M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kaban ng Tipan sa mga Filisteo
5 Nang makuha ng mga Filisteo ang kaban ng Diyos, ito ay kanilang dinala sa Asdod mula sa Ebenezer.
2 Pagkatapos ay kinuha ng mga Filisteo ang kaban ng Diyos at ipinasok sa bahay ni Dagon, at inilagay sa tabi ni Dagon.
3 Kinaumagahan, nang bumangong maaga ang mga taga-Asdod, si Dagon ay buwal na nakasubsob doon sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon. Kanilang kinuha si Dagon at muli siyang inilagay sa kanyang puwesto.
4 Subalit nang sila'y maagang bumangon kinaumagahan, si Dagon ay buwal na nakasubsob sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon. Ang ulo ni Dagon, gayundin ang kanyang mga kamay ay putol at nasa bungad ng pintuan; tanging ang katawan ni Dagon lamang ang naiwan sa kanya.
5 Dahil dito ang mga pari ni Dagon at ang lahat ng pumapasok sa bahay ni Dagon ay hindi tumutuntong sa bungad ng pintuan ni Dagon sa Asdod, hanggang sa araw na ito.
Ang mga Bayan ng Filisteo ay Pinarusahan
6 Ang kamay ng Panginoon ay mabigat sa mga taga-Asdod. Kanyang tinakot sila at sinaktan ng mga bukol, ang Asdod at ang mga nasasakupan nito.
7 Nang makita ng mga lalaki sa Asdod ang nangyayari ay kanilang sinabi, “Ang kaban ng Diyos ng Israel ay hindi dapat manatiling kasama natin sapagkat ang kanyang kamay ay mabigat sa atin at kay Dagon na ating diyos.”
8 Kaya't kanilang ipinatawag at tinipon ang lahat ng mga panginoon ng mga Filisteo at sinabi, “Ano ang ating gagawin sa kaban ng Diyos ng Israel?” At sila'y sumagot, “Dalhin sa Gat ang kaban ng Diyos ng Israel.” At kanilang dinala roon ang kaban ng Diyos ng Israel.
9 Subalit pagkatapos na kanilang madala, ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa lunsod na nagdulot ng malaking ligalig. Sinaktan niya ang mga tao sa lunsod, maging bata o matanda, kaya't may mga bukol na tumubo sa kanila.
10 Kanilang ipinadala ang kaban ng Diyos sa Ekron. Subalit pagdating ng kaban ng Diyos sa Ekron, ang mga taga-Ekron ay sumigaw, “Kanilang dinala sa atin ang kaban ng Diyos ng Israel upang patayin tayo at ang ating taong-bayan.”
11 Kaya't ipinatawag nila at tinipon ang lahat ng panginoon ng mga Filisteo, at kanilang sinabi, “Ilayo ninyo ang kaban ng Diyos ng Israel at ibalik ninyo sa kanyang sariling lugar, upang huwag nito kaming patayin at ang aming taong-bayan.” Sapagkat nagkaroon ng nakakamatay na pagkakagulo[a] sa buong lunsod. Ang kamay ng Diyos ay lubhang mabigat doon.
12 Ang mga lalaking hindi namatay ay nagkaroon ng mga bukol, at ang daing ng lunsod ay umabot hanggang sa langit.
Ibinalik ang Kaban ng Tipan
6 Ang kaban ng Panginoon ay nasa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong buwan.
2 Ipinatawag ng mga Filisteo ang mga pari at ang mga manghuhula, na sinasabi, “Anong aming gagawin sa kaban ng Panginoon? Sabihin ninyo sa amin kung anong aming ipapadala kasama nito sa kanyang dako.”
3 At kanilang sinabi, “Kung inyong ipapadala ang kaban ng Diyos ng Israel, huwag ninyong ipadalang walang laman, kundi gawin ninyo ang lahat ng paraan na maibalik siya na may handog para sa budhing nagkasala. Kung magkagayo'y gagaling kayo at malalaman ninyo kung bakit ang kanyang kamay ay hindi humihiwalay sa inyo.”
4 Kanilang sinabi, “Ano ang handog para sa budhing nagkasala na aming ibabalik sa kanya?” At kanilang sinabi, “Limang gintong bukol, at limang gintong daga ayon sa bilang ng mga panginoon ng mga Filisteo; sapagkat iisang salot ang dumating sa inyong lahat at sa inyong mga panginoon.
5 Kaya't kailangang gumawa kayo ng mga anyo ng inyong mga bukol at daga na sumira ng lupain, at inyong bigyan ng kaluwalhatian ang Diyos ng Israel, baka sakaling kanyang pagaanin ang kanyang kamay sa inyo, sa inyong mga diyos, at sa inyong lupain.
6 Bakit ninyo pinagmamatigas ang inyong puso gaya ng mga taga-Ehipto at ni Faraon na pinagmatigas ang kanilang puso? Pagkatapos na siya'y makagawa ng kahanga-hanga sa kanila, di ba pinahintulutan nilang umalis ang bayan, at sila'y umalis?
7 Ngayo'y kumuha kayo at maghanda ng isang bagong kariton, at dalawang bagong bakang gatasan na hindi pa napatungan ng pamatok; at ikabit ninyo ang mga baka sa kariton ngunit iuwi ninyo ang kanilang mga guya.
8 Kunin ninyo ang kaban ng Panginoon, ilagay ninyo sa kariton, at isilid ninyo sa isang kahon na nasa tabi niyon ang mga hiyas na ginto na inyong ibabalik sa kanya bilang handog para sa budhing nagkasala. Pagkatapos ay paalisin na ninyo, at hayaang lumakad.
9 Masdan ninyo. Kung umahon sa daang patungo sa kanyang sariling lupain sa Bet-shemes, kung gayon ay siya nga ang gumawa sa atin ng malaking pinsalang ito. Ngunit kung hindi, malalaman natin na hindi ang kanyang kamay ang nanakit sa atin, ito ay pangyayaring nagkataon lamang.”
10 Gayon ang ginawa ng mga lalaki, at kumuha ng dalawang bagong bakang gatasan at ikinabit sa kariton, at ikinulong ang kanilang mga guya sa bahay.
11 Kanilang inilagay ang kaban ng Panginoon sa kariton at ang kahon na may mga dagang ginto at mga anyo ng kanilang mga bukol.
12 Ang mga baka ay tuluy-tuloy sa daang patungo sa Bet-shemes; sila'y nagpatuloy sa lansangan, na umuungal habang humahayo. Sila'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa; at ang mga panginoon ng mga Filisteo ay sumunod sa kanila hanggang sa hangganan ng Bet-shemes.
13 Noon ang mga taga-Bet-shemes ay nag-aani ng kanilang trigo sa libis. Nang sila'y tumingin at nakita ang kaban, sila ay nagalak na makita iyon.
14 Ang kariton ay dumating sa bukid ni Josue na taga-Bet-shemes at huminto roon. Isang malaking bato ang naroroon; at kanilang biniyak ang kahoy ng kariton at inihandog sa Panginoon ang mga baka bilang handog na sinusunog.
15 Ibinaba ng mga Levita ang kaban ng Panginoon at ang kahon na nasa tagiliran niyon na may lamang mga hiyas na ginto, at ipinatong sa malaking bato. Ang mga lalaki sa Bet-shemes ay naghandog ng mga handog na sinusunog at nag-alay ng mga alay sa Panginoon nang araw ding iyon.
16 Nang makita ito ng limang panginoon ng mga Filisteo, sila ay bumalik sa Ekron nang araw ding iyon.
17 Ito ang mga gintong bukol na ibinalik ng mga Filisteo sa Panginoon bilang handog para sa budhing nagkasala: isa sa Asdod, isa sa Gaza, isa sa Ascalon, isa sa Gat, at isa sa Ekron.
18 Ang mga dagang ginto, ayon sa bilang ng lahat ng mga lunsod ng mga Filisteo na sakop ng limang panginoon, ang mga lunsod na nakukutaan at mga nayon sa kaparangan. Ang malaking bato na kanilang pinagbabaan ng kaban ng Panginoon ay isang saksi hanggang sa araw na ito sa bukid ni Josue na taga-Bet-shemes.
19 Kanyang pinatay ang ilan sa mga tao sa Bet-shemes, sapagkat kanilang tiningnan ang loob ng kaban ng Panginoon. Pumatay siya sa bayan ng pitumpung lalaki at limampung libong katao. Ang bayan ay nagluksa sapagkat ang Panginoon ay gumawa ng malaking pagpatay sa taong-bayan.
20 Sinabi ng mga lalaking taga-Bet-shemes, “Sino ang makakatayo sa harap ng Panginoon, dito sa banal na Diyos? Kanino niya ito ipadadala upang mapalayo sa atin?”
21 Kaya't sila'y nagpadala ng mga sugo sa mga naninirahan sa Kiryat-jearim, na nagsasabi, “Ibinalik na ng mga Filisteo ang kaban ng Panginoon; kayo'y lumusong at iahon ninyo sa inyo.”
Mga Bunga ng Pag-aaring-ganap
5 Kaya't yamang tayo'y inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong[a] kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
2 Sa pamamagitan niya'y nakalapit tayo[b] sa biyayang ito na ating pinaninindigan, at nagagalak tayo sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos.
3 At hindi lamang gayon, kundi nagagalak rin tayo sa ating mga kapighatian sa pagkaalam na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis,
4 at ang pagtitiis ng pagpapatibay; at ang pagpapatibay ng pag-asa.
5 At hindi tayo binibigo ng pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.
6 Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, sa tamang panahon si Cristo ay namatay para sa masasama.
7 Sapagkat bihirang mangyari na ang isang tao'y mamatay alang-alang sa isang taong matuwid; bagama't alang-alang sa isang mabuting tao marahil ay may mangangahas mamatay.
8 Subalit pinatutunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.
9 Lalo pa nga, ngayong itinuturing tayong ganap sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay maliligtas tayo sa galit ng Diyos sa pamamagitan niya.
10 Sapagkat kung noon ngang tayo'y mga kaaway, ay pinakipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo ngayong ipinagkasundo na, ay maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay.
11 At hindi lamang gayon, kundi tayo'y nagagalak rin sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya'y tinamo natin ngayon ang pakikipagkasundo.
12 Kaya't(A) kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at sa pamamagitan ng kasalanan ay ang kamatayan, kaya't dumating sa lahat ng mga tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala;
13 tunay na ang kasalanan ay nasa sanlibutan bago pa dumating ang kautusan, ngunit hindi ibinibilang ang kasalanan kung walang kautusan.
14 Gayunman, ang kamatayan ay naghari mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa kanila na hindi nagkasala ng tulad sa paglabag ni Adan, na siyang anyo ng isa na darating.
15 Subalit ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagsuway. Sapagkat kung sa pamamagitan ng pagsuway ng isa ang marami ay namatay, lalo pang sumagana para sa marami ang biyaya ng Diyos, at ang kaloob dahil sa biyaya ng isang tao, na si Jesu-Cristo.
16 At ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng ibinunga ng pagkakasala ng isang tao; sapagkat ang kahatulan na dumating na kasunod ng pagkakasala ng isa ay nagbunga ng paghatol, subalit ang kaloob na walang bayad na kasunod ng maraming pagsuway ay nagbunga ng pag-aaring-ganap.
17 Sapagkat kung paanong sa pagsuway ng isa ay naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isa; ang tumatanggap ng kasaganaan ng biyaya at kaloob ng pagiging matuwid ay lalo pang maghahari sa buhay sa pamamagitan ng isa, si Jesu-Cristo.
18 Kaya't kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang kahatulan sa lahat ng mga tao; gayundin naman sa pamamagitan ng isang matuwid na gawa ay dumating sa lahat ng mga tao ang pag-aaring-ganap at buhay.
19 Sapagkat kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayundin sa pamamagitan ng pagsunod ng isa ang marami ay magiging mga matuwid.
20 Subalit dumating ang kautusan na nagbunga ng pagdami ng pagsuway, ngunit kung saan marami ang kasalanan, ay lalong dumarami ang biyaya;
21 upang, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa kamatayan, ay gayundin naman ang biyaya ay makapaghahari sa pamamagitan ng pagiging matuwid tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin.
Dinala si Jeremias sa Ehipto
43 Nang si Jeremias ay makatapos ng pagsasalita sa buong bayan ng lahat ng mga salitang ito ng Panginoon nilang Diyos, na ipinahatid sa kanya ng Panginoon nilang Diyos sa kanila,
2 ay sinabi kay Jeremias nina Azarias na anak ni Hoshaias, Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga walang-galang na lalaki, “Nagsisinungaling ka. Hindi ka sinugo ng Panginoon nating Diyos upang sabihing, ‘Huwag kayong pumunta sa Ehipto upang manirahan doon;’
3 kundi inilagay ka ni Baruc na anak ni Nerias laban sa amin, upang ibigay kami sa kamay ng mga Caldeo, upang mapatay nila kami o dalhin kaming bihag sa Babilonia.”
4 Sa gayo'y si Johanan na anak ni Carea, pati ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal, at ang buong bayan ay hindi sumunod sa tinig ng Panginoon na manatili sa lupain ng Juda.
5 Kundi(A) kinuha ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal ang lahat ng nalabi ng Juda na bumalik upang manirahan sa lupain ng Juda mula sa lahat ng mga bansa na pinagtabuyan sa kanila—
6 ang mga lalaki, mga babae, mga bata, ang mga prinsesa, at bawat taong iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay kay Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan; pati si Jeremias na propeta, at si Baruc na anak ni Nerias.
7 At sila'y dumating sa lupain ng Ehipto sapagkat hindi nila sinunod ang tinig ng Panginoon. At sila'y dumating sa Tafnes.
8 Pagkatapos ay dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias sa Tafnes, na sinasabi,
9 “Maglagay ka ng malalaking bato sa iyong kamay, at ikubli mo ang mga iyon sa argamasa sa daanang papasok sa palasyo ni Faraon sa Tafnes, sa paningin ng mga taga-Juda;
10 at sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking isusugo at kukunin si Nebukadnezar na hari ng Babilonia na aking lingkod, at aking ilalagay ang kanyang trono sa mga batong ito na aking ikinubli; at kanyang ilaladlad ang kanyang talukbong sa ibabaw nito.
11 Siya'y darating at kanyang sasaktan ang lupain ng Ehipto na ibibigay sa kamatayan ang mga itinakda sa kamatayan, sa pagkabihag ang mga itinakda sa pagkabihag, at sa tabak ang mga itinakda sa tabak.
12 Ako'y magpapaningas ng apoy sa templo ng mga diyos ng Ehipto at kanyang susunugin ang mga iyon at dadalhing bihag. Kanyang babalutin ang lupain ng Ehipto na gaya ng pastol na binabalot ang sarili ng kanyang balabal, at siya'y payapang aalis mula roon.
13 Kanyang babaliin ang matatayog na haligi ng Bet-shemes[a] na nasa lupain ng Ehipto, at ang mga templo ng mga diyos ng Ehipto ay kanyang susunugin ng apoy.’”
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
19 Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan,
at ang mga gawa ng kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan.
2 Sa araw-araw ay nagsasalita,
at gabi-gabi ay nagpapahayag ng kaalaman.
3 Walang pananalita o mga salita man;
ang kanilang tinig ay hindi narinig.
4 Ngunit(A) lumalaganap sa buong lupa ang kanilang tinig,
at ang kanilang mga salita ay hanggang sa dulo ng daigdig.
Sa kanila ay naglagay siya ng tolda para sa araw,
5 na dumarating na gaya ng kasintahang lalaki na papalabas sa kanyang silid,
at nagagalak gaya ng malakas na tao na tumatakbo sa takbuhan.
6 Ang kanyang pagsikat ay mula sa dulo ng mga langit,
at sa mga dulo niyon ay ang kanyang pagligid,
at walang bagay na nakukubli sa kanyang init.
Ang Kautusan ng Diyos
7 Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,
na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng Panginoon ay tiyak,
na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng Panginoon ay dalisay,
na nagpapaliwanag ng mga mata.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis,
na nananatili magpakailanman:
ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo
at lubos na makatuwiran.
10 Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot
at sa pulot-pukyutang tumutulo.
11 Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila;
sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala.
12 Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian?
Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman.
13 Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala.
Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin!
Kung gayo'y magiging matuwid ako,
at magiging walang sala sa malaking paglabag.
14 Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso
ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo,
O Panginoon, ang aking malaking bato at manunubos ko.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001