pagbabalik ng kanyang panginoon ay madaratnang gumaganap ng tungkulin. 44 Tunay na sinasabi ko sa inyong sa kanya ipagkakatiwala ang lahat ng kanyang ari-arian. 45 Ngunit kung sabihin ng lingkod na iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa bago makabalik ang aking panginoon,’ at sinimulan niyang pahirapan ang iba pang mga lingkod na lalaki at mga lingkod na babae at siya'y kumain, uminom at maglasing, 46 darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Ang lingkod na iyon ay pagpuputul-putulin at isasama sa mga hindi tapat. 47 Ang lingkod na nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit hindi nakahanda o kumilos ayon sa kalooban nito ay maraming ulit hahagupitin. 48 Ngunit ang hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ay hahagupitin ng kaunti sa nagawa nitong pagkakamali. Ang binigyan ng marami ay pananagutin ng marami at ang pinagkatiwalaan ng marami ay papanagutin sa higit na marami.”
Si Jesus ang Sanhi ng Pagkakabaha-bahagi(B)
49 “Naparito ako upang maghagis ng apoy sa lupa at nais ko sanang ito'y nagniningas na. 50 Kailangan kong magdaan sa isang bautismo at nababagabag ako hangga't hindi ito nagaganap! 51 Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi, sa halip ay pagkakabaha-bahagi. 52 Sapagkat mula ngayon, ang limang tao sa isang bahay ay magkakabaha-bahagi—tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53 Sila ay magkakabaha-bahagi; ang ama laban sa anak na lalaki at ang anak na lalaki laban sa ama, ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa ina, ang biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at ang manugang na babae laban sa kanyang biyenang babae.”
Pagbibigay-kahulugan sa Panahon(C)
54 Sinabi rin niya sa mga tao, “Kapag nakakita kayo ng ulap na tumataas sa kanluran, agad ninyong sinasabi, ‘Paparating na ang ulan,’ at gayon nga ang nangyayari. 55 At kapag nakikita ninyong umiihip ang hanging habagat sinasabi ninyong, ‘Magiging mainit,’ at nagkakaganoon nga. 56 Mga mapagkunwari! Marunong kayong magtaya ng panahon sa anyo ng lupa at langit, subalit bakit hindi ninyo mabasa ang tanda ng kasalukuyang panahon?”
Makipag-ayos sa Iyong Kalaban(D)
57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan para sa inyong sarili kung ano ang matuwid? 58 Makipag-ayos ka sa nagsakdal sa iyo bago pa kayo makarating sa hukom. Kung hindi, baka kaladkarin ka niya sa hukom at ibigay ka ng hukom sa tanod at itapon ka ng tanod sa bilangguan. 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makalalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.