M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagpasiya ang Bayan na Parusahan ang mga Nagkasala
20 Nang magkagayo'y lumabas ang lahat ng mga anak ni Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, at ang kapulungan ay nagtipon sa Panginoon gaya ng isang tao sa Mizpa, kabilang ang lupain ng Gilead.
2 Ang mga pinuno ng buong bayan, ang lahat ng mga lipi ng Israel ay humarap sa kapulungan ng bayan ng Diyos, na apatnaraang libong lalaki na humahawak ng tabak.
3 (Nabalitaan ng mga anak ni Benjamin na umahon ang mga anak ni Israel sa Mizpa.) At sinabi ng mga anak ni Israel, “Sabihin ninyo sa amin kung paanong ang kasamaang ito ay nangyari?”
4 Ang Levita na asawa ng babaing pinatay ay sumagot at kanyang sinabi, “Ako at ang aking asawang-lingkod ay dumating sa Gibea na sakop ng Benjamin upang magpalipas ng gabi.
5 Bumangon ang mga lalaki sa Gibea laban sa akin, at kinubkob ang bahay sa palibot laban sa akin nang kinagabihan. Ako'y kanilang pinag-isipang patayin, at kanilang hinalay ang aking asawang-lingkod, at siya'y namatay.
6 Kaya't aking kinuha ang aking asawang-lingkod at aking pinagputul-putol, at ipinadala ko sa buong lupain ng mana ng Israel, sapagkat sila'y gumawa ng karumaldumal at ng kahalayan sa Israel.
7 Kaya't ngayon, kayong mga anak ni Israel, kayong lahat, ibigay ninyo rito ang inyong payo at pasiya rito.”
8 At ang buong bayan ay tumindig na parang isang tao na nagsasabi, “Hindi babalik ang sinuman sa amin sa kanyang tolda, ni uuwi man ang sinuman sa amin sa kanyang bahay.
9 Kundi ngayo'y ito ang aming gagawin sa Gibea; aahon kami laban sa kanya sa pamamagitan ng palabunutan.
10 Kukuha kami ng sampung lalaki sa isandaan, sa lahat ng mga lipi ng Israel, at isandaan sa bawat isang libo, at isang libo sa bawat sampung libo, upang ipagbaon ng pagkain ang taong-bayan, upang sa kanilang pagtungo ay pagbayarin nila ang Gibea ng Benjamin ayon sa lahat ng kahihiyan na kanilang ginawa sa Israel.”
11 Sa gayo'y nagtipon ang lahat ng mga lalaki ng Israel laban sa lunsod na iyon, na nagkakaisang parang isang tao.
12 At nagsugo ang mga lipi ng Israel ng mga lalaki sa buong lipi ng Benjamin, na sinasabi, “Anong kasamaan ito na nangyari sa gitna ninyo?
13 Ngayon nga'y ibigay ninyo ang mga lalaki, ang masasamang tao na nasa Gibea upang aming patayin sila, at alisin ang kasamaan sa Israel.” Ngunit hindi pinakinggan ng mga anak ni Benjamin ang tinig ng kanilang mga kapatid na mga anak ni Israel.
14 Nagtipon ang mga anak ni Benjamin sa mga lunsod na patungo sa Gibea upang lumabas sa pakikidigma laban sa mga anak ni Israel.
15 Ang mga anak ni Benjamin ay bumilang nang araw na iyon sa kanilang mga bayan, ng dalawampu't anim na libong lalaki na humahawak ng tabak, bukod pa ang mga naninirahan sa Gibea na bumilang ng pitong daang piling lalaki.
16 Sa kabuuan ng hukbong ito ay may pitong daang piling lalaki na kaliwete; na bawat isa'y nakakapaghagis ng bato sa isang buhok, at hindi sumasala.
17 Ang mga lalaki sa Israel, bukod pa ang sa Benjamin, ay nakabilang ng apatnaraang libong lalaki na humahawak ng tabak; lahat ng mga ito ay mga lalaking mandirigma.
18 At ang mga anak ni Israel ay umahon sa Bethel upang sumangguni sa Diyos; at kanilang sinabi, “Sino ang unang aahon sa amin upang makipaglaban sa mga anak ni Benjamin?” At sinabi ng Panginoon, “Ang Juda ang unang aahon.”
19 Kinaumagahan, bumangon ang mga anak ni Israel, at nagkampo sa tapat ng Gibea.
20 Lumabas ang mga lalaki ng Israel upang makipaglaban sa Benjamin; at humanay ang mga lalaki ng Israel sa Gibea, sa pakikipaglaban sa kanila.
21 Lumabas ang mga anak ni Benjamin sa Gibea at ang napatay sa mga Israelita sa araw na iyon ay dalawampu't dalawang libong lalaki.
22 Ngunit ang bayan, ang mga lalaki ng Israel ay nagpakatapang, at muling humanay sa pakikipaglaban sa dakong pinagtipunan nila nang unang araw.
23 At umahon ang mga anak ni Israel, at umiyak sa harap ng Panginoon hanggang sa kinahapunan. Sila'y sumangguni sa Panginoon, na sinasabi “Lalapit ba uli ako upang makipaglaban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid?” At sinabi ng Panginoon, “Umahon ka laban sa kanila.”
24 Kaya't muling sumalakay ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikalawang araw.
25 At lumabas ang Benjamin sa Gibea laban sa kanila nang ikalawang araw, at nakapatay muli sa mga anak ni Israel ng labingwalong libong lalaki; lahat ng mga ito ay may sandata.
26 Nang magkagayo'y umahon ang lahat ng mga anak ni Israel, ang buong bayan, bumalik sa Bethel, umiyak, at umupo roon sa harap ng Panginoon. Nag-ayuno nang araw na iyon hanggang sa gabi. Sila'y naghandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan sa harap ng Panginoon.
27 At itinanong ng mga anak ni Israel sa Panginoon (sapagkat ang kaban ng tipan ng Diyos ay naroon nang mga araw na iyon,
28 at si Finehas na anak ni Eleazar na anak ni Aaron, ang naglilingkod nang mga araw na iyon,) na sinasabi, “Lalabas ba akong muli upang makipaglaban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid, o titigil na ako?” At sinabi ng Panginoon, “Umahon ka, sapagkat bukas ay ibibigay ko siya sa iyong kamay.”
29 Kaya't ang Israel ay naglagay ng mananambang sa buong palibot ng Gibea.
30 At umahon ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikatlong araw, at humanay laban sa Gibea, gaya ng dati.
31 Nilabanan ng mga anak ni Benjamin ang taong-bayan, at sila'y inilayo sa lunsod. Gaya ng dati, kanilang pinasimulang saktan ang taong-bayan sa mga pangunahing lansangan, na ang isa'y paahon sa Bethel, at ang isa'y sa Gibea, gayundin sa parang at nakapatay ng halos tatlumpung lalaki ng Israel.
32 At inakala ng mga anak ni Benjamin, “Sila'y nagapi sa harapan natin, gaya ng una.” Ngunit sinabi ng mga anak ni Israel, “Tayo'y tumakas at ilayo natin sila mula sa bayan patungo sa mga lansangan.”
33 Ang malaking bahagi ng mga Israelita ay umatras patungo sa Baal-tamar samantalang ang mga Israelita na nakaabang ay lumabas mula sa kanilang lugar, sa kanluran ng Geba.
34 At dumating laban sa Gibea ang sampung libong piling lalaki ng Israel, at ang paglalaban ay tumindi, ngunit hindi nalalaman ng mga Benjaminita na ang kapahamakan ay malapit na sa kanila.
35 Ginapi ng Panginoon ang Benjamin sa harap ng Israel; at ang pinatay ng mga anak ni Israel sa Benjamin nang araw na iyon ay dalawampu't limang libo at isandaang lalaki. Lahat ng mga ito ay may sandata.
Ang Benjamin ay Tinalo
36 Sa gayo'y nakita ng mga anak ni Benjamin na sila'y nagapi. Binigyang kaluwagan ng mga lalaki ng Israel ang Benjamin, sapagkat sila'y umaasa sa mga nakaabang na kanilang inilagay laban sa Gibea.
37 Mabilis na sumalakay ang mga nag-aabang sa Gibea at pinagtataga ang lahat ng tao sa lunsod.
38 Nagkaroon ng kasunduan ang mga anak ng Israel at ang mga nakaabang, na kapag sila'y nagpailanglang ng makapal na usok mula sa bayan,
39 ang mga lalaki ng Israel ay dapat humarap para sa pakikipaglaban. Noon ay pinasisimulan nang saktan at patayin ng Benjamin ang may tatlumpung lalaki ng Israel. At kanilang sinabi, “Tiyak na sila'y natalo sa harap natin gaya nang unang pakikipaglaban.”
40 Ngunit nang ang hudyat na haliging usok ay magpasimulang pumailanglang mula sa bayan, ang mga Benjaminita ay lumingon sa likuran nila, at nakita nila na ang buong bayan ay nasusunog hanggang sa langit.
41 Humarap ang mga lalaki ng Israel, at ang mga lalaki ng Benjamin ay natakot, sapagkat kanilang nakita na ang kasamaan ay malapit na sa kanila.
42 Kaya't sila'y tumalikod papalayo sa mga lalaki ng Israel patungo sa ilang; ngunit inabutan sila ng labanan at ang mga lumabas sa mga bayan ang lumipol sa kanila sa gitna ng ilang.
43 Kanilang pinalibutan ang mga Benjaminita at kanilang hinabol at kanilang inabutan sa pahingang dako hanggang sa tapat ng Gibea, sa dakong sinisikatan ng araw.
44 At ang napatay sa Benjamin ay labingwalong libong lalaki; lahat ng mga ito ay mga matatapang na mga mandirigma.
45 Nang sila'y lumiko at tumakas sa dakong ilang sa bato ng Rimon limang libong lalaki sa kanila ang napatay sa mga pangunahing lansangan at sila'y hinabol hanggang sa Gidom, at napatay sa kanila ang dalawang libong lalaki.
46 Kaya't lahat ng napatay nang araw na iyon sa Benjamin ay dalawampu't limang libong lalaki na may sandata; lahat ng mga ito ay mga matatapang na mandirigma.
47 Ngunit animnaraang lalaki ang bumalik at tumakas sa dakong ilang sa bato ng Rimon, at nanatili sa bato ng Rimon sa loob ng apat na buwan.
48 Binalikan ng mga lalaki ng Israel ang mga anak ni Benjamin at sila'y pinagtataga, ang buong lunsod, ang mga tao, ang kawan, at ang lahat ng kanilang natagpuan. Bukod dito'y ang lahat ng mga bayan na kanilang natagpuan ay kanilang sinunog.
Ang Paratang ng mga Judio kay Pablo
24 Pagkaraan ng limang araw, ang pinakapunong pari na si Ananias ay lumusong na kasama ang ilang matatanda, at ang isang Tertulio na tagapagsalita na siyang nagharap ng sakdal sa gobernador laban kay Pablo.
2 Nang si Pablo[a] ay tawagin, sinimulan siyang paratangan ni Tertulio, na sinasabi,
“Kagalang-galang na Felix, yamang dahil sa iyo'y nagtamo kami ng matagal na kapayapaan, at dumating ang mga pagbabago sa bansang ito dahil sa iyong pagtanaw sa hinaharap.
3 Kinikilala namin ito sa lahat ng mga paraan at sa lahat ng mga dako, na may lubos na pasasalamat.
4 Ngunit upang hindi na kayo maabala pa, hinihiling ko sa iyo sa iyong kagandahang-loob na pakinggan mo kami ng ilang sandali.
5 Natagpuan namin na ang taong ito'y mapanligalig at mapag-udyok ng kaguluhan sa lahat ng mga Judio sa buong daigdig, at isang pinuno sa sekta ng mga Nazareno.
6 Nagtangka pa siya na lapastanganin ang templo ngunit dinakip namin siya.[b]
[7 Ngunit dumating ang pangulong pinunong si Lisias at sapilitang inagaw siya sa aming mga kamay, at inutusan ang mga nagbintang sa kanya na humarap sa inyo.]
8 Sa pamamagitan ng pagsisiyasat ninyo mismo sa kanya, ang lahat ng mga bagay na ito na isinasakdal namin laban sa kanya ay malalaman ninyo mula sa kanya.”
9 At ang mga Judio ay nakisama rin sa pagsasakdal, na sinasabing ang lahat ng mga ito ay totoo.
Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Felix
10 Nang siya'y hudyatan ng gobernador upang magsalita, si Pablo ay sumagot:
“Yamang nalalaman ko na ikaw ay naging hukom sa loob ng maraming mga taon sa bansang ito, ay masigla kong gagawin ang aking pagtatanggol.
11 Tulad ng nalalaman mo, wala pang labindalawang araw buhat nang ako'y pumunta sa Jerusalem upang sumamba.
12 Hindi nila ako natagpuang nakikipagtalo sa kanino o kaya'y nanggugulo sa maraming tao sa templo man o sa mga sinagoga, ni sa lunsod,
13 ni hindi rin nila mapapatunayan sa iyo ang mga bagay na ngayo'y kanilang ibinibintang sa akin.
14 Ngunit ito ang inaamin ko sa iyo, na ayon sa Daan, na kanilang tinatawag na sekta, ay sinasamba ko ang Diyos ng aming mga ninuno, na pinaniniwalaan ang lahat ng bagay na alinsunod sa kautusan o nasusulat sa mga propeta.
15 Ako'y may pag-asa sa Diyos, na siya rin namang inaasahan nila, na magkakaroon ng muling pagkabuhay ng mga matuwid at ng mga hindi matuwid.
16 Dahil dito'y lagi akong nagsisikap na magkaroon ng isang malinis na budhi sa Diyos at sa mga tao.
17 Nang(A) makaraan ang ilang taon ay naparito ako upang magdala sa aking bansa ng mga limos at mag-alay ng mga handog.
18 Samantalang ginagawa ko ito, natagpuan nila ako sa templo na ginagawa ang rituwal ng paglilinis, na walang maraming tao ni kaguluhan.
19 Ngunit may ilang Judio roon na galing sa Asia—na dapat naririto sa harapan mo at magsakdal, kung mayroon silang anumang laban sa akin.
20 O kaya'y hayaan ang mga tao ring ito na magsabi kung anong masamang gawa ang natagpuan nila nang ako'y tumayo sa harapan ng Sanhedrin,
21 maliban(B) sa isang bagay na ito na aking isinigaw habang nakatayo sa gitna nila, ‘Tungkol sa pagkabuhay ng mga patay ako'y nililitis sa harapan mo sa araw na ito.’”
22 Ngunit si Felix, na may wastong kaalaman tungkol sa Daan, ay ipinagpaliban ang pagdinig, na sinasabi, “Paglusong ni Lisias na punong kapitan, magpapasiya ako tungkol sa inyong usapin.”
23 At iniutos niya sa senturion na siya'y bantayan at bigyan ng kaunting kalayaan at huwag pagbawalan ang kanyang mga kaibigan na tulungan siya sa kanyang mga pangangailangan.
Iniharap si Pablo kina Felix at Drusila
24 Pagkaraan ng ilang mga araw, si Felix ay dumating na kasama si Drusila na kanyang asawa, na isang Judio, at ipinatawag si Pablo, at siya'y pinakinggang magsalita tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus.
25 Samantalang tinatalakay niya ang tungkol sa katuwiran, pagpipigil sa sarili, at sa paghuhukom na darating, nangilabot si Felix at sumagot, “Umalis ka muna ngayon at kapag nagkaroon ako ng pagkakataon ay ipatatawag kita.”
26 Kanyang inaasahan din na siya'y bibigyan ni Pablo ng salapi. Kaya't madalas niyang ipinapatawag si Pablo,[c] at sa kanya'y nakikipag-usap.
27 Ngunit nang matapos na ang dalawang taon, si Felix ay pinalitan ni Porcio Festo; at sa pagnanais na gumawa ng ikasisiya ng mga Judio, ay pinabayaan ni Felix si Pablo sa bilangguan.
Mensahe para kay Zedekias
34 Ang(A) salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, nang si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, ang buo niyang hukbo, ang lahat ng kaharian sa daigdig na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan, at ang lahat ng mga bayan ay nakipaglaban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng mga lunsod nito, na sinasabi,
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Humayo ka at magsalita kay Zedekias na hari ng Juda, at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ibinibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonia, at susunugin niya ito ng apoy.
3 Hindi ka makakatakas sa kanyang kamay, kundi tiyak na mahuhuli ka at mahuhulog sa kanyang kamay. Makikita mo nang mata sa mata ang hari ng Babilonia, at makikipag-usap sa kanya nang mukhaan, at ikaw ay pupunta sa Babilonia.’
4 Gayunma'y pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O Zedekias, hari ng Juda! Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa iyo: ‘Ikaw ay hindi mamamatay sa pamamagitan ng tabak.
5 Ikaw ay payapang mamamatay. Kung paanong nagsunog ng insenso para sa iyong mga magulang na mga dating hari na una sa iyo, gayon sila magsusunog para sa iyo at kanilang tataghuyan ka, na magsasabi, “Ah panginoon!”’ Sapagkat aking sinabi ang salita, sabi ng Panginoon.”
6 Sinabi ni propeta Jeremias ang lahat ng salitang ito kay Zedekias na hari ng Juda, sa Jerusalem,
7 nang lumalaban ang hukbo ng hari ng Babilonia laban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng lunsod ng Juda na nalabi, ang Lakish at Azeka; sapagkat ang mga ito lamang ang mga nalabing mga lunsod na may kuta ng Juda.
Dinaya ang mga Alipin
8 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, pagkatapos na makipagtipan si Haring Zedekias sa lahat ng taong-bayan na nasa Jerusalem upang magpahayag sa kanila ng kalayaan,
9 na dapat palayain ng bawat isa ang kanyang aliping Hebreo, babae o lalaki, upang walang sinumang dapat umalipin sa Judio, na kanyang kapatid.
10 At ang lahat ng pinuno at ang lahat ng taong-bayan ay sumunod at nakipagtipan na bawat isa'y palalayain ang kanyang alipin, lalaki man o babae, at hindi na sila muling aalipinin, sila'y tumalima at pinalaya sila.
11 Ngunit pagkatapos ay bumalik sila, at kinuhang muli ang mga aliping lalaki at babae na kanilang pinalaya, at sila'y muling ipinailalim sa pagkaalipin bilang aliping lalaki at babae.
12 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
13 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Ako'y nakipagtipan sa inyong mga ninuno nang sila'y aking inilabas mula sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, na sinasabi,
14 ‘Sa(B) katapusan ng pitong taon ay palalayain ng bawat isa sa inyo ang kanyang kapwa Hebreo na ipinagbili sa iyo, at naglingkod sa iyo ng anim na taon; dapat mo siyang palayain sa paglilingkod sa iyo.’ Ngunit ang inyong mga ninuno ay hindi nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pandinig sa akin.
15 Kamakailan lamang ay nagsisi kayo at ginawa ang matuwid sa aking mga mata sa paghahayag ng kalayaan, bawat tao sa kanyang kapwa. At kayo'y nakipagtipan sa harapan ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan.
16 Ngunit kayo'y tumalikod at nilapastangan ang aking pangalan nang kuning muli ng bawat isa sa inyo ang kanyang aliping lalaki at babae na inyong pinalaya sa kanilang nais, at sila'y inyong ipinailalim upang inyong maging mga aliping lalaki at aliping babae.
17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: Kayo'y hindi sumunod sa akin sa pagpapahayag ng kalayaan, bawat isa sa kanyang kapatid at sa kanyang kapwa. Narito, ako'y nagpapahayag sa inyo ng kalayaan tungo sa tabak, sa salot, at sa taggutom, sabi ng Panginoon. Gagawin ko kayong isang katatakutan sa lahat ng mga kaharian sa daigdig.
18 At ang mga lalaking sumuway sa aking tipan, at hindi tumupad sa mga salita ng tipan na kanilang ginawa sa harapan ko ay gagawin kong gaya ng guya na kanilang hinahati sa dalawa at pinadaraan sa pagitan ng mga bahagi nito—
19 ang mga pinuno ng Juda, ng Jerusalem, mga eunuko, ang mga pari, at ang lahat ng taong-bayan ng lupain na dumaan sa pagitan ng mga bahagi ng guya
20 ay ibibigay ko sa kanilang mga kaaway at sa mga tumutugis sa kanilang buhay. Ang kanilang mga bangkay ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid at ng mga hayop sa lupa.
21 Si Zedekias na hari ng Juda at ang kanyang mga pinuno ay ibibigay ko sa kanilang mga kaaway, sa mga tumutugis sa kanilang buhay, at sa hukbo ng hari ng Babilonia na umurong na sa inyo.
22 Ako'y mag-uutos, sabi ng Panginoon, at ibabalik ko sila sa lunsod na ito; at ito'y kanilang lalabanan, sasakupin, at kanilang susunugin ng apoy. Gagawin kong sira at walang naninirahan ang mga bayan ng Juda.”
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.
5 Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
pakinggan mo ang aking panaghoy.
2 Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
hari ko at Diyos ko;
sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
3 O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.
4 Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
5 Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
6 Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
7 Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
8 Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
dahil sa aking mga kaaway;
tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.
9 Sapagkat(A) walang katotohanan sa kanilang bibig;
ang kanilang puso ay pagkawasak,
ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan,
sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang.
10 O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala,
sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila,
dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin,
sapagkat silang laban sa iyo ay suwail.
11 Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo,
hayaan mo silang umawit sa kagalakan
at sila nawa'y ipagsanggalang mo,
upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo.
12 O Panginoon, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat,
na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap.
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas; ayon sa Sheminith. Awit ni David.
6 O(B) Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan,
ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man.
2 Maawa ka sa akin, O Panginoon; sapagkat ako'y nanghihina;
O Panginoon, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto.
3 Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam.
Ngunit ikaw, O Panginoon, hanggang kailan?
4 Bumalik ka, O Panginoon, iligtas mo ang aking buhay;
iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal.
5 Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala;
sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa?
6 Sa aking pagdaing ako ay napapagod na,
bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan,
dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.
7 Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto,
ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko.
8 Lumayo(C) kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.
9 Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
tinatanggap ng Panginoon ang aking panalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam;
sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001