Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 13-14

13 “Kung may lumitaw sa inyo na isang propeta, o isang mapanaginipin ng mga panaginip, at bigyan ka niya ng isang tanda o kababalaghan,

at ang tanda o ang kababalaghan ay mangyari, na kanyang sabihin sa iyo, ‘Sumunod tayo sa ibang mga diyos,’ na hindi mo kilala, ‘at ating paglingkuran sila,’

huwag mong papakinggan ang mga salita ng propetang iyon, o ng mapanaginiping iyon sapagkat sinusubok kayo ng Panginoon ninyong Diyos, upang malaman kung iniibig ninyo ang Panginoon ninyong Diyos ng inyong buong puso at kaluluwa.

Kayo'y lalakad ayon sa Panginoon ninyong Diyos, at matatakot sa kanya, tutupad ng kanyang mga utos, susunod sa kanyang tinig, maglilingkod sa kanya, at mananatili sa kanya.

At ang propetang iyon o ang mapanaginiping iyon ay papatayin, sapagkat siya'y nagsalita ng paghihimagsik laban sa Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, at tumubos sa iyo sa bahay ng pagkaalipin, upang iligaw ka sa daan na iniutos ng Panginoon mong Diyos upang iyong lakaran. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

“Kung ang iyong kapatid na lalaki, na anak ng iyong ina, o ang iyong anak na lalaki o babae, o ang asawa ng iyong kaibigan, o ang iyong kaibigan na parang iyong sariling kaluluwa, ay humimok sa iyo nang lihim, na magsabi, ‘Tayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos,’ na hindi mo nakilala, ninyo o ng iyong mga ninuno;

sa mga diyos ng mga bayan na nasa palibot ninyo na malapit sa iyo, o malayo sa iyo, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa;

ay huwag kang padadala sa kanya o papakinggan siya; ni huwag mong titingnan siya ng may awa, ni patatawarin, ni ikukubli siya;

kundi papatayin mo siya. Ikaw ang mangunguna upang patayin siya, at pagkatapos ay ang buong bayan.

10 Iyong babatuhin siya ng mga bato upang siya'y mamatay, sapagkat kanyang pinagsikapang ilayo ka sa Panginoon mong Diyos, na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin.

11 At maririnig ng buong Israel, at matatakot, at hindi na gagawa ng anumang kasamaang gaya nito sa gitna mo.

12 “Kung iyong marinig sa isa sa iyong mga lunsod na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang manirahan ka roon,

13 na ilang masasamang tao mula sa mga kasama mo ang umalis at iniligaw ang mga naninirahan sa lunsod, na sinasabi, ‘Tayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos,’ na hindi ninyo nakilala;

14 ay iyo ngang usisain at siyasatin, at itanong na mabuti; at kung totoo na nagawa sa gitna mo ang gayong karumaldumal na bagay;

15 ay iyong lilipulin ang mga naninirahan sa lunsod na iyon sa pamamagitan ng talim ng tabak at iyong lubos na pupuksain ang lahat ng naroon at ang mga hayop doon sa pamamagitan ng talim ng tabak.

16 At iyong titipunin sa liwasan ang lahat ng nasamsam doon, at iyong susunugin sa apoy ang lunsod, at ang lahat ng nasamsam doon, bilang handog na sinusunog para sa Panginoon mong Diyos. Ito ay magiging isang bunton magpakailanman; hindi na muling maitatayo.

17 Huwag mong hayaang lumapat sa iyong kamay ang anumang bagay na itinalaga, upang talikuran ng Panginoon ang bagsik ng kanyang galit, pagpakitaan ka niya ng kaawaan, mahabag sa iyo at paramihin ka, gaya ng ipinangako niya sa iyong mga magulang,

18 kapag pinakinggan mo ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at iyong sinunod ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, at iyong ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon mong Diyos.

Mga Bawal na Kaugalian sa Pagluluksa

14 “Kayo'y(A) mga anak ng Panginoon ninyong Diyos; huwag ninyong susugatan ang inyong sarili, ni kakalbuhin ang inyong noo dahil sa patay.

Sapagkat(B) ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos, at ikaw ay pinili ng Panginoon upang maging bayan na kanyang sariling pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa balat ng lupa.

Malilinis at Maruruming mga Hayop(C)

“Huwag kang kakain ng anumang bagay na marurumi.

Ito ang mga hayop na maaari ninyong kainin: ang baka, ang tupa, at ang kambing,

ang malaking usa, at ang maliit na usa, at ang lalaking usa, at ang mailap na kambing, at ang kambing sa bundok, at ang kambing sa kapatagan, at ang tupang bundok.

At bawat hayop na may hati ang paa, biyak at ngumunguya, sa mga hayop, ay maaari ninyong kainin.

Gayunman, ang mga ito ay hindi dapat kakainin sa mga ngumunguya, o sa biyak ang paa: ang kamelyo, ang liebre, at ang kuneho, sapagkat sila'y ngumunguya, ngunit walang hati ang paa; ang mga ito ay marumi sa inyo.

At ang baboy, sapagkat may hati ang paa, ngunit hindi ngumunguya, ito'y marumi sa inyo; ang laman nila'y huwag ninyong kakainin, at ang kanilang bangkay ay huwag hihipuin.

“Lahat ng mga ito na nasa tubig ay maaari ninyong kainin: anumang may mga kaliskis at mga palikpik, ay maaari ninyong kainin.

10 Anumang walang kaliskis at palikpik ay huwag ninyong kakainin; marumi ito para sa inyo.

11 “Maaari ninyong kainin ang lahat ng ibong malilinis.

12 Ngunit ang mga ito'y hindi ninyo dapat kainin: ang agila, ang buwitre, at ang buwitreng itim,

13 at ang malaking lawin, at ang falkon, ayon sa kanilang uri;

14 at lahat ng uwak ayon sa kanilang uri;

15 ang avestruz, panggabing lawin, ang lawing dagat, at ang lawin, ayon sa kanilang uri;

16 ang munting kuwago, ang malaking kuwago, ang puting kuwago;

17 ang pelikano, ang buwitre, at ang somormuho;

18 ang puting tagak, ang tagak na kulay-ube, ayon sa kanilang uri; ang paniki, at ang kabág.

19 Lahat ng may pakpak na gumagapang ay marumi sa inyo; huwag ninyong kakainin ang mga ito.

20 Maaari ninyong kainin ang lahat ng ibong malilinis.

21 “Huwag(D) kayong kakain ng anumang bagay na kusang namatay; maaari mong ibigay sa dayuhang nasa loob ng iyong mga bayan, upang kanyang kainin; o maaari mong ipagbili sa dayuhan; sapagkat ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos.

“Huwag mong lulutuin ang guyang kambing sa gatas ng kanyang ina.”

Ang Kautusan tungkol sa Ikapu

22 “Kukunan(E) mo ng ikasampung bahagi ang lahat ng bunga ng iyong binhi na nanggagaling sa iyong bukid taun-taon.

23 Iyong kakainin sa harapan ng Panginoon mong Diyos, sa dakong kanyang pipiliin na patatahanan sa kanyang pangalan, ang ikasampung bahagi ng iyong trigo, ng iyong alak at ng iyong langis, at ang mga panganay sa iyong bakahan at sa iyong kawan upang lagi kang matutong matakot sa Panginoon mong Diyos.

24 At kung ang daan ay napakahaba para sa iyo, na anupa't hindi mo madala ang ikapu kapag pinagpala ka ng Diyos, sapagkat napakalayo sa iyo ang dakong pinili ng Panginoon mong Diyos na paglalagyan ng kanyang pangalan,

25 ay iyo ngang tutumbasan ng salapi at itatali mo ang salapi sa iyong kamay at pupunta ka sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Diyos;

26 at iyong gugulin ang salapi sa anumang nais mo: baka, tupa, alak, matapang na inumin, o sa anumang iyong nasain. Ikaw ay kakain doon sa harapan ng Panginoon mong Diyos, at ikaw at ang iyong sambahayan ay magalak.

27 Ang Levita na nasa loob ng iyong mga bayan ay huwag mong pababayaan, sapagkat siya'y walang bahagi ni pamana na kasama mo.

28 “Sa katapusan ng bawat tatlong taon ay iyong kukunin ang buong ikasampung bahagi ng iyong bunga ng taong iyon, at iyong ilalagay sa loob ng iyong mga bayan.

29 At ang Levita, sapagkat siya'y walang bahagi ni pamana na kasama mo, at ang dayuhan, ang ulila, ang babaing balo na nasa loob ng iyong mga bayan ay pupunta roon at kakain at mabubusog, upang pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawain na iyong ginagawa.

Mga Awit 99-101

99 Ang(A) Panginoon ay naghahari, manginig ang taong-bayan!
    Siya'y nakaupo sa mga kerubin; mayanig ang lupa.
Ang Panginoon ay dakila sa Zion;
    siya'y higit na mataas sa lahat ng mga bayan.
Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan!
    Siya'y banal!
Ang lakas ng Hari, ay umiibig ng katarungan,
ikaw ay nagtatag ng pagkakapantay-pantay,
ikaw ay nagsagawa ng katarungan at katuwiran sa Jacob.
Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos;
    magsisamba kayo sa kanyang paanan!
    Siya'y banal.

Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari,
    si Samuel ay kabilang sa mga nagsisitawag sa kanyang pangalan.
    Sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at kanyang sinagot sila.
Siya'y(B) nagsasalita sa kanila sa haliging ulap;
    kanilang iningatan ang mga patotoo niya,
    at ang tuntunin na ibinigay niya sa kanila.

O Panginoon naming Diyos, sinagot mo sila;
ikaw ay Diyos na mapagpatawad sa kanila,
    ngunit isang tagapaghiganti sa mga maling gawa nila.
Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos,
    at magsisamba kayo sa kanyang banal na bundok;
    sapagkat ang Panginoon nating Diyos ay banal!

Isang Awit para sa Handog na Pasasalamat.

100 Sumigaw kayo na may kagalakan sa Panginoon, lahat na mga lupain!
    Maglingkod kayo sa Panginoon na may kagalakan;
    magsilapit kayo sa kanyang harapan na may awitan.

Kilalanin ninyo na ang Panginoon ay Diyos!
    Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kanya;
    tayo'y kanyang bayan, at mga tupa ng kanyang pastulan.

Magsipasok kayo sa kanyang mga pintuan na may pagpapasalamat,
    at sa kanyang mga bulwagan na may pagpupuri!
    Magpasalamat kayo sa kanya, at purihin ninyo ang pangalan niya!

Sapagkat(C) ang Panginoon ay mabuti;
    ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
    at ang kanyang katapatan ay sa lahat ng salinlahi.

Awit ni David.

101 Ako'y aawit tungkol sa katapatan at katarungan,
    sa iyo, O Panginoon, aawit ako.
Aking susundin ang daang matuwid.
    O kailan ka darating sa akin?
Ako'y lalakad sa loob ng aking bahay
    na may tapat na puso.
Hindi ko ilalagay sa harapan ng aking mga mata
    ang anumang hamak na bagay.
Kinapopootan ko ang gawa ng mga tumalikod;
hindi ito kakapit sa akin.
Ang suwail na puso ay hihiwalay sa akin,
    hindi ako makakaalam ng masamang bagay.

Ang lihim na naninirang-puri sa kanyang kapwa
    ay aking pupuksain.
Ang taong may mapagmataas na tingin at may palalong puso
    ay hindi ko titiisin.

Ang mga mata ko'y itititig ko sa mga tapat sa lupain,
    upang sila'y makatirang kasama ko.
Siya na lumalakad sa sakdal na daan
    ay maglilingkod sa akin.

Walang taong gumagawa ng pandaraya
    ang tatahan sa aking bahay;
walang taong nagsasalita ng kasinungalingan
    ang mananatili sa aking harapan.

Tuwing umaga ay aking lilipulin
    ang lahat ng masama sa lupain,
upang itiwalag ang lahat na manggagawa ng kasamaan
    sa lunsod ng Panginoon.

Isaias 41

Ang Pangako ng Diyos sa Israel

41 Tahimik kayong makinig sa akin, O mga lupain sa baybayin;
    hayaang magpanibagong lakas ang mga bayan;
hayaang lumapit sila, at hayaang magsalita sila;
    tayo'y sama-samang lumapit para sa kahatulan.

Sinong nagbangon ng matuwid sa silangan,
    na kaniyang tinawag sa kanyang paanan?
Siya'y nagbibigay ng mga bansa sa harap niya,
    pinasusuko niya ang mga hari;
kanyang ginagawa silang parang alabok sa kanyang tabak,
    na parang pinaspas na dayami ng kanyang busog.
Kanyang hinahabol sila at lumalampas na payapa
    sa mga daang hindi dinaanan ng kanyang mga paa.
Sinong nagbalak at nagsagawa nito,
    na tumawag ng mga salinlahi mula nang pasimula?
Akong Panginoon, ang una,
    at kasama ng huli, Ako nga.
Nakita ng mga pulo, at natakot,
    ang mga dulo ng lupa ay nanginig;
    sila'y lumapit, at pumarito.
Bawat tao'y tumutulong sa kanyang kapwa,
    at sinasabi sa kanyang kapatid, “Ikaw ay magpakatapang!”
Pinasisigla ng karpintero ang platero,
    at pinasisigla ng gumagamit ng pamukpok ang pumupukpok ng palihan,
na sinasabi tungkol sa paghinang, “Mabuti”;
    at kanyang inilalapat ng mga pako, upang huwag makilos.

Ang Israel ay Tiniyak na Tutulungan ng Panginoon

Ngunit(A) ikaw, Israel, lingkod ko,
    Jacob, na siyang aking pinili,
    na binhi ni Abraham na aking kaibigan;
ikaw na aking kinuha mula sa mga dulo ng lupa,
    at tinawag kita mula sa mga pinakamalayong sulok niyon,
na sinasabi sa iyo, “Ikaw ay aking lingkod,
    aking pinili ka at hindi kita itinakuwil”;
10 huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo,
    huwag kang mabalisa, sapagkat ako'y Diyos mo;
aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan;
    oo, ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran.

11 Narito, silang lahat na nagagalit sa iyo
    ay mapapahiya at malilito:
silang nakikipaglaban sa iyo
    ay mawawalan ng kabuluhan at mapapahamak.
12 Iyong hahanapin sila na nakikipaglaban sa iyo,
    ngunit hindi mo sila matatagpuan;
silang nakikipagdigma laban sa iyo
    ay matutulad sa wala.
13 Sapagkat ako, ang Panginoon mong Diyos,
    ang humahawak ng iyong kanang kamay;
ako na nagsasabi sa iyo, “Huwag kang matakot,
    ikaw ay aking tutulungan.”

14 Huwag kang matakot, ikaw na uod na Jacob,
    at kayong mga lalaki ng Israel!
aking tutulungan ka, sabi ng Panginoon,
    ang iyong Manunubos ay ang Banal ng Israel.
15 Narito, ginawa kitang bagong matalas na kasangkapang panggiik,
    na may mga ngipin;
iyong gigiikin ang mga bundok, at dudurugin ang mga iyon,
    at iyong gagawing parang ipa ang mga burol.
16 Iyong tatahipan sila, at tatangayin ng hangin,
    at pangangalatin ng ipu-ipo.
At ikaw ay magagalak sa Panginoon,
    at iyong luluwalhatiin ang Banal ng Israel.

17 Kapag ang dukha at nangangailangan ay humahanap ng tubig,
    at wala,
    at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw,
akong Panginoon ay sasagot sa kanila,
    akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.
18 Ako'y magbubukas ng mga ilog sa mga lantad na kaitaasan,
    at ng mga bukal sa gitna ng mga libis;
aking gagawin ang ilang na lawa ng tubig,
    at ang tuyong lupain ay mga bukal ng tubig.
19 Aking itatanim sa ilang ang sedro,
    ang puno ng akasya, at ang arayan, at ang olibo;
aking ilalagay na magkakasama sa ilang ang sipres na puno,
    ang alerses at pino;
20 upang makita at malaman ng mga tao,
    isaalang-alang at sama-samang unawain,
na ginawa ito ng kamay ng Panginoon,
    at nilikha ito ng Banal ng Israel.

Ang Hamon ng Diyos sa mga Huwad na Diyos

21 Iharap ninyo ang inyong usapin, sabi ng Panginoon;
    dalhin ninyo ang inyong mga matibay na dahilan, sabi ng Hari ni Jacob.
22 Hayaang dalhin nila, at ipahayag sa amin
    kung anong mangyayari.
Sabihin sa amin ang mga dating bagay, kung ano ang mga iyon,
upang aming malaman ang kalalabasan nila;
    o ipahayag ninyo sa amin ang mga bagay na darating.
23 Inyong ipahayag ang mga bagay na darating pagkatapos,
    upang aming malaman na kayo'y mga diyos;
oo, kayo'y gumawa ng mabuti, o gumawa ng kasamaan,
    upang kami ay mawalan ng loob at mamasdan naming sama-sama.
24 Narito, kayo'y bale-wala,
    at walang kabuluhan ang inyong gawa;
    kasuklamsuklam siya na pumipili sa inyo.
25 May ibinangon ako mula sa hilaga, at siya'y dumating;
    mula sa sikatan ng araw ay tatawag siya sa aking pangalan;
siya'y paroroon sa mga pinuno na parang pambayo,
    gaya ng magpapalayok na tumatapak sa luwad.
26 Sinong nagpahayag noon mula nang pasimula upang aming malaman?
    At nang una, upang aming masabi, “Siya'y matuwid”?
Oo, walang nagpahayag, oo, walang nagsalita,
    oo, walang nakinig ng inyong mga salita.
27 Ako'y unang magsasabi sa Zion,
    narito, narito sila;
    at ako'y magbibigay sa Jerusalem ng isa na nagdadala ng mga mabuting balita.
28 Ngunit nang ako'y tumingin ay walang tao,
    sa gitna nila ay walang tagapayo
    na makapagbibigay ng sagot, kapag nagtatanong ako.
29 Narito, silang lahat ay masama;
    ang kanilang mga gawa ay walang kabuluhan,
    ang kanilang mga larawang inanyuan ay hangin at walang laman.

Apocalipsis 11

Ang Dalawang Saksi

11 Pagkatapos(A) ay binigyan ako ng isang tambong panukat na tulad ng isang tungkod, at sinabi sa akin, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos, ang dambana, at ang mga sumasamba roon.

Ngunit(B) huwag mong susukatin ang patyo sa labas ng templo; pabayaan mo na iyon, sapagkat ibinigay iyon sa mga bansa at kanilang yuyurakan ang banal na lunsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.

Papahintulutan ko ang aking dalawang saksi na magpahayag ng propesiya sa loob ng 1,260 araw, na nakasuot ng damit-sako.”

Ang(C) mga ito'y ang dalawang punong olibo at ang dalawang ilawan na nakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa.

At kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, apoy ang lumalabas sa kanilang bibig at nilalamon ang kanilang mga kaaway; at kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, siya'y kailangang patayin sa ganitong paraan.

Ang(D) mga ito'y may kapangyarihang magsara ng langit upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang pagpapahayag ng propesiya at may kapangyarihan sila sa mga tubig na gawing dugo, at pahirapan ang lupa ng bawat salot sa tuwing kanilang naisin.

At(E) kapag natapos na nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa di-matarok na kalaliman ay makikipagdigma sa kanila, lulupigin sila, at papatayin.

At(F) ang kanilang mga bangkay ay hahandusay sa lansangan ng malaking lunsod, na sa espirituwal na pananalita ay tinatawag na Sodoma at Ehipto, na kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon.

Pagmamasdan ng mga tao mula sa mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa ang kanilang mga bangkay sa loob ng tatlong araw at kalahati, at hindi ipahihintulot na ang kanilang mga bangkay ay mailibing.

10 At ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa ay magagalak tungkol sa kanila at magkakatuwa, at sila'y magpapalitan ng mga handog, sapagkat ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa.

11 Ngunit(G) pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Diyos ay pumasok sa kanila. Sila'y tumindig at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila.

12 At(H) narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila, “Umakyat kayo rito!” At sila'y umakyat sa langit sa isang ulap at nakita sila ng kanilang mga kaaway.

13 At(I) nang oras na iyon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasampung bahagi ng lunsod; may namatay sa lindol na pitong libong katao at ang mga iba ay natakot, at nagbigay ng luwalhati sa Diyos ng langit.

14 Nakaraan na ang ikalawang kapighatian. Ang ikatlong kapighatian ay napakalapit nang dumating.

Ang Ikapitong Trumpeta

15 At(J) hinipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit na nagsasabi,

“Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon
    at ng kanyang Cristo,
at siya'y maghahari magpakailanpaman.”

16 At ang dalawampu't apat na matatanda na nakaupo sa kanya-kanyang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos,

17 na nagsasabi,

“Pinasasalamatan ka namin, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    ang ngayon at ang nakaraan,
sapagkat kinuha mo ang iyong dakilang kapangyarihan,
    at ikaw ay naghari.
18 Nagalit(K) ang mga bansa, ngunit dumating ang iyong poot,
at ang panahon upang hatulan ang mga patay,
at upang bigyan ng gantimpala ang iyong mga alipin, ang mga propeta, at ang mga banal, at ang mga natatakot sa iyong pangalan,
ang mga hamak at dakila, at upang puksain mo ang mga pumupuksa sa lupa.”

19 At(L) nabuksan ang templo ng Diyos na nasa langit at nakita sa kanyang templo ang kaban ng kanyang tipan; at nagkaroon ng mga kidlat, ng mga tinig, ng mga kulog, ng lindol, at mabigat na yelong ulan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001