M’Cheyne Bible Reading Plan
22 “Huwag(A) mong hahayaang maligaw ang baka ng iyong kapatid o ang kanyang tupa, o ikaw ay magkait ng tulong[a] sa kanila; ibabalik mo ang mga iyon sa iyong kapatid.
2 Kung ang iyong kapatid ay malayo sa iyo o kung hindi mo siya kilala, iuuwi mo ito sa iyong bahay at mananatili sa iyo hanggang sa hanapin ng may-ari, at kung gayo'y isasauli mo sa kanya.
3 Gayundin ang iyong gagawin sa kanyang asno; gayundin ang iyong gagawin sa kanyang damit, at gayundin ang iyong gagawin sa bawat nawalang bagay ng iyong kapatid na nawala sa kanya at iyong natagpuan. Huwag kang magkait ng tulong.
4 Huwag mong hahayaang nakatumba sa daan ang asno ng iyong kapatid o ang kanyang baka at hindi mo pansinin. Tutulong ka na muling maitayo niya.
5 “Ang babae ay huwag mananamit ng nauukol sa lalaki, ni ang lalaki ay magsusuot ng damit ng babae; sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon mong Diyos.
6 “Kung nagkataong ang isang pugad ng ibon ay matagpuan mo sa daan, o sa anumang punungkahoy, o sa lupa, na may mga inakay, o mga itlog at lumilimlim ang inahin sa mga inakay, o sa mga itlog, huwag mong kukunin ang inahin na kasama ng mga inakay.
7 Pakawalan mo ang inahin, ngunit ang inakay ay makukuha mo para sa iyo; para sa kabutihan mo at upang ikaw ay mabuhay nang mahaba.
8 “Kapag ikaw ay magtatayo ng isang bagong bahay, gagawa ka ng isang harang para sa iyong bubungan upang huwag kang magkaroon ng dugo ng maysala sa iyong bahay, kung ang sinumang tao ay mahulog mula roon.
9 “Huwag(B) mong tatamnan ang iyong ubasan ng dalawang magkaibang binhi, baka ang lahat ng bunga ay masira, ang binhi na iyong inihasik at ang bunga ng ubasan.
10 Huwag kang mag-aararo na may isang baka at isang asno ang magkatuwang.
11 Huwag kang magsusuot ng magkahalong tela, ng lana at lino na magkasama.
12 “Gagawa(C) ka para sa iyo ng mga tirintas sa apat na laylayan ng iyong balabal, na itinatakip mo sa iyo.
Tungkol sa Pagtatalik
13 “Kung ang sinumang lalaki ay mag-asawa at pagkatapos sumiping sa babae,[b] ay kanyang kapootan siya,
14 at kanyang pagbintangan ng mga kahiyahiyang bagay at siraan siya ng dangal sa pamamagitan ng pagsasabing, ‘Aking kinuha ang babaing ito, ngunit nang sipingan ko siya ay hindi ko natagpuan sa kanya ang mga tanda ng pagkabirhen.’
15 Kung magkagayo'y, ang ama at ina ng dalaga ay magbibigay ng mga katibayan ng pagkabirhen ng babae sa matatanda sa lunsod sa pintuang-bayan;
16 at sasabihin ng ama ng dalaga sa matatanda, ‘Ibinigay ko ang aking anak sa lalaking ito upang maging asawa ngunit kanyang kinapootan siya.
17 Kanyang pinagbibintangan siya ng mga kahiyahiyang bagay sa pagsasabing, “Hindi ko natagpuan sa iyong anak ang mga katibayan ng pagkabirhen;” gayunma'y ito ang mga tanda ng pagkabirhen ng aking anak.’ At kanilang ilaladlad ang kasuotan sa harapan ng matatanda sa bayan.
18 Kukunin ng matatanda sa lunsod na iyon ang lalaki at siya'y hahagupitin;
19 at kanilang pagbabayarin siya ng isang daang siklong pilak at ibibigay sa ama ng dalaga sapagkat kanyang siniraang-puri ang isang dalaga ng Israel. Siya'y mananatili bilang kanyang asawa; hindi niya mapapalayas ang babae sa lahat ng kanyang mga araw.
20 Ngunit kung ang bagay na ito ay totoo na ang mga tanda ng pagkabirhen ay hindi natagpuan sa dalaga,
21 kanila ngang ilalabas ang dalaga sa pintuan ng bahay ng kanyang ama, at babatuhin siya ng mga bato ng mga lalaki sa kanyang bayan upang siya'y mamatay. Nagkasala siya ng kahangalan sa Israel sa paggawa ng kahalayan sa bahay ng kanyang ama; gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
22 “Kung ang isang lalaki ay matagpuang sumisiping sa isang babaing may asawa, kapwa sila papatayin, ang lalaki na sumiping sa babae at ang babae. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa Israel.
23 “Kung ang isang dalaga ay nakatakdang ikasal sa isang lalaki, at natagpuan siya ng isang lalaki sa bayan, at sumiping sa kanya;
24 kapwa mo sila ilalabas sa pintuan ng lunsod na iyon at inyong babatuhin sila ng mga bato upang sila'y mamatay; ang dalaga, sapagkat hindi siya sumigaw kahit na siya ay nasa lunsod, at ang lalaki, sapagkat nilapastangan niya ang asawa ng kanyang kapwa. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
25 “Ngunit kung matagpuan ng lalaki sa parang ang isang dalagang nakatakdang ikasal, at pilitin siya ng lalaki na sipingan siya, ang lalaki lamang na sumiping sa kanya ang papatayin.
26 Ngunit ang dalaga ay huwag mong gagawan ng anuman; sa dalaga ay walang anumang kasalanang nararapat ikamatay, sapagkat ang usaping ito ay gaya ng isang lalaking dinaluhong at pinatay ang kanyang kapwa.
27 Yamang kanyang natagpuan ang dalaga sa parang, ang dalagang nakatakdang ikasal ay maaaring sumigaw ngunit walang magliligtas sa kanya.
28 “Kung(D) matagpuan ng isang lalaki ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal, at kanyang sinunggaban at sinipingan siya, at sila'y nahuli sa akto,
29 ang lalaking sumiping sa kanya ay magbibigay sa ama ng dalaga ng limampung siklong pilak, at ang dalaga ay magiging kanyang asawa. Sapagkat kanyang nilapastangan siya, hindi niya maaaring hiwalayan ang dalaga hangga't siya ay nabubuhay.
30 “Huwag(E) kukunin ng isang lalaki ang asawa ng kanyang ama at huwag ililitaw ang balabal ng kanyang ama.
Awit ni David.
110 Sinabi(A) ng Panginoon sa aking panginoon:
“Umupo ka sa aking kanan,
hanggang sa aking gawing tuntungan ng iyong paa ang iyong mga kaaway.”
2 Iuunat ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Zion.
Mamuno ka sa gitna ng mga kaaway mo!
3 Kusang-loob na ihahandog ng iyong bayan
sa araw ng iyong kapangyarihan
sa kagandahan ng kabanalan.
Mula sa bukang-liwayway ng umaga,
ang iyong kabataan ay darating sa iyo na hamog ang kagaya.
4 Sumumpa(B) ang Panginoon, at hindi magbabago ang kanyang isipan,
“Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
5 Ang Panginoon ay nasa iyong kanang kamay;
dudurugin niya ang mga hari sa araw ng kanyang poot.
6 Siya'y maglalapat ng hatol sa mga bansa,
kanyang pupunuin sila ng mga bangkay;
wawasakin niya ang mga pinuno sa kalaparan ng lupa.
7 Siya'y iinom sa batis sa tabi ng daan;
kaya't ang kanyang ulo ay kanyang itataas.
111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
2 Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
3 Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
4 Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
5 Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
6 Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
7 Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
8 ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
9 Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(C) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!
Ang Israel ang Tanglaw ng mga Bansa
49 Kayo'y(A) makinig sa akin, O mga pulo;
at inyong pakinggan, kayong mga bayan sa malayo.
Tinawagan ako ng Panginoon mula sa sinapupunan,
mula sa katawan ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan.
2 Ang(B) aking bibig ay ginawa niyang parang matalas na tabak,
sa lilim ng kanyang kamay ay ikinubli niya ako;
ginawa niya akong makinang na palaso,
sa kanyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako.
3 At sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking lingkod;
Israel, na siyang aking ikaluluwalhati.”
4 Ngunit aking sinabi, “Ako'y gumawang walang kabuluhan,
ginugol ko ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan;
gayunma'y ang aking katarungan ay nasa Panginoon,
at ang aking gantimpala ay nasa aking Diyos.”
5 At ngayo'y sinabi ng Panginoon,
na nag-anyo sa akin mula sa sinapupunan upang maging kanyang lingkod,
upang ibalik uli ang Jacob sa kanya,
at ang Israel ay matipon sa kanya;
sapagkat sa mga mata ng Panginoon ako'y pinarangalan,
at ang aking Diyos ay aking kalakasan—
6 oo, kanyang(C) sinasabi:
“Napakagaan bang bagay na ikaw ay naging aking lingkod
upang ibangon ang mga lipi ni Jacob,
at panumbalikin ang iningatan ng Israel;
ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga bansa
upang ang aking kaligtasan ay makarating hanggang sa dulo ng lupa.”
7 Ganito ang sabi ng Panginoon,
ng Manunubos ng Israel at ng kanyang Banal,
sa lubos na hinamak, sa kinasuklaman ng bansa,
ang lingkod ng mga pinuno:
“Ang mga hari at ang mga pinuno,
ay makakakita at babangon, at sila'y magsisisamba;
dahil sa Panginoon na tapat,
sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.”
8 Ganito(D) ang sabi ng Panginoon:
“Sa kalugud-lugod na panahon ay sinagot kita,
at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita;
aking iningatan ka, at ibinigay kita
bilang isang tipan sa bayan,
upang itatag ang lupain,
upang ipamahagi ang mga sirang mana;
9 na sinasabi sa mga bilanggo, ‘Kayo'y magsilabas;’
sa mga nasa kadiliman, ‘Magpakita kayo.’
Sila'y magsisikain sa mga daan,
at ang lahat ng bukas na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan.
10 Sila'y(E) hindi magugutom, o mauuhaw man;
at hindi rin sila mapapaso ng maiinit na hangin ni sasaktan man sila ng araw.
Sapagkat siyang may awa sa kanila ang sa kanila ay papatnubay,
at aakayin sila sa tabi ng mga bukal ng tubig.
11 At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok,
at ang aking mga lansangan ay patataasin.
12 Narito, ang mga ito'y manggagaling sa malayo,
at, narito, ang mga ito ay mula sa hilaga, at mula sa kanluran,
at ang mga ito ay mula sa lupain ng Sinim.”
13 Umawit ka sa kagalakan, O kalangitan, at magalak ka, O lupa;
kayo'y biglang umawit, O mga kabundukan!
Sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang bayan,
at mahahabag sa kanyang mga nahihirapan.
14 Ngunit sinabi ng Zion, “Pinabayaan ako ng Panginoon,
kinalimutan ako ng aking Panginoon.”
15 “Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin,
na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kanyang sinapupunan?
Oo, ang mga ito'y makakalimot,
ngunit hindi kita kalilimutan.
16 Narito, aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko,
ang iyong mga pader ay laging nasa harapan ko.
17 Ang iyong mga tagapagtayo ay magmamadali,
at ang sumisira, at ang nagwawasak sa iyo ay lalayo.
18 Imulat mo ang iyong mga mata sa palibot, at tingnan mo;
silang lahat ay nagtitipon, sila'y lumalapit sa iyo.
Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoon,
silang lahat ay isusuot mo na gaya ng panggayak,
gaya ng ginagawa ng babaing ikakasal, bibigkisan mo silang lahat.
19 “Sapagkat ang iyong mga sira at mga gibang dako
at ang iyong lupaing nawasak—
tiyak na ngayon ikaw ay magiging totoong napakakipot
para sa iyong mga mamamayan, at silang lumamon sa iyo ay mapapalayo.
20 Ang mga anak na ipinanganak sa panahon ng inyong kapanglawan
ay magsasabi pa sa iyong pandinig:
‘Ang lugar ay napakakipot para sa akin.
Bigyan mo ako ng lugar na aking matitirahan.’
21 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa iyong puso:
‘Sinong nagsilang ng mga ito sa akin?
Ako'y namanglaw at walang anak,
itinapon at palabuy-laboy,
ngunit sinong nagpalaki sa mga ito?
Narito, ako'y naiwang mag-isa;
saan nagmula ang mga ito?’”
22 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Itataas ko ang aking kamay sa mga bansa,
at itatayo ko ang aking watawat sa mga bayan;
at ilalagay nila ang inyong mga anak na lalaki sa kanilang sinapupunan,
at ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga balikat ay ipapasan.
23 At mga hari ang magiging iyong mga tagapag-alaga,
at ang kanilang mga reyna ay siyang mag-aaruga.
Sila'y yuyukod sa iyo na ang kanilang mga mukha ay nakatungo sa lupa,
at hihimurin ang alabok ng inyong mga paa.
At iyong makikilala na ako ang Panginoon;
ang mga naghihintay sa akin ay hindi mapapahiya.
24 Makukuha ba ang biktima mula sa makapangyarihan,
o maililigtas ba ang nabiktima ng malupit?”
25 Ngunit, ganito ang sabi ng Panginoon:
“Pati ang mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin,
at ang biktima ng malupit ay maliligtas,
sapagkat ako'y makikipaglaban sa mga nakikipaglaban sa iyo,
at aking ililigtas ang mga anak mo.
26 At ipapakain ko sa mga umaapi sa iyo ang kanilang sariling laman,
at sila'y malalasing sa kanilang sariling dugo na gaya ng matamis na alak.
At makikilala ng lahat ng laman
na akong Panginoon ay iyong Tagapagligtas,
at iyong Manunubos, ang Makapangyarihan ng Jacob.”
Ang Pagsasaya sa Langit
19 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malakas na tinig ng napakaraming tao sa langit, na nagsasabi,
“Aleluia!
Ang kaligtasan, at kaluwalhatian, at kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos.
2 Sapagkat(A) tunay at matuwid ang kanyang mga paghatol;
hinatulan niya ang tanyag na mahalay na babae[a]
na nagpasama sa daigdig sa pamamagitan ng kanyang pakikiapid,
at ipinaghiganti ng Diyos[b] ang dugo ng kanyang mga alipin[c] laban sa babae.”[d]
3 At(B) sa ikalawang pagkakataon ay kanilang sinabi,
“Aleluia!
At ang usok ng babae[e] ay pumailanglang magpakailanpaman.”
4 At nagpatirapa ang dalawampu't apat na matatanda at ang apat na nilalang na buháy, at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono, na nagsasabi,
“Amen. Aleluia!”
Ang Hapunan ng Kasalan ng Kordero
5 At(C) lumabas ang isang tinig sa trono, na nagsasabi,
“Purihin ninyo ang ating Diyos,
kayong lahat na mga alipin niya,
at kayong natatakot sa kanya,
mga hamak at dakila.”
6 Narinig(D) ko ang gaya ng isang tinig ng napakaraming tao, gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng dagundong ng malalakas na kulog na nagsasabi,
“Aleluia!
Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
7 Tayo'y magalak at tayo'y magpakasaya
at ibigay natin sa kanya ang kaluwalhatian,
sapagkat dumating na ang kasal ng Kordero,
at inihanda na ng kanyang magiging asawa ang kanyang sarili.
8 At sa kanya'y ipinagkaloob na magsuot
ng pinong lino, makintab at malinis;”
sapagkat ang pinong lino ay ang matutuwid na gawa ng mga banal.
9 At(E) sinabi ng anghel[f] sa akin, “Isulat mo: Mapapalad ang mga inanyayahan sa hapunan ng kasalan ng Kordero.” At sinabi niya sa akin, “Ito ang mga tunay na salita ng Diyos.”
10 At ako'y nagpatirapa sa kanyang paanan upang siya'y aking sambahin, ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo alipin na kasama mo at ng iyong mga kapatid na mayroong patotoo ni Jesus. Sa Diyos ka sumamba. Sapagkat ang patotoo ni Jesus ang espiritu ng propesiya.”
Ang Nakasakay sa Puting Kabayo
11 At(F) nakita kong nabuksan ang langit at naroon ang isang kabayong puti! At ang nakasakay doon ay tinatawag na Tapat at Totoo; at sa katuwiran siya'y humahatol at nakikipagdigma.
12 Ang(G) kanyang mga mata ay tulad ng ningas ng apoy, at sa kanyang ulo ay maraming diadema; at siya'y may isang pangalang nakasulat, na walang nakakaalam kundi ang kanyang sarili.
13 Siya'y nakasuot ng damit na inilubog sa[g] dugo at ang kanyang pangalan ay tinatawag na Ang Salita ng Diyos.
14 Ang mga hukbo ng langit ay sumusunod sa kanya na mga nakasakay sa mga kabayong puti, at sila'y may damit na pinong lino na maputi at dalisay.
15 Mula(H) sa kanyang bibig ay lumalabas ang isang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y tatagain niya ang mga bansa at sila'y kanyang paghaharian ng tungkod na bakal, at paaagusin niya mula sa pisaan ng ubas ang bagsik ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
16 At siya'y mayroong isang pangalang nakasulat sa kanyang damit at sa kanyang hita, “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
17 At(I) nakita kong nakatayo sa araw ang isang anghel, at siya'y sumigaw nang may malakas na tinig, na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa gitna ng himpapawid, “Halikayo at magkatipon sa dakilang hapunan ng Diyos,
18 upang kayo'y makakain ng laman ng mga hari, ng laman ng mga kapitan, ng laman ng mga taong makapangyarihan, ng laman ng mga kabayo at ng mga nakasakay dito, at ng laman ng lahat ng mga taong malaya at mga alipin man, mga hamak at dakila.”
19 At nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo, na nagkakatipon upang makipagdigma laban doon sa nakasakay sa kabayo, at laban sa kanyang hukbo.
20 At(J) hinuli ang halimaw at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa harapan nito, na siyang ipinandaya sa mga tumanggap ng tanda ng halimaw at sa mga sumamba sa larawan nito. Ang dalawang ito ay buháy na inihagis sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre.
21 At ang mga iba ay pinatay ng tabak na lumalabas sa bibig noong nakasakay sa kabayo; at ang lahat ng mga ibon ay nabusog sa mga laman nila.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001