Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ruth 2

Si Ruth ay Namulot sa Bukid ni Boaz

Si Naomi ay may kamag-anak sa panig ng kanyang asawa, isang lalaking mayaman mula sa angkan ni Elimelec na ang pangalan ay Boaz.

Sinabi(A) ni Ruth na Moabita kay Naomi, “Hayaan mo ako ngayong pumunta sa bukid, at mamulot ng mga uhay sa hulihan ng taong magpapahintulot sa akin”.[a] Sinabi niya sa kanya, “Humayo ka, anak ko.”

Kaya't siya'y umalis. Siya'y dumating, at namulot sa bukid sa likuran ng mga nag-aani. Nagkataong nakarating siya sa bahagi ng lupa na pag-aari ni Boaz, na kabilang sa angkan ni Elimelec.

At narito, si Boaz ay nakarating mula sa Bethlehem, at sinabi niya sa mga nag-aani, “Ang Panginoon ay sumainyo!” At sila'y sumagot, “Pagpalain ka nawa ng Panginoon.”

Pagkatapos ay sinabi ni Boaz sa kanyang lingkod na kanyang tagapamahala sa mga nag-aani, “Kaninong dalaga ito?”

Ang lingkod na tagapamahala sa mga nag-aani ay sumagot, “Siya'y babaing Moabita na bumalik na kasama ni Naomi mula sa lupain ng Moab.

Kanyang sinabi, ‘Ipinapakiusap ko na pamulutin at pagtipunin mo ako sa gitna ng mga bigkis sa likuran ng mga nag-aani.’ Sa gayo'y pumaroon siya at nagpatuloy, mula sa umaga hanggang ngayon, na hindi nagpapahinga kahit na sandali.”

Si Boaz ay Naging Mabuti kay Ruth

Nang magkagayo'y sinabi ni Boaz kay Ruth, “Makinig kang mabuti, anak ko. Huwag kang mamulot sa ibang bukid, o umalis dito, kundi manatili kang malapit sa aking mga alilang babae.

Itanaw mo ang iyong paningin sa bukid na kanilang inaanihan, at sumunod ka sa kanila. Inutusan ko na ang mga kabataang lalaki na huwag ka nilang gagambalain. At kapag ikaw ay nauuhaw, pumunta ka sa mga banga, at uminom ka sa inigib ng mga kabataang lalaki.”

10 Nang magkagayo'y nagpatirapa si Ruth[b] at yumukod sa lupa, at nagsabi sa kanya, “Bakit ako nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin upang ako'y iyong pansinin, gayong ako'y isang dayuhan?”

11 Ngunit sinabi ni Boaz sa kanya, “Ipinaalam sa akin ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula sa pagkamatay ng iyong asawa, at kung paanong iyong iniwan ang iyong ama at iyong ina, at ang lupang sinilangan mo, at ikaw ay pumarito sa bayan na hindi mo nalalaman noon.

12 Gantihan nawa ng Panginoon ang iyong ginawa, at bigyan ka nawa ng lubos na gantimpala ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sa ilalim ng kanyang mga pakpak ikaw ay nanganlong.”

13 Nang magkagayo'y kanyang sinabi, “Makatagpo nawa ako ng biyaya sa iyong paningin, panginoon ko; sapagkat ako'y iyong inaliw at may kabaitang pinagsalitaan mo ang iyong lingkod, bagaman ako'y hindi isa sa iyong mga alila.”

14 Sa oras ng pagkain ay sinabi ni Boaz sa kanya, “Halika, at kumain ka ng tinapay. Isawsaw mo sa suka ang iyong tinapay.” Siya nga'y umupo sa tabi ng mga nag-aani at iniabot niya sa kanya ang sinangag na trigo, siya'y kumain, nabusog, at mayroon pa siyang hindi naubos.

15 Nang siya'y tumindig upang mamulot ng inani, iniutos ni Boaz sa kanyang mga lingkod, “Pamulutin ninyo siya hanggang sa gitna ng mga bigkis, at huwag ninyo siyang pagbawalan.

16 Ihugot din ninyo siya ng ilan sa mga bigkis, at iwan ninyo upang kanyang pulutin, at huwag ninyo siyang sawayin.”

17 Sa gayo'y namulot siya sa bukid hanggang sa paglubog ng araw. Nang kanyang giikin ang kanyang mga napulot, iyon ay halos isang efa ng sebada.

18 Kanyang dinala ito at siya'y pumunta sa lunsod; at nakita ng kanyang biyenan ang kanyang mga pinulot. Inilabas rin niya at ibinigay sa kanyang biyenan ang pagkaing lumabis sa kanya pagkatapos na siya'y nabusog.

19 Sinabi ng kanyang biyenan sa kanya, “Saan ka namulot ngayon? At saan ka nagtrabaho? Pagpalain nawa ang taong nagmagandang-loob sa iyo.” Kaya't sinabi niya sa kanyang biyenan kung kanino siya nagtrabaho, “Ang pangalan ng taong pinagtrabahuhan ko ngayon ay Boaz.”

20 Sinabi(B) ni Naomi sa kanyang manugang, “Pagpalain nawa siya ng Panginoon, na hindi ipinagkait ang kanyang kagandahang-loob sa mga buháy at sa mga patay.” At sinabi sa kanya ni Naomi, “Ang lalaking iyon ay isa nating kamag-anak, isa sa pinakamalapit nating kamag-anak.”

21 Sinabi ni Ruth na Moabita, “Bukod pa rito sinabi niya sa akin, ‘Ikaw ay manatiling malapit sa aking mga lingkod hanggang sa kanilang matapos ang aking ani.’”

22 Sinabi ni Naomi kay Ruth na kanyang manugang, “Mabuti, anak ko, na ikaw ay lumabas na kasama ng kanyang mga alilang babae. Baka gawan ka ng hindi mabuti sa ibang bukid.”

23 Sa gayo'y nanatili siyang malapit sa mga alilang babae ni Boaz, upang mamulot hanggang sa katapusan ng pag-aani ng sebada at pag-aani ng trigo; at siya'y nanirahang kasama ng kanyang biyenan.

Mga Gawa 27

Naglayag si Pablo Patungong Roma

27 Nang ipasiya na kami ay maglalayag patungo sa Italia, inilipat nila si Pablo at ang iba pang bilanggo sa senturion na ang pangalan ay Julio, mula sa mga kawal ni Augusto.

Pagkalulan sa isang barkong Adrameto na maglalayag sa mga daungan sa baybayin ng Asia, tumulak kami kasama si Aristarco na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica.

Nang sumunod na araw ay dumaong kami sa Sidon; at pinakitunguhang mabuti ni Julio si Pablo at pinahintulutan siyang pumaroon sa kanyang mga kaibigan upang siya'y matulungan.

Nang kami'y tumulak buhat doon, naglayag kami na nanganganlong sa Cyprus, sapagkat pasalungat sa amin ang hangin.

Pagkatapos na makapaglayag kami sa kabila ng dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, nakarating kami sa Mira ng Licia.

Nakatagpo roon ang senturion ng isang barkong Alejandria na naglalayag patungo sa Italia at pinasakay niya kami roon.

Marahan kaming naglayag nang maraming araw at may kahirapan kaming nakarating sa tapat ng Cnido. Nang hindi kami pinahintulutan ng hanging makasulong pa, naglayag kami na nanganganlong sa Creta, sa tapat ng Salmone.

Sa pamamaybay namin dito na may kahirapan ay nakarating kami sa isang lugar na tinatawag na Mabubuting Daungan, malapit sa lunsod ng Lasea.

Yamang maraming panahon na ang nawala at ang paglalayag ay mapanganib na, sapagkat maging ang pag-aayuno ay nakalampas na, ay pinayuhan sila ni Pablo,

10 na sinasabi, “Mga ginoo, nakikita ko na ang paglalayag na ito ay makakapinsala at magiging malaking kapahamakan, hindi lamang sa kargamento at sa barko, kundi pati na rin sa ating mga buhay.”

11 Ngunit higit na pinaniwalaan ng senturion ang kapitan at ang may-ari ng barko, kaysa mga bagay na sinabi ni Pablo.

12 Sapagkat hindi bagay hintuan sa tagginaw ang daungan, ipinayo ng karamihan na tumulak mula roon at baka sakaling makarating sila sa Fenix at magpalipas ng taglamig doon. Ito ay daungan ng Creta na nasa dakong hilagang-silangan at timog-silangan.

Bumagyo sa Dagat

13 Nang marahang humihip ang hanging habagat, na inakala nilang maisasagawa nila ang kanilang layunin; kaya itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta.

14 Subalit hindi nagtagal at bumulusok ang isang maunos na hangin na tinatawag na Euraclidon.

15 Yamang inabutan ang barko at hindi makasalungat sa hangin, nagpadala na lamang kami at kami'y ipinadpad.

16 Sa paglalayag na nanganganlong sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, ay bahagya naming napatakbo ang bangka.

17 Nang maitaas na ito, gumawa sila ng paraan upang matalian ng lubid ang barko. Dahil sa takot na baka sila mapapadpad sa Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayo'y naanod sila.

18 Kami ay binabayo ng malakas na bagyo, kaya't nang sumunod na araw ay nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat.

19 Nang ikatlong araw ay kanilang ipinagtatapon ang mga kasangkapan ng barko.

20 Nang hindi sumikat sa amin ang araw ni ang mga bituin man nang maraming araw, at humahampas pa rin sa amin ang isang malakas na bagyo, nawala ang buong pag-asa naming makakaligtas.

21 Sapagkat matagal na silang hindi kumakain, tumayo si Pablo sa gitna nila, at sinabi, “Mga ginoo, nakinig sana kayo sa akin, at hindi naglayag mula sa Creta, at naiwasan ang kapinsalaan at kapahamakang ito.

22 Ngayon ay ipinapakiusap ko sa inyo na inyong lakasan ang inyong loob sapagkat walang buhay na mapapahamak sa inyo, kundi ang barko lamang.

23 Sapagkat sa gabing ito ay tumayo sa tabi ko ang isang anghel ng Diyos na nagmamay-ari sa akin, at siya ko namang pinaglilingkuran,

24 na nagsasabi, ‘Huwag kang matakot, Pablo. Kailangan mong humarap kay Cesar. At tunay na ipinagkaloob ng Diyos ang kaligtasan sa lahat ng kasama mo sa paglalayag.’

25 Kaya, mga ginoo, lakasan ninyo ang inyong loob, sapagkat ako'y sumasampalataya sa Diyos na mangyayari ito ayon sa sinabi sa akin.

26 Subalit tayo'y kailangang mapadpad sa isang pulo.”

27 Nang dumating ang ikalabing-apat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa kabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating-gabi na ay inakala ng mga mandaragat na sila'y papalapit na sa lupa.

28 Nang kanilang tarukin ay nalamang dalawampung dipa; at pagkasulong ng kaunti ay tinarok nilang muli at nalamang may labinlimang dipa.

29 Sa takot naming mapapadpad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan at nanalanging mag-umaga na.

30 Subalit nang magtangka ang mga mandaragat na makaalis sa barko at ibinaba ang bangka sa dagat, na ang idinadahilan ay maghuhulog sila ng mga angkla sa unahan,

31 ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, “Malibang manatili ang mga taong ito sa barko, kayo'y hindi makakaligtas.”

32 Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog.

33 Nang mag-uumaga na, hinimok silang lahat ni Pablo na kumain, na sinasabi, “Ang araw na ito ang ikalabing-apat na araw na kayo'y naghihintay na walang kinakaing anuman.

34 Kaya't ipinapakiusap ko sa inyo na kayo'y kumain; ito ay para sa inyong kaligtasan, sapagkat hindi malalaglag kahit ang isang buhok sa ulo ng sinuman sa inyo.”

35 Nang masabi na niya ito, at makakuha ng tinapay, ay nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Ito'y kanyang pinagputul-putol at nagsimulang kumain.

36 Nang magkagayo'y lumakas ang loob ng lahat, at sila nama'y kumain din.

37 Kaming lahat na nasa barko ay dalawandaan at pitumpu't anim na kaluluwa.

38 Nang makakain na sila nang sapat, pinagaan nila ang barko sa pamamagitan ng pagtatapon ng trigo sa dagat.

Nagpatuloy ang Barko

39 Nang mag-umaga na, hindi nila napansin ang lupa, ngunit nababanaagan nila ang isang look na may baybayin, at sila'y nagbalak na maisadsad doon ang barko.

40 Inihulog nila ang mga angkla at kanilang iniwan iyon sa dagat samantalang kinakalag ang mga tali ng mga ugit. Nang maitaas na nila sa hangin ang layag sa unahan ay nagtungo sila sa baybayin.

41 Ngunit pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, ay kanilang isinadsad ang barko at ang unahan ng barko ay hindi nakaalis at nanatiling hindi kumikilos, at ang hulihan ay winasak ng lakas ng mga alon.

42 Ang balak ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo upang ang sinuma'y hindi makalangoy at makatakas.

43 Sa pagnanais na iligtas si Pablo, pinigil sila ng senturion sa kanilang balak. Ipinag-utos niya na ang mga marunong lumangoy ay tumalon, at mauna na sa lupa;

44 at ang mga naiwan ay sumunod, ang ilan ay sa ibabaw ng mga kahoy, at ang iba ay sa bahagi ng barko. Sa gayon ang lahat ay ligtas na nakarating sa lupa.

Jeremias 37

Pakiusap ni Zedekias kay Jeremias

37 Si(A) Zedekias na anak ni Josias na ginawang hari sa lupain ng Juda ni Haring Nebukadnezar ng Babilonia, ay naghari sa halip na si Conias na anak ni Jehoiakim.

Ngunit siya, ang kanyang mga lingkod, at ang mamamayan ng lupain ay hindi nakinig sa mga salita ng Panginoon na kanyang sinalita sa pamamagitan ni propeta Jeremias.

Sinugo ni Haring Zedekias si Jehucal na anak ni Shelemias, at si Sefanias na anak ni Maasias na pari, kay Jeremias na propeta, na sinasabi, “Idalangin mo kami sa Panginoon nating Diyos.”

Si Jeremias noon ay naglalabas-pasok pa rin sa gitna ng bayan, sapagkat hindi pa siya inilalagay sa bilangguan.

Samantala, ang hukbo ni Faraon ay lumabas sa Ehipto; at nang mabalitaan ang tungkol sa kanila ng mga Caldeo na noon ay kumukubkob sa Jerusalem, sila'y umurong mula sa Jerusalem.

Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay propeta Jeremias, na sinasabi,

“Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Ganito ang inyong sasabihin sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo sa akin upang sumangguni sa akin, ‘Ang hukbo ni Faraon na lumabas upang tulungan kayo ay pabalik na sa Ehipto na kanilang sariling lupain.

At ang mga Caldeo ay babalik upang labanan ang lunsod na ito. Ito'y kanilang sasakupin at susunugin ng apoy.

Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa pagsasabing, “Ang mga Caldeo ay tiyak na lalayo sa atin,” sapagkat hindi sila lalayo.

10 Sapagkat kahit magapi ninyo ang buong hukbo ng mga Caldeo na lumalaban sa inyo, at ang natira lamang sa kanila ay mga lalaking sugatan sa kanya-kanyang tolda, babangon sila at susunugin ng apoy ang lunsod na ito.’”

Ibinilanggo si Jeremias

11 Nangyari nang ang hukbo ng mga Caldeo ay makaurong na mula sa Jerusalem nang papalapit ang hukbo ni Faraon,

12 si Jeremias ay lumabas sa Jerusalem upang pumasok sa lupain ng Benjamin, upang tanggapin roon ang kanyang bahagi kasama ng bayan.

13 Nang siya'y nasa Pintuan ng Benjamin, isang bantay na ang pangalan ay Irias na anak ni Shelemias, na anak ni Hananias ang naroroon. Dinakip niya si propeta Jeremias, na sinasabi, “Ikaw ay papunta sa panig ng mga Caldeo.”

14 At sinabi ni Jeremias, “Kasinungalingan, hindi ako pumupunta tungo sa panig ng mga Caldeo.” Ngunit hindi siya pinakinggan ni Irias at kanyang dinakip si Jeremias at dinala sa mga pinuno.

15 Nagalit ang mga pinuno kay Jeremias at kanilang binugbog siya at ikinulong sa bahay ni Jonathan na kalihim, na ginawa na nilang bilangguan.

16 Nang si Jeremias ay makapasok sa piitang nasa ilalim ng lupa at manatili roon ng maraming araw,

17 ipinatawag siya ni Haring Zedekias at tinanggap siya. Palihim siyang tinanong ng hari sa kanyang bahay, at nagsabi, “Mayroon bang anumang salita mula sa Panginoon?” Sinabi ni Jeremias, “Mayroon.” At sinabi niya, “Ikaw ay ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia.”

18 Sinabi rin ni Jeremias kay Haring Zedekias, “Anong kasalanan ang nagawa ko laban sa iyo, sa iyong mga lingkod, o sa bayang ito upang ilagay ninyo ako sa bilangguan?

19 Nasaan ang inyong mga propeta na nagsalita ng propesiya sa inyo, na nagsasabi, ‘Ang hari ng Babilonia ay hindi darating laban sa inyo o laban man sa lupaing ito?’

20 Ngayon nga'y pakinggan mo, hinihiling ko sa iyo, O panginoon kong hari: tanggapin mo ang aking pakiusap sa harapan mo na huwag mo akong pabalikin sa bahay ni Jonathan na kalihim, baka mamatay ako roon.”

21 Kaya't nag-utos si Haring Zedekias, at kanilang dinala si Jeremias sa himpilan ng mga bantay. Kanilang binigyan siya ng isang pirasong tinapay araw-araw mula sa lansangan ng mga magtitinapay, hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod. Kaya't nanatili si Jeremias sa himpilan ng mga bantay.

Mga Awit 10

Panalangin para sa Katarungan

10 Bakit ka nakatayo sa malayo, O Panginoon?
    Bakit ka nagtatago kapag magulo ang panahon?
Sa kapalaluan ay mainit na hinahabol ng masama ang dukha;
    mahuli nawa sila sa binalangkas nilang mga pakana.

Sapagkat ipinagmamalaki ng masama ang nais ng kanyang puso,
    sinusumpa at tinatalikuran ang Panginoon ng taong sakim sa patubo.
Sa kapalaluan ng kanyang mukha, ang masama ay hindi naghahanap sa kanya;
    lahat niyang iniisip ay, “Walang Diyos.”
Ang kanyang mga lakad sa lahat ng panahon ay umuunlad,
    malayo sa kanyang paningin ang iyong mga hatol na nasa itaas;
    tungkol sa lahat niyang mga kaaway, kanyang tinutuya silang lahat.
Iniisip niya sa kanyang puso, “Hindi ako magagalaw;
    sa buong panahon ng salinlahi ay hindi ako malalagay sa kaguluhan.”
Ang(A) kanyang bibig ay punô ng pagsumpa, pang-aapi at panlilinlang,
    sa ilalim ng kanyang dila ay kalikuan at kasamaan.
Siya'y nakaupo sa mga tagong dako ng mga nayon;
    sa mga kubling dako ang walang sala ay ipinapapatay,
ang kanyang mga mata ay palihim na nagmamatyag sa walang kakayahan.
    Siya'y lihim na nagbabantay na parang leon sa kanyang lungga;
siya'y nag-aabang upang hulihin ang dukha,
    sinusunggaban niya ang dukha kapag kanyang nahuli siya sa lambat niya.

10 Siya ay gumagapang, siya'y yumuyuko,
    at ang sawing-palad ay bumabagsak sa kanyang mga kuko.
11 Sinasabi niya sa kanyang puso, “Ang Diyos ay nakalimot,
    ikinubli niya ang kanyang mukha, hindi niya ito makikita kailanman.”

12 O Panginoon, O Diyos, itaas mo ang iyong kamay, bumangon ka;
    huwag mong kalilimutan ang nagdurusa.
13 Bakit tinatalikuran ng masama ang Diyos,
    at sinasabi sa kanyang puso, “Hindi mo ako hihingan ng sulit?”

14 Iyong nakita; oo, iyong namamasdan ang kaguluhan at pagkayamot,
    upang iyong mailagay ito sa mga kamay mo;
itinalaga ng sawing-palad ang sarili sa iyo;
    sa mga ulila ikaw ay naging saklolo.

15 Baliin mo ang bisig ng masama at gumagawa ng kasamaan;
    hanapin mo ang kanyang kasamaan hanggang sa wala kang matagpuan.
16 Ang Panginoon ay hari magpakailanpaman,
    mula sa kanyang lupain ang mga bansa ay mapaparam.

17 O Panginoon, iyong maririnig ang nasa ng maamo;
    iyong palalakasin ang kanilang puso, iyong papakinggan ng iyong pandinig
18 upang ipagtanggol ang mga naaapi at ulila,
    upang hindi na makapanakot pa ang taong mula sa lupa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001