M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Josue ang Pumalit kay Moises
31 Si Moises ay nagpatuloy sa pagsasalita ng mga salitang ito sa buong Israel.
2 Kanyang(A) sinabi sa kanila, “Ako'y isandaan at dalawampung taon na sa araw na ito; hindi na ako makalalabas-pasok, at sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Huwag kang tatawid sa Jordang ito.’
3 Mauuna ang Panginoon mong Diyos at kanyang pupuksain ang mga bansang ito sa harapan mo at ito ay iyong aangkinin. Si Josue ay mauuna sa iyo gaya ng sinabi ng Panginoon.
4 Gagawin(B) sa kanila ng Panginoon ang gaya ng ginawa niya kina Sihon at Og, na mga hari ng mga Amoreo, at sa kanilang lupain na kanyang winasak.
5 Ibibigay sila ng Panginoon sa harapan mo, at iyong gagawin sa kanila ang ayon sa lahat ng utos na aking iniutos sa iyo.
6 Kayo'y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot ni masindak sa kanila sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay humahayong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan.”
7 At tinawag ni Moises si Josue at sinabi sa kanya sa paningin ng buong Israel, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; sapagkat ikaw ay maglalakbay na kasama ng bayang ito patungo sa lupaing ipinangakong ibibigay at ipapamana ng Panginoon sa kanilang mga ninuno.
8 Ang(C) Panginoon ang siyang mangunguna sa iyo. Siya'y sasaiyo, hindi ka niya iiwan, ni pababayaan; huwag kang matatakot ni manlulupaypay.”
Ang Batas ay Dapat Basahin Tuwing Ikapitong Taon
9 Isinulat ni Moises ang kautusang ito at ibinigay sa mga pari na mga anak ni Levi, na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at sa lahat ng matatanda sa Israel.
10 Iniutos(D) sa kanila ni Moises, “Sa katapusan ng bawat pitong taon, sa takdang panahon ng taon ng pagpapalaya, sa Pista ng mga Tolda,
11 kapag ang buong Israel ay haharap sa Panginoon mong Diyos sa lugar na kanyang pipiliin ay iyong babasahin ang kautusang ito sa harapan ng buong Israel sa kanilang pandinig.
12 Tipunin mo ang mamamayan, ang mga lalaki, mga babae, mga bata, mga dayuhan na nasa loob ng iyong mga bayan upang kanilang marinig at upang sila'y matutong matakot sa Panginoon mong Diyos, at isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito;
13 at upang ang kanilang mga anak na hindi nakakaalam nito ay makarinig at matutong matakot sa Panginoon ninyong Diyos, habang kayo'y nabubuhay sa lupain na inyong paroroonan na inyong tatawirin sa Jordan upang angkinin.”
Huling mga Tagubilin ng Panginoon kay Moises
14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit na ang mga araw na ikaw ay mamamatay. Tawagin mo si Josue, at humarap kayo sa toldang tipanan upang siya'y aking mapagbilinan.” Sina Moises at Josue ay humayo at humarap sa toldang tipanan.
15 Ang Panginoon ay nagpakita sa Tolda sa isang haliging ulap; ang haliging ulap ay tumayo sa pintuan ng tabernakulo.
16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ikaw ay malapit ng mamatay na kasama ng iyong mga ninuno. Ang bayang ito'y babangon at makikiapid sa mga di-kilalang diyos sa lupain na kanilang paroroonan upang makasama nila, at ako'y tatalikuran nila at sisirain ang aking tipan na aking ginawa sa kanila.
17 Kung magkagayo'y ang aking galit ay mag-aalab laban sa kanila sa araw na iyon. Pababayaan ko sila, at ikukubli ko ang aking mukha sa kanila, at sila'y sasakmalin, at maraming kasamaan at kabagabagan ang darating sa kanila. At kanilang sasabihin sa araw na iyon, ‘Hindi ba ang mga kasamaang ito ay dumating sa atin dahil sa ang ating Diyos ay wala sa gitna natin?’
18 Tiyak na ikukubli ko ang aking mukha sa araw na iyon dahil sa lahat ng kasamaang kanilang ginawa, sapagkat sila'y bumaling sa ibang mga diyos.
19 Ngayon nga'y isulat ninyo para sa inyo ang awit na ito, at ituro sa mga anak ni Israel; ilagay mo sa kanilang mga bibig upang ang awit na ito'y maging saksi sa akin laban sa mga anak ni Israel.
20 Sapagkat kapag sila'y naipasok ko na sa lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot na ipinangako sa kanilang mga ninuno at sila'y nakakain, nabusog at tumaba, ay babaling at paglilingkuran nila ang ibang mga diyos, at ako'y hahamakin nila, at sisirain ang aking tipan.
21 At kapag ang maraming kasamaan at kaguluhan ay dumating sa kanila, magpapatotoo ang awit na ito sa harapan nila bilang saksi; sapagkat hindi ito malilimutan sa mga bibig ng kanilang binhi. Sapagkat nalalaman ko ang kanilang iniisip, na kanilang binabalak gawin, bago ko sila dinala sa lupaing ipinangako kong ibibigay.”
22 Kaya't isinulat ni Moises ang awit na ito nang araw ding iyon at itinuro sa mga anak ni Israel.
23 Kanyang(E) pinagbilinan si Josue na anak ni Nun at sinabi, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; sapagkat iyong ipapasok ang mga anak ni Israel sa lupaing ipinangakong ibibigay ko sa kanila; at ako'y magiging kasama mo.”
24 Pagkatapos maisulat ni Moises ang mga salita ng kautusang ito sa isang aklat hanggang sa katapusan,
25 nag-utos si Moises sa mga Levita na may dala ng kaban ng tipan ng Panginoon,
26 “Kunin ninyo itong aklat ng kautusan at ilagay ninyo sa tabi ng kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Diyos, upang doo'y maging saksi laban sa iyo.
27 Sapagkat nalalaman ko ang inyong paghihimagsik, at ang katigasan ng inyong ulo. Habang nabubuhay pa akong kasama ninyo sa araw na ito, kayo'y naging mapaghimagsik na laban sa Panginoon at gaano pa kaya pagkamatay ko?
28 Tipunin mo ang matatanda sa iyong mga lipi at ang inyong mga pinuno upang masabi ko ang mga salitang ito sa kanilang pandinig, at tawagin ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa kanila.
29 Sapagkat alam ko na pagkamatay ko, kayo'y magiging masama at maliligaw sa daang itinuro sa inyo at ang kasamaan ay sasapit sa inyo sa mga huling araw. Sapagkat inyong gagawin ang masama sa paningin ng Panginoon, upang siya'y galitin ninyo sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay.”
Ang Awit ni Moises
30 Binigkas ni Moises ang mga salita ng awit na ito hanggang sa natapos, sa pandinig ng buong kapulungan ng Israel:
MEM.
97 O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan!
Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw.
98 Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo,
sapagkat ito'y laging kasama ko.
99 Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro,
sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo.
100 Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda,
sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita.
101 Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko,
upang aking masunod ang salita mo.
102 Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo,
sapagkat tinuruan mo ako.
103 Napakatamis ang iyong mga salita sa panlasa ko;
higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko!
104 Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan;
kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan.
NUN.
105 Ilawan sa aking mga paa ang salita mo,
at liwanag sa landas ko.
106 Ako'y sumumpa at pinagtibay ko,
na aking tutuparin ang matutuwid na mga batas mo.
107 Ako'y lubos na nagdadalamhati,
muli mo akong buhayin, O Panginoon, ayon sa iyong salita.
108 O Panginoon, ang aking handog na pagpupuri ay tanggapin mo,
at ituro mo sa akin ang mga batas mo.
109 Patuloy kong hawak sa kamay ko ang aking buhay,
gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.
110 Ang masama ay naghanda ng bitag para sa akin,
gayunma'y hindi ako lumihis sa iyong mga alituntunin.
111 Ang mga patotoo mo'y aking mana magpakailanman;
sa aking puso, ang mga ito'y kagalakan.
112 Ikiniling ko ang aking puso upang ganapin ang iyong mga batas,
magpakailanman, hanggang sa wakas.
SAMECH.
113 Kinasusuklaman ko ang mga taong may salawahang kaisipan,
ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
114 Ikaw ang aking kalasag at dakong kublihan;
ang iyong salita ang aking inaasahan.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan;
upang ang mga utos ng aking Diyos ay aking maingatan.
116 Alalayan mo ako ayon sa iyong pangako upang mabuhay ako,
at huwag mo akong hiyain sa pag-asa ko!
117 Alalayan mo ako, upang ako'y maging ligtas,
at laging magkaroon ako ng pagpapahalaga sa iyong mga batas.
118 Iyong tinatanggihan silang lahat na naliligaw sa iyong mga kautusan;
sapagkat ang kanilang katusuhan ay walang kabuluhan.
119 Inalis mo ang lahat ng masama sa lupa gaya ng basura,
kaya't iniibig ko ang iyong mga patotoo.
120 Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo;
at ako'y takot sa mga hatol mo.
Ang Tumpak na Pag-aayuno
58 “Sumigaw ka nang malakas, huwag kang magpigil,
ilakas mo ang iyong tinig na parang trumpeta;
at iyong ipahayag sa aking bayan ang kanilang pagsuway,
at sa sambahayan ni Jacob ang kanilang mga kasalanan.
2 Gayunma'y hinahanap nila ako araw-araw,
at kinalulugdan nilang malaman ang aking mga daan;
na parang sila'y isang bansa na gumawa ng kabutihan,
at ang tuntunin ng kanilang Diyos ay hindi tinalikuran;
hinihingan nila ako ng matutuwid na kahatulan,
sila'y nalulugod sa paglapit sa Diyos.
3 ‘Bakit kami ay nag-ayuno, at hindi mo nakikita?
Bakit hindi mo napapansin ang aming pagpapakumbaba?’
Sa araw ng inyong pag-aayuno ay hinahanap ninyo ang inyong sariling kalayawan,
at inyong pinahihirapan ang lahat ninyong mga manggagawa.
4 Narito, kayo'y nag-aayuno upang makipag-away at makipagtalo,
at upang manakit ng masamang kamao.
Hindi kayo nag-aayuno sa araw na ito,
upang maiparinig ang inyong tinig sa itaas.
5 Iyan ba ang ayuno na aking pinili?
Isang araw upang magpakumbaba ang tao sa kanyang sarili?
Iyon ba'y ang iyuko ang kanyang ulo na parang yantok,
at maglatag ng damit-sako at abo sa ilalim niya?
Iyo bang tatawagin ito na ayuno,
at araw na katanggap-tanggap sa Panginoon?
6 “Hindi ba ito ang ayuno na aking pinili:
na kalagin ang mga tali ng kasamaan,
na kalasin ang mga panali ng pamatok,
na palayain ang naaapi,
at baliin ang bawat pamatok?
7 Hindi(A) ba ito ay upang ibahagi ang iyong tinapay sa nagugutom,
at dalhin sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan?
Kapag nakakita ka ng hubad, iyong bihisan;
at huwag kang magkubli sa iyong sariling laman?
8 Kung magkagayo'y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga,
at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw;
at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo;
ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay sa likod.
9 Kung magkagayo'y tatawag ka at ang Panginoon ay sasagot;
ikaw ay dadaing, at siya'y magsasabi, Narito ako.
“Kung iyong alisin sa gitna mo ang pamatok,
ang pang-alipusta, at ang pagsasalita ng masama;
10 kung magmamagandang-loob ka sa gutom,
at iyong tugunin ang nais ng nagdadalamhati,
kung magkagayo'y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman,
at ang iyong kadiliman ay magiging parang katanghaliang-tapat.
11 At patuloy na papatnubayan ka ng Panginoon,
at masisiyahan ang iyong kaluluwa sa tuyong dako,
at palalakasin ang iyong mga buto;
at ikaw ay magiging parang halamanang nadilig,
at parang bukal na ang tubig ay hindi nauubos.
12 At mula sa inyo ay itatayo ang dating sirang dako;
ikaw ay magbabangon ng mga saligan ng maraming salinlahi;
at ikaw ay tatawaging tagapag-ayos ng sira,
ang tagapagsauli ng mga landas na matatahanan.
13 “Kapag iyong iurong ang iyong paa dahil sa Sabbath,
sa paggawa ng iyong kalayawan sa aking banal na araw;
at iyong tinawag ang Sabbath bilang isang kasiyahan,
at marangal ang banal na araw ng Panginoon,
at ito'y iyong pinarangalan, na hindi ka lalakad sa iyong mga sariling lakad,
ni hahanap ng iyong sariling kalayawan ni magsasalita ng iyong mga salita;
14 kung magkagayo'y malulugod ka sa Panginoon,
at pasasakayin kita sa mga matataas na dako sa lupa;
at pakakainin kita ng mana ni Jacob na iyong ama,
sapagkat sinalita ng bibig ng Panginoon.”
Turo tungkol sa Paglilimos
6 “Mag-ingat(A) kayo na huwag ninyong gawin ang inyong kabanalan sa harap ng mga tao upang makita nila. Sapagkat kung gayon, wala kayong gantimpala mula sa inyong Ama na nasa langit.
2 “Kaya, kapag ikaw ay naglilimos, huwag kang magpapatunog ng trumpeta sa harapan mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang papurihan sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
3 Ngunit kapag ikaw ay naglilimos, huwag mong hayaang malaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay,
4 upang maging lihim ang iyong paglilimos; at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.
Turo tungkol sa Pananalangin(B)
5 “At(C) kapag kayo ay nananalangin, huwag kayong maging tulad sa mga mapagkunwari; sapagkat ibig nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga lansangan upang makita sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
6 Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at pagkasara mo ng iyong pinto ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.[a]
7 “At sa pananalangin ay huwag kayong gumamit ng walang kabuluhang paulit-ulit, na tulad ng ginagawa ng mga Hentil, sapagkat inaakala nilang sila ay pakikinggan dahil sa marami nilang salita.
8 Huwag nga kayong tumulad sa kanila, sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago pa kayo humingi sa kanya.
9 Manalangin nga kayo nang ganito: Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo.
10 Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa.
11 Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.[b]
12 At patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin.
13 At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama.[c]
14 Sapagkat(D) kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din naman kayo ng inyong Ama na nasa langit.
15 Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga kasalanan.
Turo tungkol sa Pag-aayuno
16 “At kapag kayo ay nag-aayuno, huwag kayong magmukhang mapanglaw, tulad ng mga mapagkunwari, sapagkat pinasasama nila ang kanilang mga mukha upang ipakita sa mga tao ang kanilang pag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
17 Ngunit kapag nag-aayuno ka, lagyan mo ng langis ang iyong ulo, at maghilamos ka ng iyong mukha;
18 upang ang iyong pag-aayuno ay hindi makita ng mga tao, kundi ng iyong Ama na nasa lihim, at gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita ng lihim na bagay.
Ang Kayamanan sa Langit(E)
19 “Huwag(F) kayong magtipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili sa lupa, na dito ay naninira ang bukbok at ang kalawang[d] at ang mga magnanakaw ay nakakapasok at nakakapagnakaw;
20 kundi magtipon kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, na doon ang bukbok at ang kalawang ay hindi makapaninira at ang mga magnanakaw ay hindi rin makakapasok ni makakapagnakaw.
21 Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din naman ang iyong puso.
Ang Ilawan ng Katawan(G)
22 “Ang mata ang ilawan ng katawan: Kung tapat ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuno ng liwanag.
23 Ngunit kung masama ang iyong mata, ang iyong buong katawan ay magiging kadiliman. Kaya't kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, anong laki ng kadiliman!
Diyos o Kayamanan(H)
24 “Walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa; o magiging tapat siya sa isa, at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.[e]
Tungkol sa Pagkabalisa(I)
25 “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit?
26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: hindi sila naghahasik, o gumagapas, o nag-iimbak man sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit na mahalaga kayo kaysa kanila?
27 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay mapapahaba ang kanyang buhay?[f]
28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Pansinin ninyo ang mga liryo sa parang, kung paano silang lumalaki; hindi sila gumagawa o humahabi man.
29 Gayunma'y(J) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagdamit nang tulad sa isa sa mga ito.
30 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa kalan, hindi ba lalo niya kayong bibihisan, O kayong maliliit ang pananampalataya?
31 Kaya huwag kayong mabalisa, na magsasabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’
32 Sapagkat hinahanap ng mga Hentil ang lahat ng mga bagay na ito; at batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.
33 Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian[g] at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.
34 “Kaya't huwag ninyong alalahanin ang bukas, sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa kanyang sarili. Sapat na para ngayon ang kabalisahan sa araw na ito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001