M’Cheyne Bible Reading Plan
10 Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at ibinuhos ang langis sa ulo ni Saul[a] at hinagkan siya; at sinabi, “Hindi ba hinirang ka ng Panginoon upang maging pinuno sa kanyang mana?
2 Pag-alis mo sa akin ngayon, masasalubong mo ang dalawang lalaki sa tabi ng libingan ni Raquel, sa nasasakupan ng Benjamin sa Selsa; sasabihin nila sa iyo, ‘Ang mga asno na iyong hinahanap ay natagpuan na at ngayon ay hindi na inaalala ng iyong ama ang mga asno at ang inaalala ay kayo na sinasabi, “Ano ang aking gagawin sa aking anak?”’
3 Kung magkagayo'y magpapatuloy ka mula roon, at darating ka sa ensina ng Tabor. Masasalubong ka roon ng tatlong lalaki na paahon sa Diyos sa Bethel; ang isa'y may dalang tatlong batang kambing, ang isa'y may dalang tatlong tinapay, at ang isa'y may dalang isang balat na sisidlan ng alak.
4 Babatiin ka nila at bibigyan ka ng dalawang tinapay na iyong tatanggapin mula sa kanila.
5 Pagkatapos ay darating ka sa burol ng Diyos na kinaroroonan ng isang himpilan ng mga Filisteo. Pagdating mo sa lunsod, makakasalubong ka ng isang pangkat ng mga propeta na lumulusong mula sa mataas na dako, na may alpa, pandereta, plauta, at lira sa harap nila; na nagpapahayag ng propesiya.
6 Pagkatapos, ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lulukob sa iyo, at magsasalita ka ng propesiya na kasama nila at magiging ibang lalaki.
7 Kapag ang mga tandang ito ay nangyari sa iyo, gawin mo ang anumang nakikita mong nararapat sapagkat ang Diyos ay kasama mo.
8 Ikaw ay lulusong na una sa akin sa Gilgal; at, ako'y darating sa iyo upang maghandog ng mga handog na sinusunog, at mag-alay ng mga alay na handog pangkapayapaan. Maghihintay ka ng pitong araw hanggang sa ako'y dumating sa iyo at ipapakita ko sa iyo kung ano ang iyong gagawin.”
Si Saul, Kasama ng Ibang mga Propeta
9 Nang siya ay tumalikod upang iwan si Samuel ay binigyan siya ng Diyos ng ibang puso; at ang lahat na mga tandang ito ay nangyari sa araw na iyon.
10 Pagdating nila sa Gibea, isang pangkat ng mga propeta ang sumalubong sa kanya; at ang Espiritu ng Diyos ay makapangyarihang sumakanya, at siya'y nagsalita ng propesiya kasama nila.
11 Nang makita ng lahat ng nakakakilala sa kanya nang una kung paano siya magsalita ng propesiya kasama ng mga propeta, ang bayan ay nagsabi sa isa't isa, “Ano itong nangyari sa anak ni Kish? Si Saul ba ay isa na rin sa mga propeta?”
12 Isang(A) lalaking taga-roon ang sumagot at nagsabi, “At sino ang kanilang ama?” Kaya't naging kasabihan, “Si Saul ba ay isa na rin sa mga propeta?”
13 Nang siya'y makatapos makapagsalita ng propesiya, siya'y pumunta sa isang mataas na dako.
14 Sinabi ng tiyo ni Saul sa kanya at sa kanyang lingkod, “Saan kayo pumunta?” At kanyang sinabi, “Upang hanapin ang mga asno at nang ito ay hindi namin matagpuan ay pumunta kami kay Samuel.”
15 Sinabi ng tiyo ni Saul, “Sabihin mo sa akin kung ano ang sinabi ni Samuel sa inyo.”
16 Sinabi ni Saul sa kanyang tiyo, “Sinabi niyang maliwanag sa amin na ang mga asno ay natagpuan na.” Ngunit tungkol sa bagay ng kaharian na sinabi ni Samuel, hindi niya iyon sinabi sa kanya.
Si Saul ay Ipinagbunyi Bilang Hari
17 At tinipon ni Samuel ang bayan sa Panginoon sa Mizpa
18 at sinabi niya sa mga anak ni Israel, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Iniahon ko ang Israel mula sa Ehipto, at pinalaya ko kayo sa kamay ng mga taga-Ehipto, at sa kamay ng lahat ng mga kaharian na nagpahirap sa inyo.’
19 Ngunit itinakuwil ninyo sa araw na ito ang inyong Diyos na nagligtas sa inyo mula sa lahat ng inyong kapahamakan at mga kapighatian. Sinabi ninyo sa kanya, ‘Hindi, kundi maglagay ka sa amin ng isang hari.’ Ngayon nga'y humarap kayo sa Panginoon ayon sa inyu-inyong mga lipi, at ayon sa inyong mga libu-libo.”
20 Sa gayo'y pinalapit ni Samuel ang lahat ng mga lipi, at ang lipi ni Benjamin ang nakuha sa palabunutan.
21 Kanyang inilapit ang lipi ni Benjamin ayon sa kanyang mga angkan; at ang angkan ni Matri ay siyang napili. Si Saul na anak ni Kish ay siyang napili ngunit nang kanilang hanapin siya ay hindi natagpuan.
22 Kaya't muli nilang itinanong sa Panginoon, “May lalaki pa bang pupunta rito?” At ang Panginoon ay sumagot, “Tingnan mo, siya'y nagtago sa mga dala-dalahan.”
23 Sila'y tumakbo at kanilang kinuha siya mula roon. Nang siya'y tumayo sa gitna ng taong-bayan, siya ay mas mataas kaysa sinuman sa taong-bayan, mula sa kanyang mga balikat pataas.
24 Sinabi ni Samuel sa buong bayan, “Nakikita ba ninyo siya na pinili ng Panginoon? Walang gaya niya sa buong bayan.” Ang buong bayan ay sumigaw at nagsabi, “Mabuhay ang hari!”
25 Pagkatapos ay sinabi ni Samuel sa taong-bayan ang mga karapatan at katungkulan ng hari; at isinulat niya sa isang aklat at inilagay sa harap ng Panginoon. Pinauwi ni Samuel ang buong bayan, bawat tao sa kanyang bahay.
26 Si Saul man ay umuwi sa kanyang bahay sa Gibea; at humayong kasama niya ang mga mandirigma na ang mga puso ay kinilos ng Diyos.
27 Ngunit sinabi ng ilang hamak na tao, “Paano tayo ililigtas ng taong ito?” At kanilang hinamak siya at hindi nila dinalhan ng kaloob. Ngunit siya'y hindi umimik.
Pamumuhay ayon sa Espiritu
8 Ngayon nga'y wala nang kahatulan sa mga na kay Cristo Jesus.
2 Sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay na na kay Cristo Jesus ay nagpalaya sa atin[a] mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.
3 Sapagkat ang hindi magawa ng kautusan, yamang ito ay pinahina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pagsusugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang laman, at tungkol sa kasalanan ay hinatulan niya ang kasalanan sa laman,
4 upang ang makatuwirang itinatakda ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi lumalakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.
5 Sapagkat ang mga ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa mga bagay ng laman; subalit ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu.
6 Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan; subalit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.
7 Sapagkat ang kaisipan ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos; sapagkat hindi ito napapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari;
8 at ang mga nasa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos.
9 Ngunit kayo'y wala sa laman, kundi nasa Espiritu, yamang nananatili sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit kung ang sinuma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kanya.
10 At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; ngunit ang espiritu ay buháy dahil sa katuwiran.
11 Ngunit(A) kung ang Espiritu niyaong bumuhay na muli kay Jesus ay nananatili sa inyo, siya na bumuhay na muli kay Cristo[b] mula sa mga patay ay magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo.
12 Kaya nga, mga kapatid, mga may utang tayo, hindi sa laman, upang mamuhay ayon sa laman;
13 sapagkat kung mamuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, subalit kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay.
14 Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay sila ang mga anak ng Diyos.
15 Sapagkat(B) (C) hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, “Abba![c] Ama!”
16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo'y mga anak ng Diyos.
17 At kung mga anak, ay mga tagapagmana rin, mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung tunay ngang nagtitiis tayong kasama niya, upang tayo'y luwalhatiin namang kasama niya.
Ang Kaluwalhatiang Mapapasaatin
18 Itinuturing ko na ang pagtitiis sa panahong kasalukuyan ay hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.
19 Sapagkat ang masidhing inaasam ng sangnilikha ay ang inaasahang paghahayag ng mga anak ng Diyos.
20 Sapagkat(D) ang sangnilikha ay nasakop ng kawalang kabuluhan, hindi sa kanyang kalooban, kundi dahil doon sa sumakop sa kanya, sa pag-asa
21 na ang sangnilikha naman ay mapapalaya mula sa pagkaalipin sa kabulukan tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.
22 Sapagkat nalalaman natin na ang buong sangnilikha ay sama-samang dumaraing at naghihirap sa pagdaramdam hanggang ngayon.
23 At(E) hindi lamang sangnilikha, kundi pati naman tayo na mayroong mga unang bunga ng Espiritu, na tayo nama'y dumaraing din sa ating mga sarili, sa masidhing paghihintay ng pagkukupkop, ang pagtubos sa ating katawan.
24 Sapagkat tayo'y iniligtas sa pamamagitan ng pag-asang ito, ngunit ang pag-asang nakikita ay hindi pag-asa, sapagkat sino nga ang umaasa sa nakikita?
25 Subalit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin itong may pagtitiis.
26 At gayundin naman, ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan; sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat; ngunit ang Espiritu mismo ang namamagitan[d] na may mga daing na hindi maipahayag;
27 ngunit ang Diyos na sumisiyasat ng mga puso ay nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagkat siya ang namamagitan dahil sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos.
28 At nalalaman natin na sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, sa kanila na mga tinawag alinsunod sa kanyang layunin.
29 Sapagkat ang mga nakilala niya nang una pa ay itinalaga naman niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid;
30 at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman niya.
Ang Pag-ibig ng Diyos
31 Ano nga ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?
32 Siya na hindi ipinagkait ang kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit naman hindi ibibigay sa atin nang walang bayad ang lahat ng mga bagay?
33 Sino ang magsasakdal ng anuman laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang umaaring-ganap.
34 Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, siyang muling binuhay mula sa mga patay, na siya ring nasa kanan ng Diyos, na siya ring namamagitan para sa atin.
35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kahirapan ba, o ang kapighatian, o ang pag-uusig, o ang taggutom, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak?
36 Gaya(F) ng nasusulat,
“Dahil sa iyo kami'y pinapatay sa buong araw;
kami ay itinuring na mga tupa sa katayan.”
37 Ngunit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo'y higit pa sa mga nagtatagumpay sa pamamagitan niya na sa atin ay umibig.
38 Sapagkat ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, ni ang buhay, ni ang mga anghel, ni ang mga pinuno, ni ang mga bagay na kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan,
39 ni ang kataasan, ni ang kalaliman, ni ang alin pa mang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin.
Ang Mensahe ng Panginoon tungkol sa mga Filisteo
47 Ang(A) salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga Filisteo, bago sinakop ni Faraon ang Gaza.
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon:
Narito, ang mga tubig ay umaahon mula sa hilaga,
at magiging nag-uumapaw na baha;
ang mga ito ay aapaw sa lupain at sa lahat ng naroon,
ang lunsod at ang mga naninirahan doon.
Ang mga tao ay sisigaw,
at bawat mamamayan sa lupain ay tatangis.
3 Sa ingay ng lagapak ng mga kuko ng kanyang mga kabayo,
sa hagibis ng kanyang mga karwahe, sa ingay ng kanilang mga gulong,
hindi nililingon ng mga magulang ang kanilang mga anak,
dahil sa kahinaan ng kanilang mga kamay,
4 dahil sa araw na dumarating
upang lipulin ang lahat ng Filisteo,
upang ihiwalay sa Tiro at Sidon
ang bawat kakampi na nananatili.
Sapagkat nililipol ng Panginoon ang mga Filisteo,
ang nalabi sa pulo ng Crete.
5 Ang pagiging kalbo ay dumating sa Gaza,
ang Ascalon ay nagiba.
O nalabi ng kanilang libis,
hanggang kailan mo hihiwaan ang iyong sarili?
6 Ah, tabak ng Panginoon!
Hanggang kailan ka hindi tatahimik?
Ilagay mo ang sarili sa iyong kaluban;
ikaw ay magpahinga at tumahimik!
7 Paano ito magiging tahimik
yamang ito'y inatasan ng Panginoon?
Laban sa Ascalon at laban sa baybayin ng dagat
ay itinakda niya ito.”
Awit ni David.
23 Ang Panginoon ay aking pastol; hindi ako magkukulang;
2 pinahihiga(A) niya ako sa luntiang pastulan,
inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan.
3 Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa.
Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran
alang-alang sa kanyang pangalan.
4 Bagaman ako'y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan,
wala akong katatakutang kasamaan;
sapagkat ikaw ay kasama ko,
ang iyong pamalo at ang iyong tungkod,
inaaliw ako ng mga ito.
5 Ipinaghahanda mo ako ng hapag
sa harapan ng aking mga kaaway;
iyong binuhusan ng langis ang aking ulo,
umaapaw ang aking saro.
6 Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin
sa lahat ng mga araw ng aking buhay;
at ako'y maninirahan sa bahay ng Panginoon
magpakailanman.[a]
Awit ni David.
24 Ang(B) lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng narito;
ang sanlibutan, at silang naninirahan dito;
2 sapagkat itinatag niya ito sa ibabaw ng mga dagat,
at itinayo sa ibabaw ng mga ilog.
3 Sinong aakyat sa bundok ng Panginoon?
At sinong tatayo sa kanyang dakong banal?
4 Siyang(C) may malilinis na kamay at may pusong dalisay,
na hindi nagtataas ng kanyang kaluluwa sa hindi totoo,
at hindi sumusumpa na may panlilinlang.
5 Mula sa Panginoon, pagpapala'y kanyang kakamtan,
at pagwawalang-sala mula sa Diyos ng kanyang kaligtasan.
6 Gayon ang salinlahi ng mga nagsisihanap sa kanya,
na nagsisihanap ng mukha ng Diyos ni Jacob. (Selah)
7 Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
at kayo'y mátaas, kayong matatandang pintuan!
upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
8 Sino ang Hari ng kaluwalhatian?
Ang Panginoon, malakas at makapangyarihan,
ang Panginoon, makapangyarihan sa pakikipaglaban.
9 Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
at itaas kayo, kayong matatandang pintuan!
upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian?
Ang Panginoon ng mga hukbo,
siya ang Hari ng kaluwalhatian! (Selah)
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001